Philippine economy

TRANSCRIPT: Cardinal Tagle on the start of Lent

Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

TRANSCRIPT: Cardinal Tagle on the start of Lent
'Kapag walang masyadong nangyayaring pagbabago sa lipunan, ang isa nating dapat tingnan ay ang loob'

MANILA, Philippines – The Catholic Church is marking the season of Lent, a 40-day period of fasting, prayer, and almsgiving, which leads to Holy Week and eventually the feast of Easter.

This year, Catholics began the penitential season on March 1, called Ash Wednesday, when they had their foreheads marked with ashes to symbolize repentance from sin.

For Ash Wednesday this year, Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle issued a reminder about genuine change. Below is Tagle’s homily for Ash Wednesday 2017, the start of the season of Lent. 

Mga kapatid, nagsimula na naman sa araw na ito ang banal na panahon ng Kuwaresma, 40 araw na ibinibigay sa atin upang tayo ay makapaghanda na sumabay kay Hesus, maglakbay patungo sa kanyang kamatayan dala ng pag-ibig sa atin. 

Sabi nga sa Ikalawang Pagbasa sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma, si Hesus, bagama’t walang kasalanan ay nakiisa sa atin at itinuring na makasalanan. Isinakdal siya kahit siya’y walang kasalanan. Pero ginawa niya ito upang samahan tayo, tayong mga makasalanan, at ihatid tayo mula sa kasalanan, sa kabanalan. 

Sinamahan tayo ni Hesus. Sasamahan ba natin siya? Hindi tayo iniwan ni Hesus na nag-iisa. Tayo ba, maglalakbay ba na wala siya?

Sa 40 araw ng Kuwaresma, tayo ay inaanyayahan na alalahanin si Hesus na hindi nang-iwan sa atin, upang tayo ay huwag ding mang-iwan sa kanya.

At ‘yan ay magaganap sa pamamagitan ng tinatawag na pagbabagong-loob. Minsan ang tinatawag, ang tawag ay pagsisisi. Pero maganda ‘yung “pagbabalik-loob,” ‘yung loob. Pati sa mga pagbasa e hindi na panlabas, kundi ang loob. Sinabi na ‘yan ni Hesus: Hindi naman nakakasama sa atin ang nasa labas. Ang mga nakasisira sa tao at sa lipunan, nanggagaling sa loob. 

Nasa kalooban ng tao nagmumula ang inggit, ang galit, ang kayabangan, ang paghihiganti, ang pag-iisip ng masama sa kapwa. Hindi ‘yan galing sa labas. Galing lahat ‘yan sa loob. At inaanyayahan tayo, bumalik na sa Diyos, magbagong-loob. Ang pagbabagong-loob ay pagbabalik ng aking loob mula sa loob, sa ating Diyos. 

Papa’no natin magaganap ang pagbabagong-loob? Huwag po nating mamaliitin ang pagbabagong-loob. Ang pinakamahalaga natin siguro na kontribusyon sa bayan at sa mundo ngayon ay ang pagbabagong-loob. 

Kung titingnan po natin ang mga dakilang tao na nagkaroon ng malalim na kontribusyon sa kasaysayan ng mundo, saan nagsimula ang kanilang kontribusyon? Sa loob. Sa loob ‘yan. At ang taong nagbagong-loob, kumapit na sa Diyos, ‘yan ay maraming magagawa para sa kapwa at lipunan. 

Kapag walang masyadong nangyayaring pagbabago sa lipunan, ang isa nating dapat tingnan ay ang loob.

Anong magagawa natin? Papaano ang pagbabagong-loob? Si Pope Francis ay nagbigay ng sulat para sa buong Simbahan, ang kanyang Lenten message. At dalawang simpleng bagay para ating mapangatawanan ang pagbabagong-loob, na magiging kontribusyon natin sa pagbabago ng mundo. 

Manalig sa Salita ng Diyos

Una, sabi niya, sana matuklasan ng ating loob ang Salita ng Diyos bilang talagang regalo ng Diyos. Mamaya, sa pagpapahid ng abo, ang isang sasabihin ay, “Repent and believe in the Gospel.” Magbagong-loob ka, magsisi ka, at manalig sa Salita ng Diyos. 

Ang Salita ng Diyos ay liwanag sa ating paanan, sa ating paglalakbay. Ang Salita ng Diyos, kapag pinakinggan at hinayaang tumimo sa ating puso, ito ang magiging daan para lalo tayong makakilala sa Diyos at maiugnay natin ang kalooban natin sa kanyang kalooban. Salita ng Diyos. 

Sana po sa 40 araw na ito ng Kuwaresma, maging marubdob ang ating pakikinig, pagbabasa, pagdarasal ng Salita ng Diyos.

Minsan, mas binibigyan natin ng panahon ang kung anu-anong salita. Hindi naman nangagagaling sa Diyos, pero ‘yun ang pinahahalagahan. Nagre-react tayo at tumutugon sa mga salita na hindi naman galing sa Diyos. Buti pa ‘yung mga walang katuturang salita, pinakikinggan at may tumutugon. At walang tigil ha.

Pero ‘pag salita ng Diyos, meron bang tumutugon? Meron bang interesado? Meron bang kapagkaraka, “Narinig ko ang Salita ng Diyos! Tutugon ako!” At ‘pag may tumugon, “Tutugon pa uli ako!” Buti pa ang mga salitang walang kapararakan, pinakikinggan. At ‘yun ang salitang kumakalat. Nagbabago ba ang lipunan?

Salita ng Diyos. At ‘wag mahihiya na ang Salita ng Diyos ang ating ipahayag.

Merong salitang hindi maganda? Kumuha ka ng salita sa Bibliya. Salita ng Diyos. Pero sana galing sa loob – hindi gagamitin ang Salita ng Diyos para sa masamang tangka.

Naalaala ninyo sa Linggo, ang Gospel, si Hesus ay tinukso. ‘Yung demonyo, ginagamit din ang Salita ng Diyos. Ginagamit para siluin si Hesus. Hindi gano’n ang tamang paggamit sa Salita ng Diyos. Gamitin ang Salita ng Diyos upang ang loob ng tao ay maiayon sa loob ng Diyos.

Araw ngayon ng fasting, ano ho, abstinence. Kung meron kayong matitipid sa inyong napakalaking meal allowance, ‘yung matitipid, pakibili ng Bibliya. At sa halip na magmeryenda ng kutkutin, buksan ang Bibliya. ‘Yan ang pagkain. ‘Yan ang gawing pagkain. Ang Salita ng Diyos at pagtupad diyan ang pagkain ni Hesus. ‘Yan ang napakagandang fasting – ang kinakain ko, Salita ng Diyos.

‘Pag sa maghapong ito, may nagyaya, “O merienda na.” “Tapos na ako.” “O, hindi kita nakita ah! Anong mineryenda mo?” “Ang Salita ng Diyos.” (laughter) Sasabihin, “Ah, talaga?” “Halika, tikman mo.” O, e ‘di dalawa na kayo. Nagsasalo na kayo. The gift of the Word of God. Parang hindi kayo masaya? (laughter)

Huwag nakabaling lamang sa sarili

At ‘yung ikalawa po, sabi ni Pope Francis, at tamang-tama sa mga pagbasa ngayon, para sa pagbabalik-loob, makita muli natin sana ang kapwa bilang gift. Hindi lamang ang Salita ng Diyos na regalo niya para sa ating loob, mapakain ang ating loob, mapalakas ang ating loob. Ang isa pa ring gift na binibigay sa atin para magbagong-loob ay ang kapwa.

Ang isang kinakailangang pagbabagong-loob ay ito. Minsan ang loob natin, nakabaling lamang sa sarili. Kaya nangyayari, ‘yung sinabi ni Hesus sa Ebanghelyo, marami ngang ginagawa, pero sa panlabas, parang mabuti ‘yung ginagawa, pero ginagawa pala para magpakitang tao, para kunin ang atensyon ng ibang tao at sabihin, “Tingnan ninyo ako.” “O nagdo-donate ako, o picture naman diyan.” Kahit ‘yung mga mabubuting gawa, hindi ginagawa para sa kapwa, kundi ginagawa para pala sa sarili. Mapansin ako, tumanyag ako, papurihan ako. 

Ang isang mahalagang bahagi ng pagbabagong-loob, ang loob, hindi na nakabaling sa sarili. Nakabaling sa Diyos, sa pamamagitan ng kanyang salita, at nakabaling sa kapwa. 

Ang pananalangin, fasting, at almsgiving ay pamamaraan para hindi na ako kundi ang Diyos at ang kapwa. 

Mag-alay sa kapwa

Simula rin po ngayon ng Alay-Kapwa. Mag-alay sa kapwa. Kung kanina nasabi ko, ‘yung matitipid ninyo sa pagkain, bumili kayo ng Bibliya, siguro may matitira pa naman e. Ibigay naman sa mga nagugutom, sa mga nangangailangan.

Nu’ng Lunes, bumisita ako sa mga nasunugan sa Parola. “Kamusta kayo?” “Okay naman po!” “Ilan ba ho ang nasunugan?” “Kaunti lang po, mga 3,000 pamilya lang po.” “Kaunti ba ‘yon?” “E ‘di ba, Kardinal, nu’ng bumisita ka last year, mga 5,000 ‘yung nasunugan, kaya mas kaunti ngayon.” 

Pero tingnan mo ha. Hindi ko alam. In-announce, “Sa araw pong ito, may nagkawanggawa. Bibigyan po ang lahat ng libreng hapunan.” Hindi nagpakilala. Hindi ko alam kung sino, at hindi ko alam kung sino ang pasasalamatan. Magpakain ka, 3,000 pamilya. Nang hindi nagpapakilala. Noong umiikot ako, kumakain na ‘yung iba. Naglaway na ako. ‘Yung ano ‘yun, ‘yung binalot, ang daming kanin, tapos ‘yung adobo doon sa ibabaw, kita mo, hinilamusan ng mantika ‘yung adobo, ‘yung kanin, tapos may itlog pa. Talagang…fasting today (laughter). 

Pero ‘yun. ‘Yun ang ating fasting. Hindi lamang makatipid sa meals, hindi lamang masama ang loob, “Nagugutom ako,” hindi, kundi iniisip ang kapwa. Nakikiisa, sa mas marami pang tao na nagdurusa at walang makain. At kung meron akong magagawa, kahit maliit, maibsan ko man lang ang gutom at pagdurusa ng kapwa. 

Kung bawat isa sa atin, gagawin ‘yan mula sa loob, gaganda ang lipunan. Gaganda ang kilos ng kasaysayan. 

Malimit nating kinakanta, “Let there be peace on earth, but let it begin with me.” 

Hangga’t ang loob ng bawat isa ay hindi magbabago tungo sa Diyos, tungo sa kapwa, tungko sa katarungan, katotohanan, pagmamalasakit, pagdadamayan, kapayapaan, walang pagbabago. 

Gift of the Word of God, gift of neighbor. ‘Pag nakakita kayo ng kapwa-tao, huwag ‘nyong iisipin, “Pabigat ‘yan, problema ‘yan.” Biyaya ‘yan. Dapat mahalin. Dapat alagaan. Dapat tulungan.

O, ‘yung mga mag-asawa, ano ang tingin ‘nyo sa asawa ‘nyo? Gift? Sumagot kayo (laughter). Sana. Ano ang tingin ninyo sa mga anak ‘nyo? Gift, o pabigat? Ano ang tingin natin sa ating kasama sa trabaho na parang iba ang ugali, hindi ko masyadong kaano? Gift o perwisyo? Anong tingin ‘nyo sa boss ‘nyo? (laughter) Parang alam ko na ang sagot. Gift?

Hangga’t hindi nagsisimula sa loob, at ang tingin ko, lalabas ‘yan sa kilos, sa salita, sa gawa, at mamaya-maya, madilim na muli ang kapaligiran. 

The gift of the Word of God, the gift of neighbor. ‘Yang tao na parang hindi mo masikmura – ‘di bale, fasting naman e – ‘di mo masikmura, ‘pag nawala ‘yan, mami-miss mo rin ‘yan. And then you realize, biyaya pala siya. 

Okay po? Anong oras ba ang pasok ‘nyo? Baka humaba nang humaba. So tumahimik po tayo sandali, at pasalamatan ang Diyos sa biyayang ito ng Kuwaresma. Ang pagbabagong-loob ang ating kontribusyon sa pagbabago ng lipunan. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!