PANOORIN: Pagbasa ni Jasper Arcalas ng ‘Sa Gitna ng mga Salita’

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

PANOORIN: Pagbasa ni Jasper Arcalas ng ‘Sa Gitna ng mga Salita’
Inimbitahan ng Rappler ang spoken word artist na si Jasper Arcalas para bigkasin ang kanyang tulang 'Sa Gitna ng mga Salita'

Sa araw, isang peryodista si Jasper Arcalas; sa gabi, ipinamamalas niya ang kanyang galing sa spoken word poetry.

Bagaman maituturing na baguhan, unti-unti na ring napapansin ang galing ni Jasper sa larangang ito.

Inimbitahan ng Rappler si Jasper Arcalas para bigkasin ang kanyang tulang “Sa Gitna ng mga Salita” bilang pagdiriwang sa Buwan ng Wika. – Rappler.com

Ang sabi nila sa akin makata raw ako
at pagdating sa mga salita magaling maglaro
Kaya pinagtagpo ko ang mahal at kataga
upang ipakita sa iyo kung gaano ka kahalaga.
Mahal, kataga, kataga. 
Mahal huwag ka nang mag-alala
dahil tinanggal ko na ang hala
sa iyong halaga. Ayaw kong umuuwi
ka sa bahay nang mayroong pagtataka.
Halaga mo kasi sa akin ay higit sa ilang beses
na pagsisinungaling mo sa harap ng salamin.
Dahil alam kong, alam mong, alam ng salamin
ang bawat pagkakasala mo sa akin. 
At alam din ng salamin ang bawat pagkakasala ko sa iyo.
Una, pinagtugma ko ang iyong ngiti sa salitang luwalhati.
Dahil niluwal ka sa mundong ito 
ng may gandang nakabibighani.
Ngunit ang hindi ko nabatid 
kasingtugma rin pala ng iyong ngiti
ang salitang pighati.
Ngunit mas masakit yata na sa parehas na salita
ay mayroong hati.
Luwalhati. Pighati.
Hati-hati ako sa tuwing hinahalikan mo
ang aking marurupok na mga labi
at sinasambit ang mga katagang:
Mahal na mahal kita,
at sana huwag kang magkakamali.
Pangalawa, gumawa ako ng mahabang listahan ng mga sana.
Dahil pagod na ako sa katatakbo
sa gitna ng ating kahapon.
Hapo na ako sa kahahanap ng saysay
sa kasaysayan ng ating pagsasama.
Sana… sana hindi ako napalingon sa iba
at baka sakaling nakatitig ka pa rin sa aking mga mata.
Sana… sana hindi na lang ako nalulong sa dota
at baka kamay mo at hindi mouse ang aking hawak sa gabi.
Sana… sana… naubusan na ako ng mga sana
dahil lahat ng ating mga alaala
ay tinangay mo na nang lumisan ka sinta.
Dahil ako mismong tinawag mong makata
ay nawala sa gitna ng aking mga salita.
A ba ka da e ka si ma sa ya ka na sa pi ling ng i ba
Sa bawat simula, gitna at dulo ng mga salita
wala akong ibang nais ipinta
kung hindi mukha mo lamang sinta.
Dahil oo, totoo ang sinasabi nila
na kapag minahal ka ng manunulat
magiging imortal ka. 
Sa kaniyang mga tula, kuwento at iba pang akda.
Ngunit ang hindi nila batid
na sa likod ng mga sulating iyon
ay isang hamak na mortal
na walang ibang alam kung hindi ang mahalin ka.
At ang mas masakit na hindi nila batid
na ang ating nadarama ay hindi lubusang
maisasatitik, maisasatula o maisasakataga.
Tulad ng dalawang salitang hindi ko masambit
sa harap ng iyong mukha: mahal, kataga.
Mahal masaya na ako ngayon
sa piling ng aking mga kataga. 

 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!