[EDITORIAL] #AnimatED: Ano ang nakataya sa 2019 elections?

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[EDITORIAL] #AnimatED: Ano ang nakataya sa 2019 elections?
Ang eleksiyon ay tungkol sa ating mga botante. Ang laging tanong ay: ano ba ang magagawa ni Kandidato X at ni Kandidato Y upang paunlarin ang buhay natin?

Handa na ba kayo sa pinakabonggang perya ng 2019?

Ayon sa mga nagpapa-survey, masusubukan ang bisa ng endoso ni Presidente Rodrigo Duterte sa nalalapit na eleksyon.  

Duterte Magic? Noong 1987, dalawa lamang ang di nakalusot sa 24 na inendoso ni Cory Aquino. Siyam naman sa 12 ang nanalo sa slate ni Fidel Ramos. Ganoon din ang birtud ni Noynoy Aquino, na nagpahiram ng kanyang katanyagan sa 9 sa 12 Team PNoy noong 2013.

May isang presidenteng hindi nagsilbing agimat sa kanyang partido, at ‘yan ay si Gloria Macapagal Arroyo. Tigalawa lamang ang ipinanalo niya noong 2004 at 2007. Pero ibang kuwento na ‘yan. Malinaw na malayong-malayo si Duterte kay GMA pagdating sa popularidad.

Sisiw man ang midterm elections para sa namumunong partido, hindi kagandahan ang numero ng mga bagitong kakampi ni Duterte na mahihina ang name recall, lalo na kung pangangatawanan ng PDP-Laban na hindi magbuo ng rainbow coaltion.

Kung ang boto para sa kanyang mga kakampi ay boto para kay Digong, hindi dapat masyadong kinakabahan ang mga nasa poder. Ang problema lang nila ay hati ang administrasyon sa pagitan ng PDP-Laban at ng Hugpong ni Sara Duterte – at nangangahulugan itong hati rin ang kanilang bosing sa “press the flesh.” Naniniwala ba ang PDP-Laban na masosolo nila si Duterte sa kampanya kung may ineendosong bukod ang anak nito?

At kahit baguhan sa national politics ang Alkalde ng Davao, ngayon pa lang ay kalkulado na nito ang lahat ng hakbang. Patutunayan ng 2019 kung princemaker nga siya. Ibang usapin pa kung tatakbo ang palabang anak ni Digong na ngayon pa lang ay nasa 3rd to 5th spot na sa senatorial surveys.

Pero kung may isang bagay na lalatay sa ating demokrasya ngayong darating na eleksyon, ito ang hindi kalakasang line-up ng oposisyon. Sa pinakahuling survey, si Bam Aquino lang ang pumasok sa Magic 12 at nanganganib pang malaglag.

Ano ang nakataya sa oposisyon? Kailangan nilang panatilihing independiyente ang Senado sa agenda ni Duterte sa darating na tatlong taon. Mistulang rubber stamp na nga ang Kamara. Ang Senado ang institusyong maaaring pumalag – diin sa salitang “maaari” – at di tuluyang magpadikta sa Palasyo.

Kailangan nilang ibalik ang check and balance na pundasyon ng demokrasya. Kailangan natin ng malayang lehislatura. Pero baka nangangarap tayo nang gising.

Mga babantayang laban. Paano magtutuos ang parehong nasa laylayan ng Magic 12 na sina Bam Aquino, nasa ika-13, at Imee Marcos, nasa ika-14? Senyales ba ito na pagod na ang masa sa awayang Marcos vs Aquino? O tulad ng 2016 na nagluklok kay Duterte, pagtatakwil pa rin ito sa aristokrasya?

Dati nang naigpawan ni Bam ang mababang survey numbers, habang hindi naman matatawaran ang Solid North ni Imee at ang bilyones ng mga Marcoses para dalhin siya sa tagumpay.

Mabangong-mabango ngayon si Bato dela Rosa, na nasa panlimang puwesto – mukhang di alintana ng mga sumagot sa survey na siya ang naging tagapagpatupad ng drug war, kung saan libo-libong mahihirap na ang namamatay. Mukhang patok sa mga botante ang iyakin pero tigasing dating hepe ng pulisya. 

Candidate to watch din ang pinakamakapangyarihang assistant sa balat ng lupa, si Special Assistant to the President Bong Go, kahit wala siya sa Magic 12. Hindi kami magtatataka kung ang pinakasikat na photobomber ang may pinakamalalim na war chest – lalo na’t kanto-kanto ang tarpaulins niya at dagsa ang donasyon niya. Kahit matalo si Go, winner pa rin ang bulsa niya matapos ang May 2019. (BASAHIN: Do Bong Go’s donations, billboards violate government ethics code?)

At paano na si Mocha Uson? Ang notoriety ba ay naisasalin sa boto? Ang kasikatan ba sa social media at paggiling sa entablado ay sapat upang magpanalo sa isa sa pinakaampaw na kandidato ngayong eleksiyon? 

Isang isyung di nabibigyan ng pansin ay ang pakikipagmatigasan ni Duterte sa mayor ng Cebu City na si Tommy Osmeña. Kung susuriin, isa itong usapin ng awtonomiya at pagbibigay respeto sa Local Government Code. 

Paano makakaapekto sa eleksiyon ang pambu-bully ni Duterte sa mga alkalde at local governments – lalo na ang mga ipinipilit ng Malacañang na idawit sa droga?

Ano ang nakataya? Napag-uusapan na rin lang ang isyu, ito ang lagi na nating problema sa elections, Philippine-style. Totoong nakikinabang ang informal economy sa dami ng polyeto, tarpaulin, t-shirt, baseball cap, ballers, at posters na ipinagagawa ng mga kandidato. May raket na naman ang mga banda at majorette, ang nagpaparenta ng van at sound system. 

Pero sa kalaunan, hindi napag-uusapan ang mga isyu – puro song and dance, puro paandar, walang sustansiya.

Bilang mga botante, buhayin natin ang talakayan. Ano ba ang magagawa ni Kandidato X at ni Kandidato Y – pro-Duterte man ‘yan, oposisyon, o pumapagitna – upang paunlarin ang buhay natin?

Husgahan natin sila batay sa 3 bagay: tindig sa isyu, track record, at plataporma. 

Sa mga tumatakbo sa pambansang puwesto, ano ang posisyon ninyo sa nagmamahalang bilihin, bigas, at Train Law? Ano ang posisyon ninyo sa extrajudicial killings at sa pag-alis ng Pilipinas sa International Criminal Court? Ano ang posisyon ninyo sa awtomatikong pagbibintang na komunista ang mga tumutuligsa sa gobyerno? 

Tuwing eleksiyon, ito ang panawagan ng Rappler: piliin nating ang lider na magtataguyod ng kapakanan natin at hindi tayo aaliwin lamang – #TheLeaderIWant. – Rappler 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!