Kahihiyan o karangalan

Sylvia Estrada Claudio

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Kahihiyan o karangalan
Ang sagot sa pahayag ng administrasyong Duterte na hindi dapat nakikialam ang mga banyaga sa mga pangyayari sa Pilipinas: may karapatan silang makialam kapag mga Pilipino na rin mismo ang nagrereklamo sa kanila

Lihis ba sa kulturang Pilipino ang punahin sa harap ng mga pandaigdigang organisasyon tulad ng United Nations ang mga paglabag ng karapatang pantao? Pagtraydor ba ito sa bayan?

Nitong nakaraang linggo dumami (at parami pa) ang mga organisasyong internasyonal tulad ng UN, Progessive Alliance, European Union, Amnesty International, at Human Rights Watch na nanawagan sa gobyernong Duterte na tigilan ang giyera laban sa droga na ikinamatay na ng libo-libo. Kasama sa mga pinuna nila ang panukala ng administrasyon na ibalik ang death penalty at ang pagkulong kay Senator Leila de Lima.

Ang sagot ng administrasyong Duterte: hindi dapat nakikialam ang mga dayuhan sa mga isyu sa Pilipinas. Matindi ang poot nila laban sa kapwa Pilipino, tulad ni De Lima at ni Bise Presidente Leni Roberedo dahil ipinahayag nila sa labas ng bayan ang kanilang pagtutol sa mga nangyayari sa bansa.

Mabuti na lamang na hindi natatakot sa akin ang administrasyon, di tulad ng kapraningan nila sa Bise Presidente at senadora. Kasama na ako sa mga nakikiusap sa mga lokal at internasyonal na grupo na manawagan laban sa pagpaslang ng mga suspek (SUSPEK LAMANG!) na gumagamit o nagbebenta ng ilegal na droga. Hindi ko naman sasabihin na ako lamang. Marami-rami din namang ordinaryong mamamayan at mga lider na bumabatikos sa loob at labas ng bayan.

Traydor sa bayan?

Simple na tuloy ang sagot sa pahayag ng administrasyon na hindi dapat nakikialam ang mga banyaga sa panloob na mga gawain at pangyayari sa Pilipinas. May karapatan silang makialam kapag mga Pilipino na rin mismo ang nagrereklamo sa kanila.

Kaya’t ang natitirang tanong ay, nasa tama ba ang mga Pilipinong naglalabas ng kanilang puna?

Gusto ko lang banggitin muna na may mga tagapagtaguyod ang administrasyon na tumatawag ding traydor kahit sa mga mamamayang bumabatikos sa gobyerno sa lokal na larangan. Iba pang usapin ito. Para sa mga ganito mag-isip, basahin na lamang nila ang Konstitusyon ng Pilipinas upang maintindihan na ang mga tunay na traydor ay yaong nagagalit sa mga bumabatikos sa gobyerno sa legal at responsableng paraan.

Ngunit balikan natin ang isyu tungkol sa mga mamamayang nakikiusap sa labas. Traydor ba sila?

Sa aking palagay ay hindi pagtatraydor sa bayan ang itaguyod ang karapatang pantao sa loob at labas ng Pilipinas.

Ano ba ang ipinaglalaban namin? Hindi ba’t may mga bagay na dapat lang pagtulungan ng buong sangkatauhan? Matagal nang tinanggap ng international community, pati na ng Pilipinas, na ang pagtataguyod ng karapatang pantao ay responsibilidad ng lahat. Matagal nang tinanggap ng Pilipinas na maaaring makialam ang ibang bayan sa panahon ng matinding paglabag ng karapatang pantao ng isang gobyerno. Higit pa, nanguna ang mga PIlipino sa iba’t ibang organisasyon at grupong internasyonal upang magkaroon ng mga paraan, proseso, at kasunduan sa proteksyon ng karapatang pantao ng sinuman.

Tanyag ang mga Pilipinong Carlos P. Romulo, Salvador P. Lopez, at Leticia Ramos Shahani sa UN, halimbawa, bilang pasimuno (hindi po alalay o sunod-sunuran lamang nga iba) ng mahahalagang kasunduan tungkol sa mga karapatang pantao. Sa ilalim ng mga nakaraang administrasyon ay nakilala tayo bilang matapang na tagapagtaguyod ng abolisyon ng death penalty. Kamakailan lamang ipinagbunyi natin ang kontribusyon ng ating mga sundalo sa mga international peace keeping forces sa East Timor at sa Middle East. Sino ngayon ang nagdadala ng kahihiyan sa Pilipinas na bigla na lamang tayo lumabag sa sariling tradisyon bilang isang sibilisadong bayan?

Kahihiyan. ‘Yan daw ang aming dinala sa Pilipinas dahil inilabas namin ang mga problema ng bayan. Ngunit ano nga ba ang pakahulugan ng “hiya” sa kulturang Pilipino? Sa isang klasikong artikulo tungkol sa kabihasnan at sikolohiya ng Pilipino, binabalaan tayo ng paham na si Virgilio Enriquez sa mga kolonyal na interpretasyon ng kahihiyan bilang “shame” sa halip na iugat ito sa paninidigan ng mga Pilipino sa “propriety.”

Sa ganitong pananaw, ang pagmumura sa mga internasyonal na pulong at ang paglabag sa mga pandaigdigang kasunduan tungkol sa karapatang pantao ang siyang nagdadala ng kahihiyan.

Ang tunay na mga asal ng Pilipino

Hinihimok din tayo ni Enriquez na bigyang diin ang mga konspeto ng “patugsiling (compassion), kalulu (empathy), hatag-gusto (pagbibigay), paghiliupod (katapatan or  faithfulness  in need or  in plenty), and pagsinabtanay (fidelity  with one’s promises).”

Kung tutuusin ang hamon ng patugsiling, kalulu, at hatag-gusto ay tinutugunan ng mga Pilipinong nananawagan na itigil ang patayan. Kung tutuusin ang paghiliupod ay asal ng mga taong nakikiramay sa mga pinatay dahil karamihan sa kanila ay mahirap at kahit pa sila ay nalulong sa sakit ng adiksyon. At sa totoo lamang, ang mga opisyal katulad ni Senator De Lima at VP Robredo ang mga tunay na Pilipinong may pagsinabtanay. Itinataguyod nila ang Konstitusyon ng Pilipinas, na nagbibigay ng malalakas na garantiya ng karapatang pantao, na kanilang sinumpaan.

Sa panahong ito, naalala ko ulit ang panahon ng batas-militar. Tinawag din kami ng rehimeng Marcos na subersibo at traydor dahil nagsusumamo kami sa mga internasyonal na organisasyon na tulungan ang taumbayan. Noon at ngayon, hindi ang mga kamalian na aming binatikos ang naging matingkad sa mga kausap namin. Bagkus, tiningala pa rin ang mga Pilipino dahil may mga lumalaban para sa karapatang pantao. Hindi kahit kailanman naging lubos ang ating kahihiyan dahil batid nila na mayroon pa rin, marami pa rin, ang lumalaban para sa tama.

Galit na galit ang administrasyong ito dahil sinabi ng Time Magazine na, “night falls on the Philippines.” Maaari nga namang punahin ang Time at sabihing “Night has indeed fallen on the Philippines but many of us are holding up lanterns in the dark and face towards the dawn.” – Rappler.com

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!