FULL TEXT: Constitution allows Congress to impose death penalty – Castro

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

FULL TEXT: Constitution allows Congress to impose death penalty – Castro

LeAnne Jazul

In his sponsorship speech of House Bill 4727, Deputy Speaker Fredenil Castro cites laws, incidents of crimes, quotes from saints, and passages from the Bible

MANILA, Philippines – The House of Representatives on Wednesday, February 1, started debates on House Bill Number 4727, which seeks to reimpose the capital punishment for 21 heinous crimes.

Deputy Speaker and Capiz 2nd District Representative Fredenil Castro delivered a speech as principal author of the bill. Other admnistration allies – Majority Leader Rodolfo Fariñas, House justice panel chairperson Reynaldo Umali, and House justice panel vice chairperson Vicente Veloso – are expected to deliver speeches in favor of the death penalty measure as well.

Here is a the full text of Castro’s 60-minute speech as provided by his office. 

***

Pinagpipitagang Ispiker ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng Republika ng Pilipinas.

Mga pinagpipitagang kasapi ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng Republika ng Pilipinas.

Mga panauhin, at mga mamamayang Filipino, personal na naririto o sa pamamagitan ng media, o ng maliit na kasangkapang pang-telekomunikasyon, ay mistulang mga saksi sa nagaganap na delibirasyon o pagtalakay sa bulwagang ito, ng isang panukalang batas, na ang kahalagahan sa buhay ng kasalukuyan at mga susunod na henerasyon ng mga Pilipno, ay hindi maaring balewalain o ipigkibit-balikat. Isang maganda, matiwasay, trangkilo, at mapagmahal na hapon po sa inyong lahat.

Ang panukalang batas na aking tinutukoy, kung maisabatas, ay magiging isang tanglaw na ilaw, o patnubay sa pang-araw-araw na pamumuhay at, relasyon ng bawat Pilipino sa isa’t isa, o sa mga dayuhan man, na maninirahan o bibisita sa bansang Pilipinas. Ito ay parang isang aninong nakabuntot, o kaya naman, ay isang moral na kumpas na nakatatak sa isipan, na magpapaalaala sa bawat nilalang sa bansang Pilipinas na: 1) huwag ipagkanulo o magtaksil sa bayan, 2) huwag gawin ang pandarambong sa karagatan, na may kalakip na panghuhuli ng sasakyang pandagat sa pamamagitan ng pagsalakay o, pagpapaputok dito; iwan ang mga biktima na walang paraan upang sila ay makaligtas sa dagat o kaya naman, ang naganap na krimen ay, may halong pagpatay o pagpaslang, pananakit o pang-gagahasa; 3) bilang isang pinuno ng serbisyo publiko na pinagkatiwalaan sa pagpapatupad ng batas, huwag mong iwasan ang pag-aresto or kaya ay usigin ang nagkamali o nagkasala ng isang krimen na ang kaparusahan ay habang buhay na pagkabilanggo o kaya, ay parusang kamatayan, sa kadahilanan ng alok, regalo, handog; o kaya naman, ay humingi o magdikta na mabigyan ng regalo o handog; 4) huwag mong patayin ang iyong ama, ina o anak, lehitimo o ilehitimo; 5) huwag kang pumatay, 6) huwag kang pumatay ng sanggol, lalo na kung ang edad ay kulang sa tatlong araw; 7) huwag kang mang-gahasa; 8) huwag kang mang-kidnap o mangdukot o kaya naman ay mag detine ng illegal; 9) huwag mangulimbat o manloob; 10) Iwasan ang pandarambong; 11) huwag kang magnakaw ng sasakyan at haluan ito ng pagpatay o pangagahasa; 12) huwag kang manunog o kaya naman ay isagawa ang isang krimen na nasasakop o tinaguriang kakila-kilabot, kasuklam-suklam o karumal-dumal, kapareho ng mga krimen na resulta o ginagamit na pamamaraan sa pagsagawa ng mga krimen na may kaugnayan sa ipinagbabawal na droga.

Bago ko po ipagpatuloy ang aking pananalumpati, bilang isa sa may akda, ng panukulang batas, na ating tinatalakay ngayon sa bulwagang ito ng tahanan ng mga mamayang Pilipino, ibig kong ipaabot sa kaalaman ng lahat na bago ko tinanggap ang hamon o panawagan na tugunan ang ungol ng panahon, mamamayan, kaganapan at pangangailangan na isulong ang nasabing panukalang batas, isang paulit-ulit at taimtim na pagsusuri at paghalukay ng budhi ang aking isinagawa; kasama dito ang walang patid na pagsusuri ng kasalukuyang sitwasyon ng ating lipunan at walang kurap mata na pagtunghay sa anyo at pamamaraan ng mga krimen, na nagaganap at ating nasasaksihan sa pang-araw-araw na pamumuhay; upang marating ang isang tamang sagot sa katanungan na, kung dapat at kinakailangang ibalik ang kaparusahang  kamatayan; laban sa mga salot na kriminal, na sangkot, may kinalaman, o kaya ay may kaugnayan sa kakilakilabot, kasuklam-suklam o karumaldumal na mga krimen na dati nang pinaparusahan ng panghabang buhay na pagkakulong o kamatayan sa ilalim ng Batas ng Republika Bilang 7659 na pinamagatang “An Act to Impose Death Penalty on Certain Heinous Crimes, Amending for that Purpose the Revised Penal Laws, as Amended, Other Special Penal Laws, and for Other Purposes.” Sadyang mabigat, nakakapigil hininga at nakakapanindig ng balahibo ang sumuri ng budhi; lalung-lalo na kung ang nakataya, ay buhay ng kapwa; sapagkat, katulad ng mga kinatawan ng kapulungang ito, ako naniniwala na ang buhay ng tao ay dapat iniyayaman, pinahahalagahan, pinakakaingatan at minamahal; sapagkat, ito ay banal, sa batas ng tao at ating Maykapal.

Sa pamamagitan ng isang malalim, makatotohanan at, mapagsuri na pananaliksik ng budhi, pag-aaral, pakikiramdam at pagmamasid sa tunay na buhay na mga kaganapan sa ating kasulukuyang lipunan, napag-alaman ko na agaran ay madaling lansangin, sa pamamagitan ng tama, makatotohanan at balido na katwiran ang ano mang pagsalungat, paniniwala, o paninindigan laban sa iminumungkahi na ibalik ang kaparusahang kamatayan.

Sa akin pong hangarin, na mahimok ang lahat o ang karamihan ng aking mga kasamahan, na ayunan at supportahan ang panukalang batas na ibalik ang kaparusahang kamatayan, kahit na sa aking pagtanggap ng hamon ng panahon at pangangailangan ng mamamayan at bayan na ibalik ang kaparusahang kamatayan, ay maaaring ikapoot o ikamuhi ng mga tumututol o tumutuligsa sa panukalang ito, hindi ko po paghihimasukan ang batas nga pananampalataya sa ating mahal na Maykapal o batas ng Simbahan. Sa kabilang dako, inaanyayahan ko ang aking mga ipinapipitagang mga kasamahan sa mababang kapulungan, na ibaling ang kanilang pansin o pagtuon, sa ating Saligang Batas at mga naging pasya ng ating Kataas-taasang Hukuman sa pagpataw ng kaparusahang kamatayan.  At dito, ay matutuklasan po natin, na alinsunod sa nilalaman ng ating Saligang Batas, walang ni katiting na duda o pag-alinlangan na ang kaparusahang kamatayan ay maaaring ipataw sa mga sangkot, may kinalaman, o kaugnayan sa mga kakilakilabot, kasuklam suklam, at karumal-dumal na krimen, sa pamamagitan ng isang batas na pinag-aralan, sinuri, at inaprubahan ng Kongreso, at Pangulo ng Republika ng Pilipinas.   

Ayon sa unang talata ng Artikulo III, Seksyon 19 ng 1987 Saligang Batas, walang kasinglinaw na ipinahahayag ang sumosunod:  “ (1) Hindi dapat ipataw ang malabis na multa, ni ilapat ang malupit, imbi o di-makataong parusa, o ang parusang kamatayan, matangi kung magtadhana ang Kongreso ng parusang kamatayan sa mga kadahilanang bunsod ng mga buktot na krimen”

Ang nasabing kapangyarihan na itinadhana o iginagawad ng ating Saligang Batas sa Kongreso ng Republika ng Pilipinas, ay siyang naging batayan upang ang parusang kamatayan ay maipataw sa mga kriminal na sangkot, may kinalaman at kaugnayan sa mga buktot na krimen ng isabatas ang Batas Bilang 7659 noong taon Disyembre 1993 at, ipinatupad, sa pamamagitan ng lethal injection, alinsunod sa Batas Bilang 8177.

Subalit noong Hunyo 24, 2006, ang kaparusahang kamatayan ay ipinagbawal sa ilalim ng Batas Bilang 9346.

Sa kasulukyan, ang panukalang batas na saklaw ng House Bill Bilang 4727 ay nagmumungkahi na ibalik ang parusang kamatayan, laban sa mga buktot na krimen.  Ang pagbabalik ng kaparusahang kamatayan ay hindi kalaban ng bayan o taongbayan; sa kabilang dako, ito ay kalaban ng mga salarin na walang takot, awa, o budhi na isaganap ang kamumaldumal, kasuklam-suklam at kakilakilabot na mga krimen laban sa bayan at mamamayan.

Ang panukalang batas na ibalik ang kaparusahang kamatayan, ay laban sa mga krimen na matindi, nakakamuhi o nakakapoot. Ang panukalang batas, kung maisabatas, ay isang kalasag ng mamamayan at Estado laban sa krimen at mga kriminal, upang maidepensa o maipagtangol ang mamamayan sa mga karumaldumal, kakilakilabot at kasuklamsuklam na krimen. Ang panukalang batas ay hindi kalaban ng buhay; ang panukalang batas ay tagapagtangol ng buhay, buhay man ng inosente o salarin. Ang panukalang batas sa maikling pulong ay isang sandatang bulos na maaring itarak sa pinakapuso ng mga buktot na krimen at kriminal upang ipagtanggol  ang Pamahalaan, Estado at taong bayan laban sa:

  1. Krimen laban sa Pambansang seguridad
  2. Krimen laban sa tao
  3. Krimen laban sa personal na kalayaan at seguridad
  4. Krimen Laban sa ari-arian
  5. Krimen na may kinalaman sa opium at ibang pinagbawal na gamot
  6. Krimen na may kinalaman sa pandarambong
  7. Krimen na may kinalaman sa pagnanakw ng sasakyan na may kalakip ng pang-gagahasa o pagpatay
  8. At krimen na may kinalaman  sa pagtatanim ng ebidensya  ng mga tiwaling opisyal na pinagkakatiwalaan sa pagpapatupad ng batas laban sa mga inosente at walang kinalaman, kaugnayan, o sangkot  sa ilang uri ng  krimen na may kaugnayan sa ipinagbabawal na gamot

Sa pagkakataong ito, ibaling po natin ang ating pagtingin sa mga nangyayari at nasasaksihan sa pang araw-araw nating pamumuhay.  Walang duda, atin pong madidiskubre at mapagwawari na ang mga krimen na nangyayari sa ating lipunan, ay ‘di dapat ipagwalang-bahala o kaya naman ay ipagkibit-balikat lamang. Sa mga panahong ito, ang mga krimen na napapaloob sa panukalang batas na dapat hatulan ng parusang kamatayan, ay hindi na katulad sa mga naunang katulad o kasing uri na krimen na ang kaparusahan ay kamatayan. Ang mga krimen na tinaguriang buktot sapagkat ang mga ito ay,  kakilakilabot kasuklamsuklam, at karumaldumal na isinakatuparan sa ating kapanahunan, ay naging mas malupit, mas nakagigimbal, mas  kahindikhindik, at mas nakakasuka sa anyo, kalupitan, resulta at pamamaraan.   Ang mga krimen na ito ay mistulang gawa ng isang nagpapasasa, mabangis at walang awa na halimaw, na walang pagsasa-alang-alang sa pangkaraniwang sukatan ng moralidad, panuntunan, at kaangkupan, ng isang sibilisadong lipunan.

Nang tanggapin ko ang hamon ng mamamayan at bayan na isulong ang panukalang batas na ating tinatalakay, hindi ko po binalak na hamakin o kaya naman ay maliitin ang lakas, kakayahan, talino, at kagitingan ng mga tumututol na maisabatas ang panukalang batas na mabalik ng kaparusahang kamatayan.

Sa kabilang dako, kinikilala at ginagalang ko ang kanilang matatag at walang puknat na pagpapahayag ng kanilang pagtutol. Ano man ang dahilan ng kanilang pagtutol, personal man o paninindigan ng kalipunan, o kaya naman ay sa kadahilanan na hindi nila maarok ang kasalukuyang pangangailangan ng bayan, o ang kanilang damdamin ay mistulang manhid sa katotohanan at panawagan ng panahon at mamamayan.

Ano man ang basehan ng kanilang pagsalungat, patuloy kong igagalang at dadakilain ang kanilang prinsipyo at paninindigan.

Subalit, kung wala ang kaparusang kamatayan, ano ang angkop, tumpak, nababagay at nararapat na kaparusahan sa krimen na katulad: 

  1. Sa isang ama na pumatay sa isang anak sa pamamagitan ng pagbaril at pagpapasabog ng ulo ng huli, dahil lamang sa mapagmahal na pagpuna ng paglalasing ng ama; kapareho sa pagpatay ni Amadillo Custodio na taga-Lipa City sa kanyang anak na si Dennis Custodio noong Mayo 26, 2016?
  2. Sa isang may asawang babae, kasabwat ang kaniyang kalaguyo, na nagplano at isinakatuparan ang pagpatay sa kanyang asawa; na ayon, sa pagsisiyasat ay nagbayad ang magkalaguyo sa isang pulis upang isagawa ang pagpatay noong madaling araw ng Hunyo 12, 2014 sa Quezon City, habang ito ay nakasakay sa isang tow truck, sa pamamagitan ng dalawang salarin na nakasakay sa isang motorsiklo; kapareho ng nangyaring pagpatay sa ating hinahangaan na si Enzo Pastor, isang mangangarera ng sasakyan, na nagbigay ng karangalan sa bansang Pilipinas at mga mamamayang Filipino.
  3. Sa masasamang loob na kumikidnap at pumatay ng mga dayuhan, katulad sa ginawa ng grupong Abu Sayyaf na pamimirata at pagharang sa yate ng mag-asawang Aleman na sina, Jurgen Kantner, at Sabine Merz; at walang awa na pinatay ang huli at pagtangay kay Jurgen Kantner habang ang yate nila ay nasa kalagitnaan ng karagatan ng Sabah Malaysia noong Nobyebre 5, 2016.
  4. Sa mga pirata na umaatake ng mga sasakyang pangisda, katulad sa nangyari noong Enero 2017 nang harangin ang isang sasakyang ginagamit sa pangingisda malapit sa Isla ng Siromon at Zamboanga at walang awa at kalaban-laban na patayin ang 8 mangingisdang lulan nito?
  5. Sa isang salarin na humalay sa isang batang babae sa harap ng kaniyang inang nakaratay at paralisado sanhi sa atake ng alta presyon katulad na lamang sa panggagahasa na isiginawa ni Estefanio Marlon sa isang 3 taong gulang na batang babae sa harap ng ina at kinakasamang si Lima Malayaat sa bayan ng Camarines Sur, na naging sanhi ng pagkamatay ng biktima dahil sa pinsalang tinamo nito?  
  6. Sa isang lalaking humalay at sumaksak sa kaniyang biktima katulad ng ginawa ni Jerry Macaraeg na humalay at dalawang beses na sinaksak ang isang 11 taong gulang na batang babae sa Mangaldan, Pangasinan?
  7. Sa isang magnanakaw, serial-rapist, at mamamatay tao na nambiktima ng mga kababaihan, kapareho ng kaso ng nang-agaw ng taxi, pupulot ng pasaherong mga babae, na kadalasan ay mga nagtatrabaho sa call center, at pagkatapos pagnanakawan ay mangagahasa katulad ni Nitro Izon ng San Miguel, Bulacan na bumiktima ng limang babaeng pasahero at ginahasa  ang isa sa magkakaibang panahon sa Makati at Manila; siya rin ang tinuturong pumatay kay Teng Santaromana Gamboa, maliban sa mga nauna niyang tatlong kaso ng pamamatay, at tatlong kaso ng pang-gagahasa?
  8. Sa isang lalaking humalay sa kanyang biktima at brutal na pinatay katulad ng kaso ng isang umano’y durugistang suspek na si Alvin Delos Angeles, na suspek sa panghahalay at pagpatay sa isang estudyante ng Tourism na si Mitzi Joy Balunsay nito lamang Enero 2017; at matapos halayin ng suspek ang kaniyang biktima ay pinaghihiwa nito ang katawan, inilagay sa kahon, at inabandona sa bayan ng Tanza, Cavite?
  9. Sa tulong-tulong at papalit-palit na panggagahasa noong 2014 sa Paco, Manila sa isang pitong taong gulang na bata na si Myla Rosales ng tatlong suspek na sina Norman De Leon, Joshua De Leon, at Romulo Marquez bago nila ito saksakin hanggang sa mamatay?
  10. Sa magkalaguyong nanggagahasa, pumapatay, pagkatapos pahirapan ang mga biktimang kabataang babae habang kinukuhaan nila ang mga ito ng bidyo at upang ipagbibili sa mga pedopilya sa buong mundo katulad ng kaso nina Peter Scully na tubong Melbourne, Australia na nahuli noong Pebrero 20, 2015 sa Malaybalay City at ng kanyang kaluguyong si Liezyl Castaña Margallo na nahuli nitong Enero 2017 sa Isla ng Malapascua, Cebu.  Ayon sa pagsisiyat ng ating kapulisan sa mga bidyo na nasamsam nila bilang ebidensiya, ang isa sa mga biktima ng magkalaguyo ay isang bata na ibinitin ng patiwarik habang ginagahasa ito at pinahihirapan; may isa rin silang biktimang 18 na buwan pa lamang na paulit-ulit nilang sininturon at pinatakan ng tulo ng kandila ang kanyang pribadong ari; at ibang pang mga biktima na ginahasa, pinahirapan at pinaghukay ng sarili nilang mga libingan sa harap ng kamera.
  11. Sa mga alagad ng batas na nakuhaan ng bidyo ng CCTV na nagtanim ng ebidensiya sa pamamagitan ng paglagay ng mga droga sa loob ng mga mesa ng mga empleyado ng isang opisina sa isang raid noong Oktubre 2016?
  12. Sa isang suspek na gumahasa sa isang 5-anyos na batang babae at pinatay pa sa pamamagitan ng paulit-ulit na paghataw katulad ng kaso ni Jojo Lovino ng Daraga, Albay?
  13. Sa mga suspek ng isang madugong masaker na kumitil sa buhay ng humigit kumulang 58 katao kabilang na ang 34 mamamahayag katulad ng nangyari sa Maguindanao noong Nobyembre 2009 nang harangin ng mga higit kumulang 100 na armadong katao ang kumboy ng dating Buluan Vice Mayor Toto Mangudadato na ngayon ay Gobernador ng Maguindanao para pigilan na mag-patala ng kanyang sertipiko ng kandidatura?
  14. Sa pumatay sa isang babae at isilid ito sa drum, sinimento at inihulog sa ilog ng Navotas, gaya na lamang sa nangyari kay Ruby Rose Jimenez noong 2007?
  15. Sa suspek na pumugot sa ulo ng isang babae at itapon itosa Kalayaan Avenue sa Makati nitong Enero 2017?
  16. Sa mga walang awang pumatay sa isang van driver na si Joel Lulu na ang bangkay, na bugbug sarado at nakatali, ay natagpuan sa bayan ng Manaoag, Pangasinan?  
  17. Sa mga 4 na suspek na pumatay sa isang seaman na si Arnest John Agbayani nang ito’y mawala at tinangay ang kakabiling Subari Forester, at ayon sa pagsisiyasat ay pinaslang ng mga suspek na sina Christopher Kyle Ernie, Ariston Jimena, Paulo Hernandez, at Raquino Ornagap Jr sa Tagaytay City?
  18. Sa pumatay kay Teresa Teaño na binaril nang lumabas ng kanyang Hyundai Accent  ng suspek na si Rolando Talban na isang miyembro ng Dominguez Carnap Group at di pa nasiyahan, bilang paniguro na ang biktima ay patay na, binaril uli ito ng suspek sa leeg.
  19. Sa mga suspek na nagbebenta ng mga ipinagbabawal na gamot katulad ng ecstasy na ang buhay at pag-iisip ng gumagamit ay maaring sirain, at may street value na 3 milyong piso katulad na lamang sa kaso ni DJ Karen Bordador at kanyang kasintahan na si Emilio Lim na nahuli sa isang buy-bust operation sa Pasig City noong Augst 12, 2016.
  20. Sa tatlong banyaga na sina Pau Homanevan, Chan Kawai, at Russian Kirdyushkin Yury na pumuslit ng cocaine na nagkakahalaga ng 130 Milyong piso, na maaring sumira ng isip, kinabukasan at buhay ng daang libong Pilipino? 
  21. Sa mga suspek na gumagawa ng ipinagbabawal na gamot kapareho ng mga suspek na mga mamamayang Tsino na sina Luey Wang, Philip Chang, Wang Shi Xu, Alvin Wang at isang babaeng nagpakilala sa pangalang Susan na nahulihan ng 2 milyong halaga ng shabu at 4 milyong halaga ng mga kasangkapan at kagamitan sa pag gawa na shabu na maaring sirain ang buhay, isipan, at kinabukasan ng milyong milyong Pilipino.
  22. Sa mga nagtatanim ng marijuana katulad na lamang sa nadiskubreng 3 taniman ng marijuana na may halagang nasa P11 milyong  sa Ilocos Sur at Benguet noong taong 2012? O ‘di kaya’y yung nadiskubreng taniman ng marijuana na may nasasakupang 11 hektarya ang laki sa Mt. Chumanchill, Tinglayan, Kalinga na nagkakahalaga ng halos P2.2 bilyong na maaring sirain ang buhay, isipan, at kinabukasan ng milyong-milyong Pilipino?
  23. Sa mga suspek na pumatay sa isang 18 taong gulang na estudyante ng Architecture na si Nick Russel Oniot na pagkatapos na agawan ng bag ay pinagsasaksak pa ng mga suspek na sina Reynold Clave at Marvin Bernardo ng 18 beses noong October 14, 2016 sa Taguig City? O sa isang kaparehong pangyayari sa Baguio, kung saan pinagsasaksak naman ng isang di nakilalang suspek ang estudyanteng si Kenneth Velasco ng 40 beses hanggang sa ito ay mamatay?
  24. Sa isang inang itinapon ang kanyang 3 araw na gulang na anak sa isang sapa sa Barangay Opao, Mandaue City noong Nobyembre 2015?
  25. Sa mga mahuhuling suspek na pumatay, inilibing at itinago ang mga bangkay ng mga pinaslang sa dingding na konkreto ng abandonadong bahay na malapit sa Islamic Center ng Quiapo ngayong Enero 2017? 
  26. Sa mga tiwaling alagad ng batas na nagtanim ng mga ipinagbabawal na gamot katulad sa nangyari sa Australyanong si Damien Berg na umano’y nagbebenta ng mga ecstasy sa kapwa nito dayuhan na si Jeremy Eaton ng Canada noong June 20, 2016 sa Makati City; subalit, napawalang-sala dahil napatunayan na siya ay tinamnan lamang ng ebidensiya base sa CCTV footage ng kaniyang tinutuluyang hotel?  Ang nangyari kay Damien Berg ay maari ring mangyayari sa mga inosenteng nilalang na maaring mahatulan ng habang buhay na pagkabilanggo o kamatayan, o kahit ano mang kaparusahan sa kasalanang hindi nila alam, at wala silang kaugnayan?
  27. Sa buktot at karumal-dumal na gawain ng mga alagad ng batas na pagkatapos abusuhin at gamitin bilang pamamaraan ang kampanya ng pamahalaan laban sa ipinagbabawal na gamot upang kikikilan o kaya ay kotongan ng pera, dukutin o iditine sa opisina ng ahensiya na kinikilalang tagapagtanggol ng mamamayan, o kahit sino man sa ating bansa, patayin at ang kanyang abo ay ipaanod sa tubig ng palikuran upang hindi madiskubre ang krimen, kapareho ng biktimang  Koreanong mamumuhunan na si Jee Ick Joo; na ang pangarap ay tumanda at magretiro sa Pilipinas dahil ang bansang ito ay napamahal na sa kanya, upang tumulong sa mga mahihirap na kabataan, na nangyari sa lungsod ng Angeles hanggang Kampo Crame sa Quezon City?

Kung wala ang kaparusahang kamatayan, pababayaan na lang ba natin na ilagay ng mga biktima o ng kanilang mga kamag-anak, o kaya ay sa kamay ng mga bihilantes ang paghusga o pagpasya ng pamamaraan upang singilin ang mga salarin sa kanilang krimen upang makamit ang katarungan?

Kung wala ang kaparusahang kamatayan, hahayaan ba natin na pagpiyestahan ng mga salot na kriminal ang ating taongbayan, magpasasa sa paglabag ng ating batas at kaayusan na walang pakundangan at kinakakatakutan, bulabugin ang kapayapaan at tahimik at matiwasay na pamumuhay ng taong-bayan?

Kung walang kaparusahang kamatayan, at ang mga kaparusahang ipinapataw sa mga krimen ay hindi angkop at tugma, sa bigat ng kanilang pagkakasala, papaano natin maipapaliwang sa taongbayan o sa mga biktima, na ang ating estado o ang ating pamahalaan, ay walang kakayahan na parusahan ng tama, dapat, at nararapat ang mga buktot na krimen na nangyayari sa ating lipunan upang maipadala ang tama at angkop na katarungan.

Sa pagkakataong ito, maliwanag sa aking alaala ang aking naging gabay sa pagsuri ng aking budhi ang isang matibay na paninindigan ni Santo Agustin na mababasa sa aklat na, Lungsod ng Diyos, Aklat 1, 21) na walang katiting na pagduda na nagsabi ng mga sumusunod:

“May mga katiwalasan o pagbukod na ginawa ang Banal na Kapagyarihan sa Kanyang batas, na ang tao ay hindi maaring patayin.  Ang  katiwalasan o pagbukod na ito ay dalawang uri, na pinatotohanan ng batas na pangkalahatan, o kaya naman ay sa pamamagitan ng espesyal na pagtalaga sa isang nilalang.  At sa parte ng huli, kung sino man ang pinagkatiwalaan ng kapangyarihan, at kung sino man ang ipinagbilinan ng espadang gagamitin, ay walang pananagutan sa kamatayan na kayang ibibigay.  At gayunpaman, ang mga nakikipagdigmaan bilang pagsunod sa banal na kauutusan o ayon sa kanyang batas ay kumakatawan sa kanilang pagkatao ang katarungang pampubliko o kaya ang karunungan ng pamahalaan, [at sa ganitong kakayahan ay] na isinagawa ang kamatayan ng buktot o tampalasang nilalang; at ang taong ito, sa ano mang pamamaraan ay hindi lumabag sa kautusang, ‘Huwag kang pumatay.’”

Naalaala ko rin, ang dagdag na ipinahayag ni Santo Agustin na: 

“Ang parusang kamatayan ay nagtatanggal sa mga nakakaranas ng patuloy na pagkakasala, kung ang buhay nila ay magpapatuloy.”

Sa pagkakataong ito, ibaling natin ang ating pagdinig sa walang takot na pahayag na isang pinakikinggan at iginagalang na dalubhasa sa batas, teolohiya, at pilosopiya na si Santo Tomas Aquinas na nagpahayag ng sumusunod: 

“Kaya’t kung ang isang tao ay maging mapanganib at nakakahawa sa komunidad, sa kadahilanan ng ilang mga kasalanan, kapuri-puri at kalamangan na siya’y mamatay upang pangalagaan ang kapakanan ng lahat.” [ST IIa-IIae, q. 64, a. 2. ;]

at

“Maipapahintulot ang patayin ang isang kriminal kung ito ay kinakailangan para sa kapakanan ng buong komunidad. Gayunpaman, ang karapatang ito ay kabilang lamang para sa isang ipinagkatiwalaan sa pag-aalaga ng buong komunidad – katulad ng isang doktor na maaaring putulin ang isang nahawaang paa, dahil siya ay ipinagkatiwalaan sa pag-aalaga ng kalusugan ng buong katawan. [ST IIa-IIae, q. 64, a. 3.] 

Sa kabilag banda, walang takot na ipinahayag ni San Pablo ang mga sumusunod:  

“Kung ako nga’y isang makasalanan, at nakagawa ng anomang bagay na karapat-dapat na ako ay mamatay, hindi ko hinahanap ang makatakas sa kamatayan.” (Gawa 25:11)

Ang nasambit na pahayag ay nasundan ng kaparehong pahayag ng isang alagad ng simbahan na si Papa Pius XII na nagsasabing:

“Sa kaso ng parusang kamatayan, ang Estado ay hindi nagtatapon ng karapatan ng indibidwal na mabuhay. Sa halip, ang pampublikong kapangyarihan limitado sa pagtanggal ng buhay ng nagkasala upang pagbayaran ang kanyang kasalanan, pagkatapos na sa pamamagitan ng krimen, ay pinagkaitan niya ang kanyang sarili ng karapatang mabuhay.”

At bilang paghuling punto, naalaala ko rin ang pahayag na mababasa sa Katekismo ng Konseho ng Trent na binuo sa ilalim ng pangangasiwa ni San Carlos Borromeo ng mga sumusunod: 

“Malayo sa pagiging kasalanan na ‘di pagsunod sa kautusang ‘Huwag kang pumatay’, kung ang dahilan sa pagpatay ay ang pagsunod dito. Ang layunin ng batas ay ipagtanggol o pangalagaan at mapaunlad ang buhay ng tao. Ang kadahilanan o hangad na ito ay nakakamit kung ang lehitimong kapangyarihan ng Estado ay ipinatutupad sa pamamagitan ng pagkitil ng buhay ng may kasalanan na kumitil ng mga inosenteng buhay.”

Ipinagpipitagan kong Ispikir, ng mga kinatawan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Republika ng Pilipinas, sa aking mga ipinagpipitagang kasamahan at kasapi ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Pilipinas, sa mga saksi sa araw na ito sa pambungad na pagtalakay ng panukalang batas, sa inyo pong lahat ay ipinaaabot ko ang aking paggalang at pasasalamat sapagkat as inyong presensiya ngayong araw ay magkakaroon kayo ng pagkakataon na ipagmuni-muni sa inyong budhi kung ano ang pangangailangan ng ating bayan at mapakinggan ang ungol ng taongbayan at ng katarungan. 

Maraming salamat po. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!