US basketball

Wika, multo at mga bayani

Yoly Villanueva-Ong

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Wika, multo at mga bayani
Di man ganoong katatas, heto ang munting alay sa pagpalaganap ng sariling wika

Ang Agosto ay itinakdang buwan ng pambansang wika. Pinangungunahan ng Department of Education (DepEd) at Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang pagdiriwang na may temang, “Filipino: Wika ng Pagkakaisa.”

Pinalawak sa isang buwan ang dating isang linggo, alinsunod sa Proklamasyong 1041 na pinirmahan ni dating pangulong Fidel Ramos

Isinaalang-alang din si Manuel Quezon, ang “ama ng pambansang wika” na ipinanganak noong Agosto 19, 1878.

Ang Buwan ng Wika ay inilunsad sa opisina ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto, na pumayag maging unang probinsiyang magpapatupad ng EO 335. Inutos nitong gamitin ang Filipino bilang opisyal na wika sa lahat ng kasulatan at komunikasyon.

Nguni’t hindi lahat ay sang-ayon dito. Mayroon pang nagmumungkahing tanggalin na ang Filipino sa kurikulum ng mga kolehiyo. Di naman daw totoong pambansang wika ang Tagalog. Dapat daw mayroong mga salitang Cebuano, Bicolano, Kapampangan, atbp. 

Nguni’t hindi maaaring maliitin ang halaga ng sariling wika, lalo na’t kabilang na ang Filipino sa mga wikang pang-internasyonal. Sabi nga ni Dr Jose Rizal, “Ang hindi magmahal sa sariling wika, daig pa ang hayop at malansang isda.”

Mabuti pang dumugo ang ilong sa pagsulat ng sanaysay sa Filipino – dahil ang nanay ko ay Ilongga at ang tatay ko ay Ilokano – kaysa mangamoy malansa. Di man ganoong katatas, heto ang munting alay sa pagpalaganap ng sariling wika.

Humihingi ako ng paumanhin sa mga mambabasa ng Rappler na mala-Balagtas ang galing sa pagbigkas at pagsulat ng Filipino.

Buwan ng multo

Binansagan ding “ghost month” and Agosto, panahong iniiwasan ng mga mapamahiin dahil malas at mahina raw ang negosyo. Ito ay dumarating tuwing ika-pitong lunar month ng tradisyonal na kalendaryong Tsino. Sa 2014, nag-umpisa ito nang Hulyo 27 at matatapos nang Agosto 24.

Ang Chinese Ghost Month ay parang Undas ng mga Pilipino ayon kay Dr Anthony Fugoso, isang feng shui practitioner, sa kanyang pakikipanayam sa radyo.

“Binibigyan ng tribute ang mga yumao. Yung mga yumaong hindi nabigyan ng proper burial, o kaya walang preparation para makatawid sa kabilang realm.”

Pinapayagan silang lumabas sa kanilang lugar na pinanggalingan, yung realm nila. At ‘yung mga ghost na ‘yan, kaya hungry ghost, hindi sila preparadong pumasok sa lugar nila. Yung nag-o-offer nga tayo para meron silang makain.”

“Umiiwas kami sa Ghost Month. Kapag may humihingi ng advice, sinasabi naming bawal magpakasal…Huwag mag-be-blessing ng bahay, bawal lumipat, kasi baka akalain nung espirito welcome sila. Bawal pumatay ng insekto…Baka manipestasyon ng kaluluwa na dinadalaw ka lang…Mas maraming trahedya…Mabagyo talaga ang Agosto.”

Ang ilang payo upang maiwasan ang trahedya:

  1. Maging mas maingat lalo na sa gabi, kung saan lumalabas ang mga multo.
  2. Iwasan ang mahabang pagbiyahe sa dagat o himpapawid.
  3. Ipagpaliban ang kasal.
  4. Kung maaari ipagpaliban ang major medical operation o surgery.
  5. Huwag lumipat sa bagong bahay o mag-house blessing. 

“Kung may feng shui ka sa buhay, 50% magi-increase ang good luck mo, pero kung mas nanalig ka sa Panginoon, 110%, mas maganda ‘yun,” dagdag ni Fugoso.

Pero tila hindi naapektuhan ng ghost month ang Philippine Stock Exchange. Ang halaga ng turnover nung Agosto 20 ay umabot sa P10.8 bilyon, 13.74 puntos o 0.19 porsiyentong pagtaas. 

Nagbiro si Joseph Roxas, isang beteranong stock broker, na kahit  pala “ghost month” – ang panahong maraming nag-iingat na Asyanong investor – si “Casper, the friendly ghost” ang nananaig.

Buwan ng mga dakilang bayani

Subali’t Agosto rin ang buwan kung saan naghahalo ang lungkot at pangungulila sa inspirasyon at pasasalamat. Dito natin naaalala ang mga tagapaglingkod na puspusang nagsilbi sa bayan. Sila ang nagbalik ng ating tiwala sa pamahalaan. Utang natin sa kanila ang tinatamasang kalayaan at kaunlaran. 

Agosto 1, 2009. Cory Aquino – ikalabing-isang Pangulo at kauna-unahang babaeng naluklok sa pinakamataas na puwesto (Pebrero 25, 1986 – Hunyo 30, 1992). Tinagurian siyang Ina ng Demokrasya dahil sa naging papel niya sa pagbalik ng kalayaan mula sa batas militar. Isang mapayapang rebolusyon (EDSA 1) noong Pebrero 25, 1986 ang hinangaan ng buong mundo at tinularan ng ibang bansa.

Agosto 5, 2005. Raul Roco – Matalino, mahusay at walang bahid ang pangalan, si Roco ay kilala sa mga panukalang batas na kanyang isinulong: Study now, Pay Later Law, Comprehensive Agrarian Reform Program, Women in Nation Building Law, The Nursing Act, The Anti-Sexual Harassment Law, Anti-Rape Law, at ang Child and Family Courts Act. Siya ay naging Kalihim ng Edukasyon nung 2001.

Agosto 21, 1983. Ninoy Aquino – Senador (1967-1972) at dating Gobernador ng Tarlac. Kasama nina Gerry Roxas at Jovito Salonga, binuo ang oposisyon laban sa diktaduryang Marcos. Ibinilanggo nang 7 taon. Pinayagang magpunta sa US noong inatake sa puso. Noong  bumalik siya sa Filipinas, binaril siya pagbaba mula sa eroplano. Ang kanyang pagkamatay ang naging sanhi ng pagbagsak ng diktadurya. 

Agosto 18, 2012. Jesse Robredo – Nagsilbing Mayor ng Naga City nang 6 na beses. Bilang pagkilala sa kanyang mahusay na pamamahala, pinarangalan siya ng Ramon Magsaysay Award for Government Service noong taong 2000. Taos-pusong nagsilbi bilang Kalihim ng DILG mula 2010 hanggang sa kanyang pagpanaw.

Aking ipinagdarasal na ngayong Agosto, sana’y bisitahin tayo ng 4 na magigiting na kaluluwang ito. Siguradong papayuhan nila tayo sa wikang Filipino: Nasa sariling kamay ang suwerte, wala sa kalendaryo! – Rappler.com

 

 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!