FULL TEXT: Tagle’s speech at Ateneo graduation

Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Read the full transcript and watch Luis Antonio Cardinal Tagle's speech at the Ateneo de Manila University

On March 22, 2013, Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle addressed the Ateneo de Manila University’s Class of 2013 and left them with these words of advice:

Magandang umaga po sa inyong lahat.

Nagpapasalamat po ako sa bumubuo ng Board of Trustees (ng Ateneo) sa pangunguna ng kanyang presidente, si Mr. Edward Go at ang atin pong mga pamunuan ng pamantasan lalo na po ang ating magiting na pangulo, si Father… Ano nga ba ang pangalan niya? Fr. Jett Villarin, SJ.

Ang atin pong mga guro, ang mga pamilya, lalo na po ang mga magulang ng mga magsisipagtapos.

Nagpapasalamat din po ako sa mga staff ng university, ‘yong atin pong mga guwardiya, ‘yong atin pong mga tagalinis, ‘yong mga nasa canteen, iyon pong mga tahimik na nagiging buhay ng pamantasan pero bihirang bihira natin silang nakikita.

At lalo na po sa mga magtatapos. Maraming salamat na ako po ay naanyayahan para magbahagi sa inyo sa umagang ito.

Napakaganda na po ng sinabi ni Fr. Jett Villarin kaya puwede ko namang iklian talaga ang aking pagbabahagi. Puwede ko na lang sabihing, “isapuso ninyo ang kanyang sinabi at maraming salamat po.”

Pero nakatayo na po ako sa harapan ninyo kaya pangangatawanan ko na. Hindi ko ho ito pakakahabaan dahil alam ko namang ang mga magtatapos ay walang interes sa pakikinig sa commencement speech. 

Wow. Iba kayo.

(Crowd laughs)

Kasi noong kami ay nagtapos noong 1977, ‘yong centennial ng pagtatapos ni Jose Rizal, kung tatanungin ninyo ako kung ano ang sinabi ng speaker, aaminin ko sa inyo, wala akong natatandaan.

Ang gusto lang namin ay makatapos at makaharap na sa mundo. ‘Yan naman ang gusto ninyo. Siguro ang iba sa inyo’y nagmamadali nang umalis sa pamantasang ito. Huwag kayong mag-alala, ang mga pamunuan at mga guro ay nagmamadali ring kayo ay makaalis na.

Maligaya ang lahat. 

Kahapon dapat po nasa Xavier University ako. Isa ring pamantasang pinangangasiwaan ng mga kapatid nating Heswita para rin magpahayag. Subalit kahapon lang po ako dumating mula sa Roma.

Nakakapagod pala ang conclave. Pero nagpapasalamat tayo sa Diyos sa biyayang tayo ay mayroon na muling Santo Padre. 

At ‘yong kanyang ikalawang misa sa aming mga cardinal, sabi niya, “ang aking ama ay si San Ignacio.” Kaya’t bagamat malayo siya, puwede bang palakpakan natin itong anak ni San Ignacio na ngayon ay si Papa Francesco.

(Applause)

Lakasan pa ninyo, maririnig niya iyan.

Ilan lamang pong habilin sa mga magtatapos. Lalo na po’t alam ng mundo na kayo ay nanirahan, lumago, at nagtapos sa isang pamantasang Katoliko at pamantasang pinamahalaan ng mga anak ni Ignacio ng Loyola.

‘Pag binabalikan ko po ang aking naging pagtigil sa campus na ito bilang estudyante at ako’y hanggang ngayo’y hindi pa umaalis dahil hanggang ngayo’y nagtuturo pa ako rito. ‘Yan ang isang virus ng university na ito–kapag nakapasok sa iyong sistema parang ang hirap umalis.

Pagkatapos ko hong magtapos noong 1977, nagturo po ako ng pilosopiya rito sa pamantasan. At matapos ang ilang taon, sa teolohiya naman sa Loyola School of Theology. At hanggang ngayon nagtuturo po ako. Nakikita ko nga ho sa madla ang ilan sa mga naging dati kong estudyante. Talagang tumatanda na po ako. Mukhang mayroon namang pinagkatantaan.

Finding your true purpose 

Pero bilang estudyante, at sabi nga ni Papa Francesco, bilang anak ni Ignacio, ano ho ba ang ating natanggap na biyaya? At bawat biyaya ay pananagutan o responsibilidad. Marami po. Ngunit nais ko lamang magbigay pansin sa iilan.

Ang una po ay ito: sana po, bilang mga nagtapos sa Pamantasan ng Ateneo de Manila, makatulong tayo bilang mga anak ni Ignacio ng Loyola, makatulong tayo sa mga tao, sa buong lipunan, sa buong sangkatauhan, sa paghahanap sa tunay na pakay sa buhay. Purpose in life.

Sa maliliit at malalaking mga pangyayari sa buhay, nakikita natin ang isang napakalaking sugat ng sangkatauhan ay ang paglakbay sa buhay na parang walang saysay, na parang walang pakay, na parang walang direksyon.

At iyon namang ibang nagsasabing, “ako, mayroon akong pakay sa buhay. I have a purpose in life. ‘Pag tiningnan mo naman, ano ba nga ang kanyang pakay? Mukhang hindi tunay at wagas.

Sa Spiritual Exercises ni San Ignacio ng Loyola, ang pasimula ng mga pagninilay ang tinatawag na ‘First Principle and Foundation’ ay nagsisimula nang ganito– ang tao ay nilalang upang papurihan, igalang, at paglingkuran ang Diyos.

At sa pamamagitan Niya, matatagpuan niya ang kanyang ganap na buhay. We were created to praise, reverence, and serve God and by so doing find our salvation.

While the language of Ignatius might be, as others will say, medieval, the truth that he conveys is quite eternal.

Bakit tayo nandito? Ano ang pakay mo sa buhay? At ayon kay Ignacio, ang tao ay nabubuhay para sa buhay ng pagpupuri. Ngumiti naman kayo, parang hindi kayo nagpupuri.

Ayan. ‘Yong ibang mga tao ang kanilang mga mukha ay parang nilalang sila para maging desperado. Hindi. Tayo ay nilalang para maging buhay na pagpupuri sa Diyos. Pero hindi lamang nagpupuri, (tayo ay) gumagalang, nangangayupapa, nagpapatirapa, lumuluhod tulad ni Ignacio. Nagpapakababa sa harapan ng nakahihigit sa kanya.

Subalit ang pagpupuri at paggalang ay umuuwi sa paglilingkod. Narito ang inyong abang alipin, isugo Mo ako. Kung saan Mo man ako ibig maglingkod, narito ako.

Kung titignan po natin iyan, ang pakay pala ng buhay ay tayo ay sumaibayo sa ating sarili. If we look at the three keywords– to praise God, to reverence God, to serve God– the purpose of the human person is to get out of our confinement, to get out of our shells, to get out of ourselves, and to reach out to God in praise, in reverence, and in service.

And it is only by losing ourselves that we find our true selves.

Salvation. Life. ‘Yan ang tatak ng anak ni Ignacio. Kayong mga graduates, kapag kayo ay tinanong ko, “ano ang pakay mo sa buhay?” at ang sagot mo, “gusto kong umasenso.” Patay. “Gusto kong maging sikat.” Patay. “Gusto kong yumaman.” Patay.

Sayang ang ginastos ng inyong mga magulang. Sayang ang boses ng inyong mga guro na nagasgas. Sayang. Kasi pagkatapos ng ilang taon, ang mata mo at ang puso mo ay kulong pa rin, bihag pa rin ng iyong sarili. At iyan ang napakadaling daan para masira ang sarili at masira ang lipunan.

Mga anak ni Ignacio, ano ang pakay mo sa buhay?

Alam po ninyo siguro naman nabasa ninyo ang reglamento kung papaano ginagawa ang conclave. ‘Yon po ay nakapublish kaya hindi naman po ako lalabag sa oath of secrecy kasi nakapublish.

Noong binabasa ko pa lang, sabi ko, napakarami namang ritwal. Nakakapagod! Hindi ko nga mamemorya at matandaan ang gagawin mo sa bawat yugto ng conclave.

Lalo na po ‘yong sinasabing sa pagdadala mo ng iyong ballot doon sa altar, bawat balota, bawat boto, ang cardinal habang hawak ang kanyang balota ay may babasahing nakakakilabot– “Tinatawagan ko ang Panginoong Hesukristo bilang aking saksi at Siya ang hukom na haharapin ko sa katapusan ng aking buhay. At sa Kanyang harapan, sinasabi ko na ang pangalang sinulat ko rito, ay ang aking napili ayon sa konsensya bilang nararapat na maging Santo Papa.”

Biruin ninyo kung limang beses ang botohan, limang beses na uulitin namin ‘yon isa-isa. Noong una sabi ko, hindi ba pupuwedeng sabihin ‘to sa umpisa at tapos na. Alam ninyo noong bandang huli, nakita ko ang punto.

Para akong, ‘yong buong conclave, para akong nasa mahabang liturgy. It was a long period of worship. It was a long period of refocusing. What is the purpose of your being here?

And you died to self, you died to your projects, you died to your opinions and your programs. And you seek only what is God’s purpose.

At tignan ninyo, unti-unti, noong ang pakay ay papurihan lang ang Diyos, igalang lamang ang Kanyang kalooban at paglingkuran Siya. Biruin ninyo, isang daan at labinglima lamang ang boboto ng isang head para sa mahigit na isang bilyong Katoliko. Pagkatapos ng dalawang araw, tapos na and back to normal.

Eh tignan naman ninyo tayo minsan hindi pa natin alam kung sino talaga ang nanlong mayor, ang nanalong congressman, ang nanalong governor, pati nga kung sino ang presidente noong nakaraang taon. Bakit? Kasi ang pagboto hindi yata malinaw sa pakay. Kapag nasira ang pakay ng tao, sira ang pakay ng lipunan.

Mga graduates, ilan kayo? Apat na libo. Sasabihin ng iba, ano naman ang magagawa ng apat na libo para sa pagbabago ng halos siyamnapung milyong Pilipino. Huwag ninyong maliitin. Ang isang daan at labinglimang cardinal nakapaghandog ng Santo Papa para sa mahigit isang bilyong Katoliko.

If your purpose is clear, and it is not directed to self-promotion and self-propagation then you can really be an asset to society and to the world.

Ngiti naman kayo. Ayan. (Jokes) Ang ibig ninyong sabihin umupo na ako.

So isa ho ito no na muli’t-muling binabalikan ko. Binabalikan ko iyan sa mga natutunan ko sa ating amang si San Ignacio at sa kanyang mga anak na mga Heswita. Go back to the purpose of your existence.

Spreading a culture of depth 

At ang ikalawa pong pakiusap ko sa inyong mga magtatapos at ito po rin ay bahagi ng ugat ng buhay natin na nilalang tayo para sa Diyos at paglilingkod sa sangkatauhan. Sana po mga magtatapos makatulong po kayo sa pagpapalaganap ng isang kultura– kultura ng kalaliman. A culture of depth.

Nakakalungkot po na parang ang dali-daling sakyan at tanggapin ng lumalaganap na kultura ng kababawan. A culture of superficiality. Let us become so attractive that it bothers us.

Ngayon, ano ba ‘yong kalaliman? Ano ba ‘yong depth? Baka naman mga graduates isipin ninyo, “ay sige, ipapakita ko sa mundo na ako’y malalim.” Kaya sa inyong pang-araw araw na buhay ang inyong lenggwahe ay hindi na maintindihan. At kapag kayo ay tinanong kung ano ang sinabi ninyo, “sorry, my language is so deep you cannot understand me. Kasi graduate ako ng Ateneo.”

Huwag naman nating lituhin ang tao. Ang lalim ay hindi sa kawalan ng kakayahan na maunawaan tayo. Ang malalalim na katotohanan ay naipahahayag lalo na sa mga tahimik at mga simpleng pamamaraan.

Finding God in all things

Ang ilan sa inyong mga magtatapos ang napapaiyak pagkatapos ng isang lecture. Minsan lumalabas kayo ng classroom hindi napapaiyak, kundi inis na inis. Pero bakit isang simpleng kwento tungkol sa isang simpleng tao ang tama ay sa kalaliman?

Saan natin makukuha ang tinatawag na kalaliman bilang mga anak ni Ignacio? Sa kanya rin na namang spiritwalidad– finding God in all things. 

Dahil ang Diyos ang puso, ang kalaliman ng lahat ng nilalang, ng lahat ng nangyayari, ng kasaysayan ng mundo.

Ang isip at puso na dahil malinaw ang kanyang pakay ay hinahanap ang Diyos. O kaya rin naman, nagpapahanap sa Diyos sa mga oras na parang ang labo ng pakay ng buhay. Sa mga oras na parang hindi mo Siya makita, baka naman Siya ang naghahanap sa iyo. Bahagi iyon ng kalaliman.

Kapag may mga lumalapit sa akin at nagsasabing, “I feel lost, para akong nawawala,” hindi ko naman alam lagi ang sasabihin. Pero minsan ang nasasabi ko, “just wait to be found. As you are searching for God, God is searching for you.”

That profound humility that made an Ignatius open to anything that the Church would want him to embrace– that depth of seeing God, hearing God, loving God in all, and following God even in the darkness of your life, hoping and believing that the One you are searching is searching for you.

Sana po ‘yong ganitong kalaliman, ito po ang magbibigay-kahulugan sa paghahanap ng napakaraming tao, ‘yong mga taong parang lagi na lang nababara ang kanilang mga paglalakbay.

Sana po itong natutunan natin at ipinamana sa atin ni San Ignacio, hanapin Siya sa lahat ng oras. At kung hindi natin mahanap, maniwala na Siya’y naghahanap sa atin. Ito po ay magbibigay ng lakas, ng liwanag, at ng katatagan sa maraming tao.  

Puwede ho bang magpahid muna ako (ng luha).

‘Do not forget the poor’

Noong conclave po, noong malapit nang maabot ang numero na kailangan para mahalal ang bagong papa, ako po ay nakatungo, kinakabahan. Maaabot kaya ‘yong numero? Kasi kung hindi balik na naman kami kinabukasan. Boto na naman. At noong naabot, talaga namang ibang uring ligaya.

At noong tinignan ko si Cardinal Bergoglio, bigla akong nalungkot, para akong naawa. Ano ba itong ginawa namin? Parang tuwang-tuwa kami, “ay makakalabas na kami! Sa iyo nang mga balikat ang lahat.”

Pero nakakatuwa po, noong nakasama ko siya sa kainan. Nagkwento siya at kita niyo ang puso ng isang anak ni Ignacio. Katabi ho niya sa conclave si Cardinal (Cláudio) Hummes ng Brazil, retired cardinal. At noong malinaw nang siya ang nahalal, binulong sa kanya ni Cardinal Hummes, “huwag mong kakalimutan ang mga dukha.”

Parang pinapaalalahanan siya, “ang buong mundo ngayon itataas ka, huwag mong kakalimutan ang mga mabababa, ang mga dukha.” At iyon daw, paulit-ulit sa isip niya, “i poveri, i poveri. Ang mga dukha.” At doon ang pangalan, “Francesco il poverello. Francis the poor man.” At sabi niya sa amin, “I forgive you, and may God forgive you for electing me.”

But you could see, finding God in all things. Hindi naman siya bulag sa magiging bigat. Pero nangungusap ang Diyos, nandito ang Diyos, nangusap sa mga cardinal, nangusap kay Cardinal Hummes, pakinggan, pati sa pangalan halos binigay sa kanya.

May lalim. Dahil nandoon ang Diyos.

Carrying on the compassion of Christ

At bilang pagwawakas po sa mga magtatapos, isa pang pakiusap sa inyo, sana sa inyong pagyaon, sa iba’t-ibang sulok ng buhay at ng mundo, dalhin ninyo ang habag at awa ni Kristo. The compassion of Christ. The mercy and love of Christ.

Ang isang hindi ko makalimutan sa Spiritual Exercises ni St. Ignatius ay iyong maraming pagkakataon na inaanyayahan niya ang nagdarasal, “humarap ka kay Hesus na nakapako sa Krus. Humarap ka at damhin mo ang pag-ibig ng Diyos na sa pamamagitan Niya, naging handa na ibigay ang lahat para sa iyo. Ganyan ka kamahal, lahat ibibigay.”

“At tanungin mo ang sarili mo, ano naman ang maibibigay mo at magagawa mo para sa Kanya, at ano naman ang magagawa mo para sa iba dahil minahal ka ng Diyos? Minahal ka kaya kaya mong magmahal. Huwag mong sabihing hindi mo kaya dahil ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos na sa iyong puso. May kakayahan ka. Minahal ka, magmahal ka naman.

Tell stories, listen to stories

But you have to be attentive to the suffering of the world. Even when they do not verbalize their suffering, these people have many ways of communicating their suffering.

Sa aking karanasan, lalo na bilang pari, ang daming mga taong lumalapit dala-dala ang kanilang mga suliranin sa buhay, mga problema. Minsan nakakapagbigay ka ng solusyon pero bakit ba may mga tao na pabalik-balik ang pagpunta sa iyo?

At dito ako nagpapasalamat sa isang manunulat. Noong binasa ko siya parang, sabi ko, ito ‘yong karanasan ko. Si Bob Johansen. Sabi niya, may mga tao na hindi naman problema ang dala-dala kundi dilemmas.

Problems can be solved but you cannot solve dilemmas. Dilemmas continue. You can solve problems that you can only make sense of dilemmas. People with problems seek solutions, but people in a situation of dilemma will look for meaning, will look for sense. And that’s where compassion enters.

Hindi natin kayang solusyunan ang lahat ng problema sa mundo. Pero ang maraming tao, hindi problema ang dala-dala sa buhay, kundi dilemma– mga kabalintunaan, mga problemang hindi mawala-wala kasi wala silang solusyon.

At papaano mahahanap ang katuturan, kahulugan, sa gitna ng mga dilemma ng buhay? Alam niyo ang natutunan ko? To problems, give solutions in clear formulae. Pero para sa mga taong nasa dilemma, tell stories– stories of courage. Tell stories of valor, of dignity, of nobility. And they are strengthened to move on. But how can you tell stories if you don’t listen to stories?

Listen to people. Listen to the cries of the little ones– those who are experts because their lives are a neverending dilemma. Pero doon sa Baseco, doon sa Tondo, doon mo makikita ang pinakamatatamis na ngiti.

Ngumiti naman kayo. (Applause)

Bakit ba iyong mga taong hindi makawala-wala sa dilemma, sila ang may lakas, sila ang may kaligayahan. At ‘yong mga taong ang mga problema ay cute na cute– ano kayang sapatos ang tutugma sa aking suot na damit– iyan ang mga hindi kayang lumigaya.

Listening to their stories, and telling the stories to others, we become agents of hope.

Iyon naman ang Spiritual Exercises ni St. Ignatius. It’s a retelling of the story of Jesus who encountered dilemmas but who taught us to turn these dilemmas into opportunities for meaning, for strength. He who turned the night of betrayal into another opportunity of self-giving–“O Judas, you don’t have to sell Me for 30 pieces of silver. You don’t need to sell My body for this is My body given up for you. This is My blood to be poured out for you. Hindi mo na ako dapat ibenta, ibinibigay ko aking sarili,”– and who turned this dilemma of death, this darkness of death into an opportunity for a new life, not only for Himself but for all of us. Ito ‘yong kwento ni Hesus na tumatahi sa kwento natin.

At ganyan ang gustong kwento ni Ignacio at kwento ng kanyang mga anak. At sa ating pakikinig sa mga kwentong iyan na magiging kwento rin natin sa iba, sana ang mundo natin ay magiging mas mahabagin, mas makatao, mas nakikinig, mas nakikiiyak, at nakikilakas sa kapwa.

For the Greater Glory of God 

Magkukwento ho ako at huling kwento na ito. Baka ang iba sa inyo ay hindi pag nag-aalmusal, kasi ako hindi pa rin ho.

Itong mga nakaraang linggo, dahil nga sa pagkabitiw ni Pope Benedict at ‘yong paghahanda sa conclave, ang daming mga spekulasyon–lalo na po ang social media, at ‘yong mga Vatican observers– ano kaya ang uri ng Papa na mahahalal? Ano kaya ang magiging direksyon ng simbahan sa ngayon?

At siguro naman nakita ninyo po kung sino-sinong mga pangalan, kung sino-sinong mga cardinal galing sa iba’t-ibang bahagi ng mundo ang kanilang laging binabanggit. At sa kasiwiang palad, isa ako sa mga lagi nilang nababanggit. Kaya tumigil na ako nang panonood ng TV, di na ako nagbubukas ng Internet, di na ako nagbabasa ng diyaryo kasi kinikilabutan ako sa mga sinasabi ng mga tao tungkol sa ibang cardinal, at lalo na tungkol sa akin.

Parang hindi ako makapaniwala. Ako ba ‘yon? Parang hindi ata ako ‘yon. Kaya sabi ko ‘tama na.’ Kahapon nga, tinanong ako doon sa press conference, ano daw ang pakiramdam ko na hindi ako na-elect na papa? 

Biruin niyo, tanungin ka ba naman ng ganoon. Buti nalang, naturuan ako ng mga Heswita kung paano sumagot. Sabi ko, “malinaw sa akin that the task of the Cardinals was to elect a pope and not to get myself elected.”

(Applause)

Pero eto po, pagdating ko sa Roma to attend the meetings and the conclave. Nagulat po ako, the power of media. Naglalakad po ako doon sa isang kalye, biglang may mga Italyanong nagdagsaan. 

“Oh, Cardinale Filipino! Puwede bang magpa-photo?”

Akala ko dito lang sa atin oh. The day before the beginning of the process, may isang pamilyang Pilipino inimbitahan ako sa isang restaurant, sumama naman ako nag-lunch.  Pagpasok namin, may isang pamilyang Italyanong kumakain. Nakita ako, sabi nila, “Oh, i papa cinesi… the Chinese pope!”

Nagtayuan, nagpakuha ng litrato… tapos nakita ng ibang kumakain doon. Nagtayuan na rin, nagpakuha ng litrato. Pati ‘yong may-ari ng restaurant, nabalitaan [kaya] tinawag kapatid niya, anak niya… nagdatingan, nagpapicture. 

Ako po ay natutunaw. Parang gusto kong magdasal na lumindol nawa, bumuka ang lupa at lamunin tayong lahat para mawala na lang tayo. Parang ayaw mo no? ‘Di ba ‘yon ang tinuro sa atin ng mga Jesuits eh, dapat humble ka eh.

(Applause)

Dapat mahiyain ka eh, dapat nahihiya ka sa limelight. Pero hindi ho arte talaga. Kapag iba ‘yong fini-feature nila, parang okay lang na manood ka. Pero ‘pag ikaw na pala parang hindi mo na alam.

Eh ‘di, natapos ang conclave, pumunta ho ako two days after sa Padova. Kasi nga pangalan ko ho’y Luis Antonio– San Antonio di Padova. Nagulat po ako!

Pati pala sa Padova nakita na ang mukha ko. Sa kalye, nagpapakuha ng litrato. ‘Yong mga German tourists, ‘yong mga English tourists, nagpapakuha ng litrato. Parang nasasakal na ako, parang naiinis na ako.

What brought me back to my senses? What made me see God in this so unpleasant experience? What turned my irritation to compassion?

May isang Pilipinang nagtatrabaho po roon sa Padova. At karamihan naman ng mga Pilipino doon ay domestic helper. Lumapit po siya, sabi niya, “Cardinal, puwede bang magpa-picture?”

“Oo sige, halika.”

Pagkatapos po ng picture, sabi niya, “kahit hindi po kayo ang naging papa, nagpapasalamat po ako sa inyo. Nakilala ng mundo ang Pilipino. At noong kayo po ay laging binabanggit sa diyaryo at sa TV, ang mga amo namin naging mabait sa amin.”

(Applause)

“Parang tumaas ang dangal naming (voice cracks) mga Pilipino.”

(Tagle cries)

Hindi iyon bahagi ng aking plano. Pero kahit ho doon sa parang nakakainis na karanasan, nandoon pala ang Diyos. At hindi ko alam.

Hindi pala iyon para sa akin. Iyon pala ay para sa mga nalulungkot, sa mga maliliit na Pilipino, na araw at gabi mababa ang turing sa kanila.  

At sabi ko nga sa sarili ko, okay na. Kaya kahapon, nagpasalamat ako sa media. Salamat sa inyong naging interes sa Simbahan at sa papacy. Hindi ko na sinabing dahil sa inyong interes nakinabang din ang mga nagdurusa nating kapwa Pilipino.

It’s a story that I will always narrate, not for myself but for our poor brothers and sisters, who are looking for little signs of hope. And in my unknown way, if I could be of help to them, then let it be, let it be.

Bakit kayo umiiyak? Sabi ko hindi ako iiyak eh. Pero anong magagawa ko?

So mga magtatapos, napakaganda ng biyaya na inyong tinanggap. Biyaya na hanggang ngayon– matapos ang mahigit tatlumpung-taon ng pag-alis ko bilang estudyante rito sa Pamantasan ng Ateneo de Manila– ang biyayang iyan, hindi naluluma, hindi kumukupas.

Maya’t maya kinakalabit ako. Maya’t maya ginigising ako. Maya’t maya binibigyan ako ng pananaw tungkol sa buhay at tungkol sa paglilingkod. Nasa inyo ngayon ‘yon. Iyang biyayang ‘yan.

At sa pamamagitan ninyo, nawa’y marami pang tao, lalo na ang bansang Pilipinas, ay manumbalik sa tunay na pakay ng buhay. Papalabas sa sarili. Madiskubre natin ang malalim na katotohanan ng kasaysayan dahil nandoon ang Diyos.

At mapakinggan natin ang mga kwento ni Hesus sa mga simpleng kwento ng mga mabababang tao. At sa pamamagitan niyan, makapagpahayag tayo ng wagas na pag-ibig sa mundo. 

Lahat nang ito ay ating gagawin hindi para sa sarili natin at sa ating ikatatamo ng tugatog o ng kaligayahan. Isa lamang: only for the Greater Glory of God. – Rappler.com (Photos and video by Katherine Visconti; Text transcribed by Jessica Lazaro and Bea Cupin)


Related Stories:

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!