#AnimatED: Ang pagbabalik

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

#AnimatED: Ang pagbabalik
Dapat kang matakot sa pagbabalik ng war on drugs

Ilang bangkay ba ang kailangan bago sumipa ang compassion fatigue? Tiyak namin, mababa ‘yan sa pitong libo.  

Dahil matagal na naming napansin ang kibit-balikat ng marami. Ang bored look tuwing mauungkat ang “war vs drugs” sa aming mga kuwentuhan ng barkada. Ang mga katagang di masambit: “Move on.” Parang nagkasirang magnobyo lang ang pinag-uusapan.

Nakausap namin ang isang dating kaeskuwela, isang single mother, na nag-aruga ng apat na anak. May dinadalaw ang anak niyang lalake sa Caloocan at naroon ang binata nang dumating ang mga mamang naka-hood. Naka-alpas ang pamilyang orihinal na puntirya kaya’t kinuha ang binata, pinaluhod, pinasabog ang utak at tinapunan ng tatlong sachet ng shabu. Ito’y sa kabila ng pakiusap ng mga kapitbahay, “Huwag po iyan, dayo lang po ‘yan.” 

Hindi akalain ng ina na giyera ni Duterte ang wawasak sa tahimik niyang middle class na pamumuhay. 

Marami kaming ganitong kuwento sa Rappler. First-hand, first-person accounts. Ang inang di mapuknat sa pagpalahaw. Ang asawang tulala. Ang anak na gumigising sa amang bangkay na. Ang ate na namukhaan ang mga pulis na kumuha sa kanyang kapatid. Ang inang nagtatanong kung paano nila makakamit ang hustisya. “Sinong kakasuhan namin? Si Duterte?”

Iisa ang pattern: Dukha, “squatter,” smalltime user, nagpalista sa OplanTokhang para maisama sa rehab. Sa impyerno pala ang treatment.

Pero pakaunti nang pakaunti ang nakikinig. 

Balik-eksena na ngayong linggo ang Giyera Kontra Droga ni Pangulong Rodrigo Duterte. Kung tutuusin, hindi naman maituturing na nawala ito – nabawasan lang ang bilang ng mga bangkay sa kalye. 

Sinabi ng Human Rights Watch na walang pinagkaiba sa extrajudicial killing ang operasyon ng pulis na nakapatay ng “nanlaban” na suspek. Salvaging din ito, na nagbihis lehitimo lamang. 

Dati nang sinabi ng Amnesty International na may underground trade na ngayon: “economy of death.” Isang kalakal ang namumuo sa hanay ng mga pulis – salapi (P8,000 hanggang 15,000) ang kapalit ng bawat maitumba. All in a night’s work, ‘dre!

Ang tila hindi nanunumbalik ay ang pakiramdam ng mga tao. Parang manhid na binting naupuan, desensitized na tayo sa mga patayan. At parang malambot na unan nating niyayakap ang mga salita ng Presidente kaya’t mahimbing tayong nakakatulog sa gabi: “Lulong na sa droga ang mga ‘yan kaya talagang nanlaban.” 

Parang inulang chalk sa semento ang pagitan ng tama at mali. At masayang nagpipiko si Duterte at walang pakialam kung nakatapak sa wasto o baluktot ang mga patakaran. 

Walang accountabililty ang gobyerno at walang itong balak managot. Mula sa Department of Justice at Office of the Solicitor General, na mistulang mga witch-hunt machinery, hanggang sa hepe ng Presidential Communications Office na ang ilong ay ‘singhaba na ng kay Pinnochio, malinaw na ang ehemplo ng pinuno ay leadership by intimidation.

Bakit pinapalakpakan ng mga Pilipino ang “war vs drugs”? Paanong natanim ang binhi ng kawalang-bahala at poot sa ating mga puso?

Itinanim ba ito ng tatlong dekada ng elitistang pulitika? Pinataba ba ito ng makikitid na pananaw at “non-existent debate” sa social media? Pinayabong ba ito ng mapurol na pag-unawa ng kasaysayan sa mga paaralan?

Ito ba’y umusbong mula sa kaduwagan, kamangmangan, at pagkamakasarili?

Oo at oo pa rin ang sagot.

Hindi “Bakit ito nagaganap?” ang pinakamalaking palaisipan sa giyera sa droga ni Pangulong Rodrigo Duterte kundi “Bakit natin ito pinapayagan?”

‘Wag kang matakot na tawagin ang henerasyon mo na apathetic at mindless. Di bale na kung sabihin nilang pinabagsak natin ang demokrasya sa ating pananahimik.

Matakot ka na isang araw, may kumatok sa pinto mo. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!