EDSA at ang naudlot na demokrasya

Anthony Borja

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Bakit hindi nagbunga ng malalim at malawak na pagbabago ang pag-aalsa ng mga mamamayan sa EDSA noong 1986?

Isang kalsadang nagsilbing tuntungan ng mga mamamayang pagod na sa katiwalian ng isang diktadurya, ang EDSA ay simbolo hindi lamang ng kakayahan ng mga Pilipinong mag-alsa’t kumilos kundi pati na rin ng isang demokrasyang hindi hinayaang lumago ng tuluyan.

Para palawakin ang ating pagkakaunawa sa halaga ng pag-aalsa sa EDSA, dapat nating usisain ang mga mahahalagang isyung nakapalibot dito, at ang epekto nito sa ating kasalukuyang kalagayan bilang mga mamamayan. Bilang isang mahalagang bahagi ng kasaysayan ng ating bayan, ang unang pag-aalsa sa EDSA ay dapat nating husgahan nang batay sa mga naidulot nito sa pagkamamamayan at demokrasya sa Pilipinas.

Subali’t hindi natin maitatanggi na sa mata ng maraming kabataan, at ng mga naging saksi ng EDSA na nagpatuloy at namayagpag lamang ang mga problemang pampulitika na gusto na nating matapos noon. Walang masyadong nagbago sa ating lipunan. Bakit nga hindi nagkaroon ng malaliman at malawakang pagbabago pagkatapos ng unang EDSA at ng dalawa pang pag-aalsa sa kalyeng ito? Bakit hindi pa nalulunasan lang kanser na katiwalian? (Read: EDSA Revolution trivia) 

Ang sagot ko: dahil ang mga hangarin ng marami sa mga nag-alsa ay hindi napailalim sa isang balangkas pampulitika na magsisilbing batayan ng tuluyan at malalimang pagbabago. Sa madaling salita, ang diktadurya lamang ni Marcos ang naging target ng pag-aalsa sa EDSA imbes na ang kalagayang pampulitika na nagpahintulot kay Marcos, sa mga katulad niya’t sa mga nauna sa kanya na pagnakawan ang bayan.

Kung inyong titingnan ang mga kilusang panlipunan sa kasaysayan ng ating bansa (halimbawa’y ang himagsikang pinamunuan ng Katipunan), at ng ibang bayang napailalim sa mga tiwaling diktadurya (halimbawa’y ang Arab Spring na nagpatumba sa mga diktador sa mga Middle East), makikita ninyong hindi tumigil ang mga pagkilos na ito kahit na bumagsak na ang mga pangunahin nilang kalaban. 

ATING BANDILA. Larawan ni Noel Celis/AFP

Ipinagpatuloy, pinalawak, at lalo pa nilang pinalalim ang kanilang mga adhikain. Ang mga naghimagsik ay ginabayan ng mga malilinaw na balangkas o ideolohiya tungo sa isang bagong sistema ng pamamalakad. Hindi ito makikita sa EDSA dahil nalusaw ang pagkilos nang bumagsak na si Marcos.

Malinaw na ang hangaring nag-udyok sa mga mamamayang Pilipino na kumilos at tumungo sa EDSA ay ang kagustuhang sugpuin ang katiwalian sa pamahalaan. Isang tunay na nararapat at kapuri-puring adhikaing wakasan ang pagkabulok ng mga institusyong pambayan. Subali’t kahit na marangal ang kagustuhang ito, kailangang napapaloob ito sa isang balangkas na magbibigay ng mga solusyong mas malalim kaysa sa pagpapababa sa mga pinuno ng bayan. Ito ay mga solusyong napapaloob sa isang malinaw na ideolohiya at sa mga patakarang magsisilbing pundasyon para magpatuloy ang mga nasimulan ng isang dakilang pagkilos ng mga mamamayang nananabik para sa pagbabago. (READ: #EDSA28: Does the EDSA spirit live on in today’s youth?)

Sakripisyo

Para sa akin, ang unang pag-aalsa sa EDSA, pati na rin ang mga naunang sakripisyong ibinigay ng mga Pilipino para labanan ang isang tiwaling dikadurya, ay paalalang may kakayahan tayong kumilos at ilagay sa panganib ang sarili para sa mga adhikain.

Subali’t saan ba dapat tumungo ang ating mga pagkilos para sa bayan?

Paano ba natin huhubugin ang kinabukasan ng ating bayan sa pamamagitan ng mga punlang naitanim ng mga nauna sa atin?

Paano ba natin payayabungin ang diwa ng pagkakamamayan na hindi hinayaang lumaki’t mamulaklak nang tuluyan pagkatapos ng pag-aalsa sa EDSA?

Mayroon nang iilang sinagot ang mga katanungang ito. Isa sa kanila ay ang namayapang DILG secretary na si Jesse Robredo na nagpatupad sa Naga ng “participatory governance” o pamamahalangn kalahok ang mga ordinaryong mamamayan.

Ang halimbawang ito ay isang patunay na may pag-asa pang tumubo’t mamulaklak ang diwa ng pagkamamayang Pilipino, isang diwang hindi lamang napapaloob sa EDSA kundi sa ating kasaysayang punong-puno ng mga sakripisyo’t kabayanihan ng mga ordinaryong Pilipino. Pinili nilang labanan ang isang bulok na sistema imbes na manahimik lamang at hayaang malusaw ang kanilang pag-asa para sa sarili’t para sa bayan.

Kaya nating lumaban para sa ating mga adhikain para sa bayan. Ang mensaheng ito ang tanging halagang nakikita ko sa unang pag-aalsa sa EDSA. (READ: Marcos’ chief guard remembers EDSA)

Ang mga mamamayang aktibo sa mga usaping pampulitika ang puno’t dulo ng isang demokrasya. Ang isang pag-aalsa, gaano man ito kalaki, ay matatawag lamang na isang demokratikong pagkilos kung tuluyang makakamtan ng mga mamamayan ang kapangyarihang nararapat sa kanila.

Ang pag-aalsa sa EDSA ay ang simbolo ng isang demokrasyang inilunsad ng lakas ng mga mamamayan, para sa kinabukasan ng inang bayan, ngunit hindi hinayaang lumago ng mga pinunong nakinabang. – Rappler.com

Anthony Lawrence Borja is a lecturer in the Political Science Department in De La Salle University, and a graduate student taking up an MA in Political Science in the same university. 

 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!