#AnimatED: Gyera ng mga kerida

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

#AnimatED: Gyera ng mga kerida
Ito ba’y bahagi ng nagbabagong hugis ng pulitika? Wala na silang pakundangan sa dangal ng institusyong kanilang kinakatawan?

Mga ka-DDS, there’s a new war raging in town, at hindi ito tungkol sa droga. So hold your horses – and trolls. Gyera ito ng mga kabit.

Mag-asawang sampal na reklamo ng umano’y conflict of interest ang bumulaga kay Congressman Antonio “Tonyboy” Floirendo Jr matapos silang magkasira ng matagal nang katoto na si Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez. 

Pero bago nag-file si Alvarez ng resolusyong imbestigahan ng Kamara ang kapwa niya representante ng Davao de Norte, at nagsampa ng kaugnay na kaso sa Ombudsman, mainit na balita na nagkaroon ng catfight ang kanilang mga girlfriend. 

Regime of indecency? 

Matagal nang may mga nagkakalat na kongresista, pero wala kaming masabi sa bagong antas ng kawalan ng delikadesa.

Nasaan ang delikadesa ni Speaker Bebot nang aminin n’yang may kabit s’ya (sampu umano ng bawat lalaking abugado sa balat ng lupa), habang pinuno ng Congressional Spouses Foundation ang misis niya?

Ipinagmamalaki niyang ‘di raw siya ipokrito, pero sa palagay namin ay mas ikatutuwa ng mga botanteng nagluklok sa kanya sa puwesto na sabihin niyang hindi n’ya ginagamit ang poder upang balikan ang nakaalitan ng kanyang kerida.  

Ito ba’y bahagi ng nagbabagong hugis ng pulitika? Wala na silang pakundangan sa dangal ng institusyong kanilang kinakatawan? Wala silang pakialam sa kabataang maaaring mapariwara dahil sa baluktot nilang ehemplo?

Bedroom politics 

Malalim rin ang kasaysayan ng Pilipinas pagdating sa bedroom politics. Kaya nga isinulat ni Julie Yap Daza ang Etiquette for Mistresses. (Siguro, napapanahon nang magsulat naman siya ng Etiquette for the Mistresses’ Men.) 

And’yan ang orihinal at walang kupas na babaerong si Joseph “Erap” Estrada. To his credit, Erap managed his harem well. Hindi nag-away sa publiko ang mga kerida niya. Sa pagkakaalam namin, hindi s’ya rumesbak sa ibang pulitiko dahil sa kanyang mga girlfriend.

Ganoon din si dating pangulong Fidel V. Ramos. May punto na nagkaimpluwensiya ang kanyang mistress sa appointment ng ilang opisyal, ngunit mukhang narendahan kaagad ito ng pinagkakatiwalaang kaibigan ng Pangulo na si Joe Almonte.

Dapat matuto na si Speaker sa leksiyong iniwan ng mga dating presidente: kapwa nila naging “chink in the armor” ang mga babaeng bumalot sa kanila sa machismo: Si Erap, na ang ipinatayong Boracay Mansion para sa kanyang kerida ay nauwi sa impeachment niya. Ganoon din si FVR na nasadlak sa tsismis ng influence peddling ni Baby Arenas.

People’s mistresses?

Unang-una, pera ng sambayanan ang ipinantutustos sa mga lakad ng mga kongresista. Bakit karay-karay ng mga kagalang-galang ang mga girlfriend sa kanilang official business sa ibang bansa? 

Naalala ‘nyo pa ba na naging malaking isyu ang pagsakay ni Kris Aquino sa presidential chopper papunta sa isang LP sortie? Ang issue sa pagkakataong iyon ay hindi ang pag-angkas n’ya sa chopper bilang kapatid ng nakaupong presidente, kundi ang paggamit niya sa resources ng gobyerno para makarating sa isang partisan political campaign.

‘Yan din ang isyu sa mga kerida-on-call – mapa-official plane, official chopper, official hotel, official trip, “official” shopping, at iba pang official privileges. 

Akala ba namin ay iwinawaksi ng administrasyong Duterte ang kurapsyon? 

Public lives

May mga pagkakataong may karapatang manghimasok ang publiko sa private affairs ng mga pulitiko. 

Kapag ginagamit nila ang puwesto para pasarapin ang buhay ng mga kamag-anak, kaibigan, at kabarkada. Idagdag na sa listahan ang mga kabit. 

Kapag ginagamit ang kapangyarihan para tirisin ang mga kaaway. 

Isa ito sa mga pagkakataong iyon. 

Tinalo ni Bebot sina Erap at FVR sa bagsik ng resbak niya kay Tonyboy.

May kahalintulad man ang kuwento niya sa kasaysayan, walang kasing baho ang pulitika ng pinakamataas na pinuno ng mababang kapulungan. – Rappler.com 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!