SUMMARY
This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.
MANILA, Philippines – Tumutula naman tayong netizens anomang panahon nating maibigan, alam ko. Pero di maiwasan, kapag Buwan ng Wika, mas naaalala at napapagpursigihan nating gawin ito.
Sinimulan ko, halimbawa, ang pagpo-post ng dalit – isang anyo ng katutubong tula – nitong Agosto, habang hindi gumagalaw ang trapik sa Edsa. (Dati, tanaga ang tinutweet ko sa kahabaan ng biyahe.)
Akala ko rati’y daig Ng usad ng EDSA traffic Ang mabagal mong pag-ibig. Ngayon ika’y mas mabilis! #DaliTweet @rapplerdotcom
— Miss Go (@miriamgracego) August 15, 2014
Agosto rin, noong 2013, nang ilunsad ng Rappler ang #Tweetanaga, isang paligsahan ng mga tulang gumagamit ng katutubong anyo, pero sa makabagong medium, ang microblogging site na Twitter. (BASAHIN: #Tweetanaga: Can you write poetry in 140?)
Kahanga-hanga ang naging tugon ng Twitter users na karamihan ay noon lang nakaalam ng tungkol sa tanaga. (BASAHIN: #Tweetanaga: 10 best social media poets).
Kaya sa pagtatapos ng buwang ipinagdiriwang ang pinauunlad nating wikang pambansa, sisimulan naman ng Rappler ang paligsahan ng mga #DaliTweet.
Simple lang ang patakaran: mag-post sa Twitter ng dalit – isang katutubong tula na may 4 na taludtod o linya, may 8 pantig ang bawa’t taludtod, at may tugma.
Katulad ng tanaga, ang dalit na noong araw ay isahan lamang ang tugma (magkakapareho ang tunog ng huling pantig ng bawat linya), ay maaari na ring gamitan ng ibang paraan ng pagtutugma: sunuran, salitan, inipitan. (Para sa detalyadong panuto sa pagsusulat nito, basahin ang blog ng makatang si Roberto Añonuevo.)
Ayon sa ilang babasahin, ang mga naunang dalit ay kalimitang nagpapahayag ng dalangin, pagsamo sa Maykapal. Sa ngayon, naisip ko, sa dami ng pinoproblema ng tao – mula trapik, pag-ibig, mga politikong switik, at makabagong manlulupig – kahit ano marahil ang itula natin ay magmimistula na ring panalangin.
Sabi ng mga premyadong makata at propesor na sinanggunian natin, puwede ang kahit anong paksa sa dalit. (Katugma rin ng “dalit” ang “galit,” kaya parang bagay ding gamitin ang anyong ito ng tula para ilabas ang galit natin sa buhay at sa lipunan, ano?)
Nauna ko nang hinamon ang ilang taga-Rappler at ilang kaibigan para subukang mag-#DaliTweet.
Ang kinalabasan ay komentaryo sa maiinit na usapin:
#DaliTweet Mayroong isang ginoo Ngalan ay Noynoy Aquino Mag-Chacha ay kanyang gusto Mga boss, payag ba kayo? @rapplerdotcom
— Marga (@margadeona) August 22, 2014
Simula na ang kalbaryo Ng tunay na Hesukristo Sugo, sundalo, berdugo Sambahin ang pangalan mo. #DaliTweet
— Adobo Project (@AdoboProject) August 25, 2014
Sang aso sa Padre Faura Kagat-kagat n’ya ang palda Ng matabil na kulasa Ang ngalan n’ya’y _ _ _ za #DaliTweet @rapplerdotcom
— Lilibeth Frondoso (@bethfron) August 22, 2014
Ang ilan ay may dalit tungkol sa mga personal na isyu:
Voltes V, Shaider, Bioman, ‘Sang Magulong Kabataan Nasaan ang Katarungan Kung idolo’y pantasya lang #Dalitweet #kabataan @rapplerdotcom
— Victor Barreiro Jr. (@vbarreirojr) August 22, 2014
Ang ingay sa aking Metro May giyera ba o engkwentro? Naiinis na sa echo. Walang tulugan ba’ng uso? #DaliTweet @rapplerdotcom
— Ryan Macasero (@ryanmacasero) August 22, 2014
Dali, mag-post na kayo ng dalit! Kakalapin ng Rappler sa isang live blog ang lahat ng entries mula ngayon, Agosto 26, hanggang Setyembre 9. Dapat gamitin ang hashtag na #DaliTweet at i-tag ang @rapplerdotcom. Kung kapos sa espasyo, basta #DaliTweet at #Rappler.
Pipiliin ng ilang premyadong makata at propesor ang pinakamagaling na mga lahok, at padadalhan ng Rappler ng souvenirs ang Twitter poets na ito.
Tamang-tamang makapag-isip, mukhang paralisado na naman ang trapik…
Ilang oras na’ng naubos Sa pagong na trapik-lungsod. Front seat kong pinanonood, Serbisyong naghihikahos. #DaliTweet #PoetryOnTheRoad
— Miss Go (@miriamgracego) August 20, 2014
– Rappler.com
Add a comment
How does this make you feel?
There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.