#UnsentLetters: Purgatoryo

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

#UnsentLetters: Purgatoryo
Isa na yata sa pinakamahirap na pakiramdam ang mapunta sa purgatoryo sa pagitan ng “kaya pa.” at “suko na”

Unsent  Letters is a newsletter curated by Shakira Sison featuring unspoken sentiments gathered from reader submissions. It features unsent letters to real and imagined lovers. Rappler publishes Unsent Letters every Saturday.

Isa na yata sa pinakamahirap na pakiramdam ang mapunta sa purgatoryo sa pagitan ng “kaya pa.” at “suko na.” Yung tipong gusto mong ipaglaban kung ano pa ang mayroon kayo, isalba ang mga natitirang tipak ng inyong nabuwag na relasyon, pilit itong pagdikitin gamit ang natitirang tiwala, at bumuo ng isang panibagong bukas kahawak ang kanyang kamay. Pero sa tuwing naiisip mo ang mga bagay na ito, dumadampi naman sa isip mo na baka mas mabuti para sa inyong dalawa ang maghiwalay, at may dahilan kung bakit pinili nyang mangarap nang wala ka sa larawan.

Madalas kang napapaisip kung saan ka nagkulang gayong batid naman ninyong dalawa na ibinigay mo na ang lahat. Wala kang ibang ginawa kung hindi isipin ang makabubuti at makakapagpasaya sa kanya, kahit kapalit pa nito ang sarili mong kabutihan at kasiyahan. Gusto mo siyang hilahin pabalik gamit ang lubid ng mga ala-alang bumabalot sa inyo, habang umaasang maiisip din niya ang iyong halaga, at siya na mismo ang magkusang bumalik sa piling mo.

Pero kahit ilang oras mo pa titigan ang iyong telepono para sa kanyang mga mensahe at tawag, kahit ilang ulit mo pang sulyapan ang inyong pinto kung may kumakatok ba o wala, kahit magbabad ka pa sa Facebook, Twitter, at Instagram accounts niya sa pag-asang may maliligaw na isang post tungkol sa iyo, alam mo sa sarili mo na wala na, tapos na, at ang dating “kayo” ay nilimot na nya kasama ang kahapon.

Pinipilit mo syang burahin sa mga planong ginawa mo para sa inyong dalawa. Pero maya-maya lang, may maiisip ka na namang lugar na alam mong lubos nyang ikatutuwa. Pinipilit mong hindi siya maalala sa mga lugar kung saan kayo madalas kumain. Pero maya-maya lang, ikaw pa mismo ang nagluluto ng mga paborito niya. Pinipilit mong tanggalin sa iyong isip kung paano siya tumawa, mamangha, at masabik sa mga kwento at paksa na tila kayo lang ang nagkakaintindihan. Pero maya-maya lang, siya na naman ang mumunting tinig sa loob ng isip mo. Pinipilit mong sumuko. Pero maya-maya lang, kaya mo pang lumaban.

Gusto mo siyang kalimutan at ibaon sa limot ang mga masasayang pangyayaring pinagsaluhan ninyong dalawa. Ngunit sa tuwing ginagawa mo ang mga bagay na ito, lalo ka lamang nananabik sa kanya at mas umiigting ang pagnanais mong bumalik kayo sa dati. Lahat na yata ng posibilidad ay naisip mo para sa inyo. At sa kabila ng lahat ng masasakit na salitang binitiwan, sa lahat ng mga problemang hinarap ninyo nang mag-isa, pagkatapos ng isang relasyong sa trahedya nagtagpo, mayroon pa ring katiting na pag-asang natitira sa puso mo. At bitbit ang nalalabing pag-asang ito, nangangarap ka na balang araw ay makakaalis ka sa purgatoryong kinasasadlakan mo ngayon. – Rappler.com

Do you have your own Unsent Letter? Send them to unsentletters@rappler.com. Selected letters will be anonymized and edited for clarity and brevity. By submitting to Unsent Letters, you represent that the work is your own and that you waive your rights to it for present and future publication.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!