FIBA World Cup 2019, parang pag-ibig lang

Guia Roa S. Soriano

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

'May mga susunod pang FIBA World Cup at babawi tayo. Basta sa atin ang West Philippine Sea'

Katatapos lang ng announcement ng nanalo sa bid para sa magiging host country ng FIBA World Cup 2019. Hindi ko napanood ang livestreaming dahil nasa opisina ako, pero nasundan ko sa Twitter ang mga pangyayari. Mainam na rin iyon.

Siguro kung napanood ko ng live iyon wala na akong ginawa kundi umiyak sa panonood ng mga pitch ng bansa natin. Madamdaming tunay. 

PUSO. Iyan ang naging battle cry natin mula pa noong nakaraang FIBA World Cup. Dahil sabi nga ni Lou Diamond Phillips, “Love of basketball by Filipinos cannot be manufactured.”

Nakilala ang galing at determinasyon ng ating mga atletang Pilipino sa larangan ng basketball noong nakaraang World Cup sa España dahil sa tindi ng determinasyon at puso nila na makipagsabayan at talunin ang higante ng ibang mga bansa.

PUSO.  Sabi pa ni Lou Diamond Phillips, “You’re going to meet the best basketball fans in the world.” Dahil sa totoo lang, bukod sa sepak takraw, pwede nga nating maging pangalawang pambansang laro ang basketball sa tindi ng pagmamahal ng mga Pilipino sa larong ito.

Mula sa mga intramurals sa eskwelahan, paligang barangay, hanggang PBA at NBA, halos magwala ang mga fans kapag nanonood ng basketball.  Ang mga taga-suporta ng bawat team ay handang makipag-away sa mga taga-suporta ng kalabang team.

Pilipinas na siguro ang may pinakamadamdaming pitch sa FIBA bid. Sabi nga ni Coach Chot, “Bring basketball where it belongs. Bring basketball home. Our home.”

“We will deliver the most memorable and most shared FIBA World Cup,” sabi pa ni Lou Diamond Phillips. 

Punong-puno ng pag-aalay ng pagmamahal ang pitch natin para sa FIBA 2019.

Pero sa bandang huli, pinili pa rin ang China dahil sa infrastructure, transportation, world-class airport at security. 

Ang sakit. Nakakaiyak. Parang pag-ibig mong buong-buong puso mong inalay pero mas pinili pa rin niya iyong karibal mo dahil doon siya magkakaroon ng mas magandang buhay.  

O baka isisi na naman natin sa gobyerno ang dahilan kung bakit hindi natin nakuha ang World Cup bid? Naniniwala akong matalino ang mga Pilipino. Ngayon, marahil alam na natin ang naging kakulangan kung bakit hindi tayo napili.

Makikita na rin siguro ng gobyerno, o ng susunod na mga administrasyon, kung ano ang dapat baguhin, palakasin at pagyamanin sa ating bansa upang mas makaakit ng turismo.

Gawin din nating world-class ang mga airport natin. Solusyonan natin ang traffic hindi lang sa Maynila kundi sa lahat ng siyudad sa bansa. Ipakita natin sa mundo na may seguridad sa pagbisita sa Pilipinas. Ilaan natin ang pondo ng gobyerno sa magagandang proyekto na ikauunlad ng ating bansa at hindi sa ikayayaman ng iilan lang.

Marahil sa susunod mas alam na natin ang gagawin 

Parang pag-ibig lang, kung nasawi ka man ngayon, ‘di bale may susunod pang pagkakataon. At iyong susunod na pagkakataon na iyon, mas matalino ka na, mas alam mo na ang gagawin. Na hindi lang puso ang paiiralin. Natuto ka na sa mga pagkakamali ng nakaraan eh. Alam mo nang hindi lang sa pag-ibig umiikot ang lahat. Dapat may seguridad din. Na bukod sa pag-aalay ng puso, makikita mong ibibigay niya ang lahat para sa iyo. 

May mga susunod pang FIBA World Cup at babawi tayo.

Sa ngayon, sa kanila ang FIBA World Cup 2019. Basta sa atin ang West Philippine Sea. – Rappler.com

Basketball shaped heart from Shutterstock

Guia Roa S. Soriano is a working professional on weekdays, and a mountain girl on weekends. She loves to think out loud using the keyboard, and lives by the mantra, “Masaya ang mabuhay, kaya mabuhay tayong masaya.” Follow her on twitter @pixieroa

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!