#UnsentLetters: Walang Preno

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

#UnsentLetters: Walang Preno
'Ganon din naman ang gusto kong pagmamahal e. Yung sigurado at walang pag-aatubili. Yung walang preno'

Unsent  Letters is a newsletter curated by Shakira Sison featuring unspoken sentiments gathered from reader submissions. It features unsent letters to real and imagined lovers. 

Ayoko sanang magsulat kasi baka naman sabihin nilang andami kong kabitteran sa katawan, pero sa totoolang marami akong gustong sabihin dun sa taong minahal ko na alam kong hindi na ako magkakaraoon ng pagkakataong sabihin pa.

Minahal ko sya nang walang kinaiba sa karaniwang pagmamahal, at alam kong wala namang bagong kuwento pagdating sa kabiguan sa pag-ibig e. Ngunit naniniwala pa rin ako na ang bawat kuwento ay kakaiba kahit na iisang sinulid ng pagmamahal ang nakatuhog sa lahat ng epiko ng puso.

Hindi ko mapigilang manumbat kahit na pansarili lang at hindi ko naman ipaparating pa sa kanya. Alam ko na balang araw ay gagaan rin ang pakiramdam ko at maghihilom rin ang lahat ng sugat ko. Kasama rin naman siguro sa proseso ng pagdadalamhati ang magalit rin sa simula, no? Bago natin siguro matanggap ang mga pangyayari kasama na rin dyan ang pagtatanong at pagdududa hanggang sa makuha natin ang sarili nating mga kasagutan sa mga tanong na hindi na masagot ng taong umiwan sa atin.

Ang gusto ko lang sanang malaman niya ay ang kototohanang wala akong ibang hiniling kundi ang kaligayahan niya. Kahit hindi na ako ang magdudulot nun, nagpapasalamat ako na may lakas sya ng loob para hanapin yung ganung klasing kaligayan. Kahit na masakit para sa akin, at kahit na ang unang reaksyon ko ay ang magalit na lalayo na sya sa akin, sa dulo ng kalungkutang ito ay ang pagpapaubaya sa kanya dahil hindi ba ganun naman ang trabaho ng isang tunay na nagmamahal?

Masakit pa rin sa akin, kahit na ilang buwan na rin ang nakakaraan. Nararamdaman ko sya kapag nag-iisa ako dahil dati parati syang yumayakap sakin mula sa likuran ko. Sa mga pagkakataong iyon ayokong kumilos nang bigla-biglaan kasi baka pumiglas siya sa kapit niya. Tahimik lang ako, pumipikit at ninamnam ang pakiramdam ng katawan niya sa balat ko. Kahit hindi namin masyadong pinag-usapan yon, alam ko na minahal rin naman niya ako kahit papano. Siguro hindi lang malinaw sa kanya kung ano ang susunod na hakbang sa nararamdaman niya para sa akin, at naging malinaw iyon doon sa minahal niyang iba. Ganon din naman ang gusto kong pagmamahal e. Yung sigurado at walang pag-aatubili. Yung walang preno, kung baga.

Tama na sa akin yung minahal ko sya na walang preno, walang matinding pagpapasya at pag-aanalisa ng kung anong dapat gawin sa nararamdaman ko. Balang araw makakatagpo rin ako ng kapantay, yung nakaharap sa akin kung yumakap, yung magsasabi sa akin na diretso na mahal niya ako, at eto ang plano niya para sa amin, at ito ang nakikita niya sa aming hinaharap.

Mag-ingat ka na lang, mahal ko. Alam mo na yun siguro. Isang yakap mula sa likod rin para sa iyo, yung mahigpit ha, yung nakakaiyak. Sana huwag mo ring kalimutan yung kuwento nating dalawa.

Paalam. – Rappler.com

Do you have your own Unsent Letter? Send them to unsentletters@rappler.com. Selected letters will be anonymized and edited for clarity and brevity. By submitting to Unsent Letters, you represent that the work is your own and that you waive your rights to it for present and future publication. 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!