religious groups in the Philippines

PNoy on economic gains: ‘Resulta po ang tawag dito’

President Benigno Aquino III

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Full text of President Benigno Aquino III's speech during the Edsa People Power Revolution's 26th anniversary celebration

Vice President Jojo Binay; President Fidel Valdez-Ramos; President Joseph Ejercito Estrada; Senate President Juan Ponce Enrile; Speaker Sonny Belmonte, Executive Secretary Jojo Ochoa; Tito Butch; Secretary Voltaire Gazmin and other members of the Cabinet present; Vice Chairman Christopher Carreon and other honorable Commissioners and members of the EDSA People Power Commission; members of the Senate and the House of Representatives; honorable local government officials; retired General Jessie Dellosa and the men and women of the Armed Forces of the Philippines; Police Director General Nicanor Bartolome and the men and women of the Philippine National Police; fellow workers in government; honored guests; ladies and gentlemen; mga minamahal ko  pong kababayan:

Magandang araw po sa inyong lahat.

Ika-dalawampu’t lima ng Pebrero noong 1986 nang nagtipon ang milyun-milyong Pilipino dito sa EDSA para sa nagkakaisang adhika: Tama na ang diktadurya, tama na ang kasakiman, tama na ang pang-aabuso ng mga may kapangyarihan. Saksi ang kalsadang ito sa kung ano ang kayang gawin ng mga karaniwang Pilipino para sa demokrasya’t kalayaan: mga madreng sumasalubong sa mga dambuhalang tangke na tangan lamang ay bulaklak at rosaryo. Mga estudyante, mangagawa, at pamilyang nagkakapit-bisig, ‘di alintana ang panganib sa paghahangad ng kalayaan. Mga sundalong may lakas ng loob na suwayin ang utos ni Ginoong Marcos dahil matapos ang ilang dekada ng kahirapan at tahasang kurapsyon, napagtanto nilang ang tunay na Commander-in-Chief ng bansang ito ay hindi si Ginoong Marcos, kundi ang mamamayang Pilipino. Nagtagumpay si Juan dela Cruz na makamit ang demokrasya sa isang mapayapang rebolusyon, at hanggang ngayon, kinikilala pa rin ng buong mundo bilang milagro ang 1986 EDSA People Power.

Matapos ang mahigit dalawa’t kalahating dekada, ano na nga ba ang estado ng demokrasyang ipinaglaban sa abenidang ito? Oo, wala nang bumubusal sa mga radyo’t telebisyon. Wala nang kumokontrol sa kung anong mababasa sa mga diyaryo’t peryodiko. Subalit malaya na ba tayo sa gutom? Malaya na ba tayo sa kahirapan? Malaya na ba tayo sa mga tiwaling sadyang pinaglalaruan ang ating sistemang pangkatarungan?

Ang rebolusyon sa EDSA ang nagsilbing lunsaran sa kung saan natin gustong tumungo bilang isang bayan. At hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin tapos ang rebolusyong ito. Kalayaan mula sa gutom. Kalayaan mula sa kahirapan. Kalayaan sa kawalan ng pagkakataong umasenso. Kalayaan mula sa kawalang-katarungan.

Ito ang ipinaglalaban natin ngayon. Maliwanag po: Ang himala sa EDSA ay mapupunta sa wala kung hindi natin ito pagyayamanin at paka-iingatan. Walang silbi ang demokrasya kung wala namang nangyayaring pagbabago sa nakararami.

Kaya naman binabaklas ng inyong pamahalaan ang mga barikada ng kahirapan gamit ang ating Conditional Cash Transfer program. Ang 2.3 milyong pamilya na hangad nating matulungan noong nakaraang taon ay hindi lamang po natin naabot: hinigitan pa po natin ang target na ito ng mahigit apatnapu’t limang libong pamilya bago matapos ang 2011. Ang Pantawid Pamilyang Pilipino program ay naramdaman ng pitumpu’t walong mga lungsod, siyam na raan at animnapu’t walong munisipalidad, mula sa walumpung probinsya sa bawat sulok ng Pilipinas. At hindi po titigil ang paglawak ng saklaw ng programang ito hanggat may mga kababayan tayong nalulunod pa rin sa gutom at kahirapan. Inaasam po nating bago matapos ang 2012, tatlong milyong pamilya na ang mabibigyan natin ng salbabida upang makatawid sila sa pampang ng mas matiwasay na pamumuhay. Namumuhunan tayo sa ating mga kababayan dahil bawat isang nakakalaya mula sa pagkakagapos sa kahirapan ay isang Pilipinong kaakibat sa pagpapaunlad ng ating bayan.

Dahil naman sa mga repormang isinusulong natin sa sektor ng komersiyo’t pangangalakal, ramdam natin ang kakaibang kompiyansa ng buong mundo sa atin pong bansa. Hindi po natin ugaling magtaas ng sariling bangko. Pero kapag labing-anim na beses tayong nakapagtala ng all-time high sa stock index, at kapag ang Moody’s, Standard and Poors, Fitch, at Japan Credit Ratings Agencies na po ang makailang beses na nag-angat sa ating grado, hindi naman po siguro pagyayabang ang tawag dito. Resulta po ang tawag dito. Repormang nagbubukal sa adhika nating maghatid ng tunay na ginhawa at pagbabago; resultang dulot ng ating tamang paggugol ng pondong nararamdaman at napapakinabangan ng maraming Pilipino.

Kitang-kita rin ang ganitong kompiyansa sa record-breaking na pagbuhos ng namumuhunan sa Philippine Economic Zone Authority o PEZA. Mantakin po ninyo: Ang kabuuang halaga ng puhunang pumasok sa PEZA mula 1995 hanggang Pebrero 2012 ay nagkakahalaga ng 2.003 trillion pesos. Noong nakaraang taon, naabot natin ang pinakamalakas na bugso ng puhunan sa PEZA sa halagang 288.3 bilyong piso. Umabot rin sa 439 bilyong piso ang kabuuang halaga ng investment na pumasok sa PEZA mula sa unang araw ng ating pagkakaluklok, hanggang sa pinakahuling datos na nakalap natin lamang nakaraang linggo. Samakatuwid, dalawampu’t dalawang porsyento ng kabuuang kita ng PEZA sa nakalipas na labinganim taon ay pumasok nang tayo na ang namumuno po sa ating bansa.

Isama na rin natin sa good news ang ginawang pag-aaral ng Japan External Trade Organization, o JETRO. Dahil daw po sa de-kalidad na trabaho, mahuhusay na manggagawa, at murang pagnenegosyo sa ating bansa, nanguna ang Pilipinas bilang ideyal na destinasyon ng mga negosyante sa Asya, sa manufacturing o sa services sectors man. Lilinawin ko lang po: Hindi po natin sariling ahensya ang nagsaliksik nito, kundi isang organisasyon mula pa po sa Japan. Hindi po madadaan sa tsamba ang ganitong mga tagumpay; hindi po suntok-sa-buwan ang mga ganitong tanda ng kaunlaran.

Pagkalipas ng isa’t kalahating taon sa tuwid na daan, tanungin nga po natin ang ating mga sarili: may pagkakaiba ba ang sistema natin ngayon, sa sistemang dinatnan natin noon, kung saan halos isang dekadang nadiskaril sa kurapsyon at katiwalian ang taumbayan? Ang tumpak na sagot sa akin pong palagay: Malaki na po. Ang tawag dito: dedikasyon. Ang tawag dito: malasakit. Ang tawag dito: Tuwid na daan. At bago pa man tayo mailuklok sa puwesto, malinaw na sa atin kung saan tayo nito dadalhin: Sa isang bansang walang corrupt. Sa isang bansang walang mahirap.

Kasalukuyang humaharap ang ating bansa sa isang sangandaan: Sa isang direksyon, ang masukal na daan kung saan hawak ng maimpluwensya ang timbangan ng katarungan, at ang mga nagpapasirko sa batas ang nakikinabang. Sa kabila, ang tuwid na daan kung saan malinaw ang mga patakaran, walang kinikilingan ang hustisya, at pinapanagot ang may kasalanan. Tandaan lang po natin: nangyari ang martial law dahil matagal nanahimik ang mga Pilipino, at nagawa na lamang nilang pumalag nang makita nilang lubha na ang naidudulot nitong pagdurusa sa ating bansa.

Sabi nga noong araw: Kung hindi ka kikilos, sino pa? Kung hindi ngayon, kailan pa? Kumilos na tayo ngayon, bago pa mahuli ang lahat. Kumilos na tayo ngayon, upang mapabilis natin ang pag-iwan sa dilim ng nakalipas. Kumilos na tayo ngayon, upang sa lalong madaling panahon, matanglawan ang ating lahi ng mas maliwanag na bukas.

Maaaring hindi perpekto ang ating sistema. Oo, may mga lamat ang ating demokrasya. Pero may pagkakataon tayo ngayon para ituwid ang anumang pagkakamaling nakalipas, at punan ang anumang pagkukulang ng ating kasaysayan. Kung gusto mong manatili ang lumang sistema, sige, magbingi-bingihan ka. Magbulag-bulagan ka. Huwag kang magsalita. Huwag kang makilahok. Pero kung sang-ayon kang may mali sa dinatnan nating sistema at kailangan itong ituwid: Tara na, pumalag tayo. Makilahok tayo. Itama natin ito.

Obligasyon nating alagaan ang ginintuang butil ng demokrasya na ipinunla ng milyun-milyong Pilipinong nagmartsa sa EDSA. Hindi ito lalago kung ito’y binabalewala. Hindi ito uusbong kung wala ritong nag-aaruga. Sakripisyo, katapatan, at dedikasyon: ito ang idilig natin upang yumabong ang diwa ng demokrasya. Pagkakaisa, malasakit, at pagmamahal sa bansa: ito ang ibuhos natin upang maging mabunga ang pamana ng EDSA. Huwag nating sayangin ang pagkakataong ito. Kinabukasan natin ang nakasalalay dito. Panahon na natin ito.

EDSA natin ito. Tara na, mga Pilipino.

Maraming salamat po. Magandang araw sa inyong lahat.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!