Wikang pambansa for every all

Sylvia Estrada Claudio

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

'Gaano man kahusay ang manunulat – sa Ingles man o Filipino – walang epekto ang kanyang akda kung hindi edukado ang nagbabasa'

 Sinimulan kong magsulat sa Filipino bilang tugon sa mga mungkahi at puna. Matagal na itong mungkahi ng ilang kaibigan. Puna naman ng ilang mambabasa: “This is only for the educated. It’s a pity that those who should read this because they voted for Enrile, Revilla, Estrada, Binay won’t get it.” Minsa’y nangungutya ang puna, na kulang na lang ay sabihing, “Ano pa man ang sinasabi mo, sorry ka, kayong mga sosyal lang ang nagkakaintindihan.” 

Nguni’t bumaliktad ang isang kaibigan ko nang mabasa ang artikulo ko tungkol kay Jennifer Laude. Humingi siya ng salin sa Ingles. Sinusubaybyan daw ng mga dayuhan ang kuwento ni Jennifer at hindi nila maiintindihan ang artikulo.

Wika at nasyonalismo

Problema ng maraming akademiko kung kanino magbabahagi ng kanilang kaalaman. Sa pamantasan, hinihikayat kaming maglathala ng mga artikulo sa mga banyagang journal. Sumisikat daw kasi ang unibersidad, tumataas ang rango sa listahan, dumarami ang nag-e-enrol, yumayaman. Anupa’t mabilis ang pag-asenso ng mga gurong nakakapaglathala sa banyagang journal. Kasiyahan din naman ang makipagpalitan ng kathang-isip sa kapwa dalubhasa na taga-ibang bansa. 

Nguni’t produkto ako ng Unibersidad ng Pilipinas at kasalukuyang nagtuturo rito. Taumbayan ang nagsustento ng edukasyon ko, taumbayan ang nagpapasuweldo sa akin. Bayad-utang lang ang ialay ko sa masa ang kadalubhasaan.

Ayon sa mga tagapagtaguyod ng wikang Filipino, makakatulong sa pag-unlad ng bayan kung naiintindihan ng ordinaryong mamamayan ang mga pagsusuri at rekomendasyon ng mga siyentista at eksperto.

Kaya nanindigan ako: Filipino pa rin ang wikang ginamit ko nang binatikos ko si VP Binay. Maganda ang mga komentaryo. May isang nagsabi na dapat ilathala ‘yun araw-araw sa iba’t ibang pahayagan hanggang mabasa ito ng lahat. 

Panatag na sana ang kalooban ko. Hanggang…

Wika ng masa

Hanggang humingi ng salin sa Ingles ang isa pang kaibigan. Ilongga raw siya. Di raw niya maintindihan ang Tagalog ko. Madalas akong magbigay ng pagsasanay sa iba’t ibang dako ng Filipinas. Ganyan din ang kahilingan ng mga kalahok: “Puwede bang Inglesin mo na lang kung hindi mo kayang mag-Cebuano (Ilokano, Hiligaynon, Ilonggo, Waray, atbp.)? Taglish, okay din.” Ang aking solusyon? Ingles ang slides ko, Taglish o Filipino ang salita ko. 

“Ikaw naman kasi,” sabi ng iba. “Masyadong academic ang Filipino mo.” At totoo namang ang pinakamahalagang akda ko sa wikang Filipino ay ang aking disertasyon sa pagka-doktorado sa Sikolohiyang Pilipino. Nang nagdala ako ng kopya sa NGO ko, dali-daling binasa ng community health workers namin. Dali-dali rin nilang tinigilan ang pagbabasa.

Wika at kaisipan

‘Yan din ang sabi ng isang mambabasa. Higit daw na maganda ang aking mga Ingles na artikulo. Hinala niya’y nag-iisip ako sa Ingles pagkatapos ay isinasalin sa Filipino ang naisip.

Nagnilay-nilay ako. Nag-iisip nga ba ako sa Ingles? At kung totoo ito, susuko na ako? Aamin sa pagiging Amgirl?

Hindi ako papayag! Kapag nagsusulat ako sa Ingles, Ingles ang isip ko. At kapag Filipino ang wikang ginagamit, Filipino ang wikang ginagamit upang mag-isip. Kailangan lang na magsanay pa, maghasa sa pagsusulat sa Filipino upang mapantayan ang kagalingan sa Ingles. Panatag na ako ulit, hanggang… 

Hanggang naalala ko ang puna ng isang mambabasa sa isang artikulo kong Ingles. Halos sumabog daw ang ulo niya sa lalim ng aking bokabularyo. Dapat daw magsulat ako sa paraan na maiintindihan niya. Sagot naman ng kaisa-isa kong tagahanga, “Huwag mo nang problemahin. Hindi lahat ng puna ay dapat tanggapin. Kung hindi naiintindihan ang Ingles mo, problema na niya yon.” Napanatag na naman ako hanggang…

Naisip kong hindi naman awtomatikong maiintindihan ng mga mambabasa ang teknikal na wika kung hindi nila natutunan ito sa paaralan. Kailangan ding may pinag-aralan ang tao upang maintindihan ang mga nakasulat sa babasahing popular tulad ng Rappler, Ingles man o Filipino. Baka naman walang epekto ang wikang ginagamit ko sa dami ng nakakaintindi sa mga isinusulat ko?

Wika at kamalayan

Pasensya na, mahal na mambabasa. Minarapat kong isama kayo sa kaguluhan ng isip ko sapagka’t ang karanasan ko ay isang piraso lamang ng isang isang mahalagang usapin – ang usapin ng wika, identidad, at nasyonalismo.

Mangilan-ilan na rin ang nailathala sa Rappler tungkol sa isyu ng wika. Lahat ng artikulong tungkol sa wika ay nag-udyok ng matinding pagtatalo.

Pinagtatalunan kung mayroon nga ba tayong wikang pambansa. Hindi ba’t ang Filipino naman ay batay lamang sa Tagalog? Hindi ba’t nasagasaan ang karapatan ng karamihan nang isinabatas ang Filipino bilang wikang pambansa? 

Para sa ilan, matagal nang tapos ang debate. Karamihan umano ang nakakaintindi ng Filipino dahil sa ilang dekadang pagtuturo nito sa paaralan at ilang dekadang paggamit nito sa radyo, pahayagan, at TV. Lumalago ang Filipino bilang pamabansang wika dahil patuloy itong humahango ng mga konsepto at salita mula sa iba’t ibang pamayanan ng Filipinas.

Nguni’t sa kabilang banda, hindi Filipino ang wikang kinagisnan ng karamihan. At marami ang bihasa sa higit sa isang wika. Halimbawa, Ingles at Filipino ang gamit ko. Ang asawa ko naman ay bihasa sa Waray, Filipino, at Ingles. Marami rin ang bihasa sa tanging wikang kinagisnan at mababaw ang kakayanan sa Filipino.

Higit na nakakabahala ang balitaktakan kapag ang paksa ay ang relasyon ng nasyonalismo at wika. Halimbawa,ang artikulo at ang diskusyon dito. Hindi ko maintindihan ang pananaw ng ilan na makabayan ang bawat pagkakataon ng paggamit at pagtuturo ng Filipino at kolonyal ang lahat ng nagsusuri sa katayuan nito bilang wikang pambansa. 

Hindi ko sukat maisip kung bakit pinag-uusapan ang pagtanggal sa trabaho ng mga guro ng Filipino sa ilalim ng programang K to 12 habang maraming guro ng Ingles ang nawalan din ng trabaho. (Kailangan kong sabihin upang manatiling etikal, na ang isa sa mga binansagang kolonyal ay ang aking anak.) Bakit kaya? Mawawalan ba ng bisa ang akusayon na kolonyal ang pamahalaang Aquino at ang mga opisyal ng DepEd at pakana lamang ng mga imperyalista ang K to 12? Paano mapapatunayan na inaatake ng  imperyalistang K to 12 ang makabayang paggamit ng wika kung pati mga guro ng Ingles ang tinatanggal sa trabaho? 

Para sa akin, ang pagtanggal sa trabaho ng mga guro ng wika (Ingles, Filipino, Kastila, atbp.) ay paglabag sa karapatan ng manggagawa. Hindi ito tungkol sa kolonyalismo.

Ang K to 12 ay hakbang sa tamang direksyon. Sa K to 12, ang bawat bata ay tuturuan muna sa wikang kinagisnan, anupaman ito. Kapag matatag na ang paggagap niya sa mga batayang konspeto, saka lamang siya tuturuan ng ibang wika.

Alinsunod ito sa mga pag-aaral tungkol sa wika at kaisipan. Ang pagtuturo sa bata tungkol sa “hangin,” ay higit na makakatulong sa pag-intindi niya sa konspeto ng “atmosphere,”  kaysa turuan siya tungkol sa “wind.” Ang pagpapaliwanag tungkol sa “gunita” ay higit na makakatulong sa pagsusulat niya tungkol sa dalumat at alaala, kaysa sa paliwanagan siya ng tungkol sa “commemoration.”

Hindi nga ba’t ang pagsasabuhay ng iba’t ibang wikang kinagisnan ay tamang hakbang tungo sa isang pambansang wika na hango sa lahat ng wikang Filipino? Tungo sa isang pambansang kamalayan na hango sa lahat ng mga kultura sa Filipinas? Mahalagang elemento sa pagbubuo ng wika at kamalayang Filipino ang pagseseguro sa mataas na kalidad ng edukasyon.

Gaano man kahusay ang manunulat, walang epekto ang kanyang akda kung hindi edukado ang nagbabasa.

Dapat ipagpatuloy ang implementasyon ng batas hinggil sa Filipino, nguni’t siguraduhing  maisalin sa wika ng lokalidad ang lahat ng opisyal na pahayag ng pamahalaan. Palagay ko’y mahahanapan ng pondo ang pagsasalin at, sa ganoong paraan, mabibigyan ng trabaho ang mga dalubhasa sa wika. Sa isang bayan na higit 100 ang wika, dapat malaking ahensya ang Komisyon sa Wikang Filipino.

Sa ngayon, tama lang na tuluyan akong maguluhan bilang ambag sa pagbubuo ng pambansang wika at kamalayan. Bilang ehersisyo sa pagsusulat, iniisip kong sumulat ng kolonyal na akda sa Filipino at makabayang akda sa Ingles. Higit sa lahat, iniisip kong dapat may salin agad ang susunod kong artikulo. Buti naman at hindi ako marunong mag-Waray. – Rappler.com

 

 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!