#WeatherAlert: Mga dapat tandaan tuwing may bagyo

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Here are things to remember during a storm — prepared by the office of Sen Loren Legarda, head of the Climate Change Oversight committee

Ang bagyo o tropical cyclone ay isang intense low-pressure area. Ang dala nitong hangin ay may bilis na 35 kilometro bawa’t oras (kilometer per hour o km/h). Sa tinatayang 20 bagyong pumapasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) kada taon, 18 ang nagdadala ng matinding epekto o pinsala sa bansa.

Kadalasang may dalang malakas na hangin at tuloy-tuloy na pag-ulan ang mga bagyo. Nagdudulot ang mga ito ng pagbaha, na nagiging sanhi naman ng flashflood, alon, pagguho ng lupa, at pagragasa ng putik o mudslide.

Mga uri ng bagyo:

May iba’t ibang uri ng bagyo batay sa lakas at bilis ng hanging dala nito:

  • Tropical depression – 35 kph hanggang 63 kph
  • Tropical storm – 64 kph hanggang 117 kph
  • Typhoon – higit sa 118 kph
  • Supertyphoon – higit sa 220 kph pataas

Ang kabuuan ng isang bagyo:

  • Mata (Eye) – ang sentro ng isang bagyo, kadalasang pabilog at walang ulap na nakapalibot; kalmado at hindi kalakasan ang hangin; walang dalang ulan; may lawak na 10 hanggang 100 kilometro.
  • Eye wall – pulu-pulong ulap na nakapalibot sa mata ng bagyo; may malakas na hangin at matinding pag-ulan; nasa harap at kanang bahagi nito ang pinakamalakas na hangin. Kapag ang bagyo ay patungong hilaga (north), ang pinakamalakas na hangin ay nasa timog (south) na bahagi nito. Nagdudulot ng pinakamalaking pinsala ang bagyo kapag ang eyewall nito ay tumatama sa lupa.
  • Rainbands – nakaikot ang mga ito sa mata ng bagyo; may malakas na hangin at may dalang matinding pag-ulan. Kalmado ang panahon. 

Public Storm Warning Signals:


Signal #1

Mga dapat tandaan: 

  • Apektado ng bagyo ang lokalidad
  • May bilis na 30-60 kph ang hanging dala ng bagyo na mararanasan sa loob ng 36 oras. May dala ring pabugsu-bugsong pag-ulan. Maaaring umiksi ang pagitan ng mga bugso ng hangin, depende sa lapit ng bagyo.

Epekto ng hangin:

  • Maaring mabali ang maliliit na sanga ng puno
  • Maaaring tumabingi, matumba, o tuluyang bumagsak ang mga puno ng saging
  • Posibleng umangat o matanggal ang ilang piraso ng bubungan ng bahay na gawa sa “light material,” tulad ng nipa at kugon
  • Kapag hindi itinaas ang antas ng babala, kaunti lamang ang inaasahang pinsalang dala nito
  • Ang mga tanim na palay, lalo na iyong namumulaklak pa lamang, ay posibleng mapinsala

Pag-iingat at paghahanda:

  • Maaring tumaas ang antas ng babala habang lumalakas ang bagyo o mas lumalapit sa apektadong lugar 
  • Posibleng tumaas ang mga alon sa dagat
  • Konsultahin ang weather bulletin mula sa PAGASA na inilalabas tuwing ikaanim na oras. Maliban kung patuloy na lalakas ang hangin at titindi ang pag-ulan, walang dapat ipangamba kapag may Signal No. 1.
  • Naka-alerto ang mga ahensiya ng pamahalaan na may kinalaman sa disaster preparedness

Signal #2

Mga dapat tandaan:

  • Apektado ng bagyo and lokalidad
  • May bilis na 60 hanggang 100 kph ang hanging mararanasan sa loob ng 24 oras

 

Epekto ng hangin:

  • Yuyuko o mababali ang ilang puno ng niyog
  • Mabubunot ang ilang malalaking puno
  • Matutumba ang maraming puno ng saging
  • Apektado ang taniman ng palay at mais
  • Maaaring tangayin ang mga bubong na yari sa nipa at kugon
  • Maaring matuklap ang ilang bubong na yari sa yero
  • Sa kabuuan, maaring magbunga ng bahagyang pinsala sa apektadong komunidad

 Pag-iingat at paghahanda:

  • Mapanganib ang dagat at baybaying dagat para sa maliliit na sasakyang pandagat
  • Maging alerto sa pinakahuling ulat, kagaya ng posisyon, bilis o bugso ng paggalaw at lakas ng hangin ng papalapit na bagyo
  • Iwasan ang magbiyahe, lalo na sa dagat at himpapawid
  • Iwasan ang mga gawain sa labas ng bahay
  • Simulang ihanda ang mga gamit na kakailanganin sa posibleng paglakas ng bagyo, tulad ng tubig, kandila, at pagkain
  • Umiikot na ang disaster preparedness agencies para abisuhan ang mga apektadong komunidad

Signal #3

Mga dapat tandaan:

  • Apektado ng bagyo ang lokalidad
  • May bilis na 100 hanggang 185 kph ang hanging dala ng bagyong paparating sa loob ng 18 oras


Epekto ng hangin:

  • Maraming puno ng niyog ang mababali at matutumba
  • Halos lahat ng puno ng saging ay babagsak, at mabubunot din ang maraming puno
  • Masisira ang mga tanim na palay at mais
  • Masisira ang karamihan sa mga bahay na gawa sa nipa at kugon; madadamay ang mga bahay na gawa sa light materials 
  • Magkakaroon ng problema sa koneksiyon ng kuryente at komunikasyon
  • Sa kabuuan, magkakaroon ng malubha hanggang malawak na pinsala sa agrikultura at industriya

Pag-iingat at paghahanda:

  • Magiging mapanganib sa mga apektadong lokalidad
  • Delikadong maglayag ang anumang sasakyang pandagat
  • Mapanganib ang pagbiyahe, lalo na sa dagat at himpapawid
  • Dapat lumipat sa matibay na gusali ang mga tao 
  • Dapat lumikas ang mga nasa mababang lugar at lumayo sa mga pampang at ilog
  • Bantayan ang pananalasa ng bagyo 
  • Kapag tumama mula sa hilaga ang mata ng bagyo sa komunidad, manatili sa ligtas na lugar. Matapos ang isa o dalawang oras, muling mararamdaman ang matinding hangin at ulan, galing naman sa timog.
  • Suspendido ang lahat ng klase. Ang mga bata ay dapat manatili sa loob ng matitibay na gusali.
  • Handa ang disaster preparedness at response agencies/organizations sa aktuwal na emergency

Signal #4

Mga dapat tandaan:

  • Isang matinding bagyo ang sasalpok sa lokalidad
  • Papasok sa loob ng 12 oras ang bagyong may dalang hangin na 185 kph ang bilis


Epekto ng hangin:

  • Malawak na pinsala sa mga taniman ng niyog
  • Mabubunot ang malalaking puno
  • Malawak na pinsala sa mga palayan at maisan
  • Masisira ang mga bahay at gusali na gawa sa light at heavy materials
  • Magkakaroon ng malawak na problema sa kuryente at komunikasyon
  • Mapipinsala nang husto ang mga apektadong komunidad

Pag-iingat at paghahanda:

  • Magdadala ng malaking pinsala sa komunidad ang bagyo 
  • Ipagpaliban ang lahat ng biyahe at mga gawain sa labas
  • Dapat na maagang lumikas ang mga maapektuhang pamilya upang maiwasan ang panganib
  • Sa signal number 4, ang lugar ay inaasahang tuluyang tatamaan ng mata ng bagyo. Habang papalapit ang mata ng bagyo, patuloy na magiging masungit ang panahon. Magiging malakas ang hanging galing sa hilaga. Matapos nito, bubuti ang panahon at hihina ang hangin nang isa hanggang dalawang oras. Ibig sabihin, ang lokalidad ay nasa gitna ng mata ng bagyo. Kapag lumampas na ang mata ng bagyo, muling iihip nang malakas ang hangin, mula naman sa katimugan.
  • Ang mga disaster management agencies ay abala na sa pagtugon sa emergencies at kalamidad.

Ano ang gagawin kapag malakas ang bagyo? 

  • Manatili sa loob ng bahay at maging kalmado
  • Umantabay sa mga ulat sa mass media
  • Patibayin ang mga bahagi ng bahay na maaaring maapektuhan
  • Putulan ng sanga ang mga puno na malapit sa bahay
  • Siguraduhing walang nakaharang sa kalsada para sa pagdaan ng emergency vehicles 
  • Tumungo sa mga itinalagang evacuation centers kung kinakailangan
  • Maghanda ng flashlight at radyo na may bagong baterya
  • Maghanda ng sapat na pagkain, maiinom na tubig, gas, baterya, at first-aid supplies
  • Kapag bumaha, patayin ang main switch ng kuryente, siguraduhing nakasara ang tangke ng gas at mga gripo
  • Ilagay ang mga gamit sa mataas na lugar. Ilagay sa hindi aabutin ng baha ang mahahalagang gamit, pati na ang mga kemikal at basura
  • Lumayo sa mababang lugar, pampang ng ilog, kanal at dalampasigan, bangin at paanan ng burol at bundok. Maaaring magkaroon ng landslide, rockslide, at mudslide.
  • Huwag lumusong sa baha kung hindi kailangan. Huwag tumawid sa mabilis na umaagos na tubig.
  • Huwag gumamit ng kasangkapang de-kuryente kung ang inyong tahanan ay apektado na ng baha
  • Huwag gumamit ng gas o kasangkapang nalubog sa baha 

Narito ang ilang mga emergency hotlines na maari ninyong tawagan.

– Rappler.com
 

This material was prepared by the Office of Senator Loren Legarda and edited by Rappler. She is an advocate of climate change adaptation and disaster risk reduction. Legarda heads the Senate Climate Change Oversight Committee. 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!