news about Rappler

FACT CHECK: Mga kasinungalingan tungkol sa Rappler-Comelec partnership

Renzo Arceta, Sofia Guanzon, Lorenz Pasion
FACT CHECK: Mga kasinungalingan tungkol sa Rappler-Comelec partnership
Narito ang sagot sa mga kasinungalingang ipinapakalat tungkol sa Rappler-Comelec election partnership

Nang inanunsiyo ng Commission on Elections (Comelec) at tuluyang pinirmahan nitong Pebrero 24 ang pakikipagtuwang nito sa Rappler para sa pagpapalaganap ng impormasyon at pagpa-fact-check tungkol sa halalan ngayong Mayo 2022, mabilis na nagsulputan ang mga panawagan na ibasura ito ng komisyon. 

Ang panawagan – na mula sa mga hayag at mapagtatantong kapanig ng presidential candidate na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. – ay nagtataglay ng mga kasinungalingan tungkol sa Rappler, sa mga proseso ng Comelec, at sa nilalaman ng memorandum of agreement (MOA). (BASAHIN: Marcos and Calida in sync anew, this time vs Rappler’s Comelec deal)

Magkakahalong bago at luma ang mga binaluktot na kuwento ng mga ito, na ipinakakalat naman ng kanilang mga kapanalig sa social media.  

Ang MOA sa pagitan ng Comelec at Rappler ay naglalayong maghatid ng mga lehitimo, makatotohanan, at mapagkakatiwalaang impormasyon tungkol sa eleksiyon, at gawing malinaw at hayag ang proseso ng paghahanda at pagdaraos nito. 

Ang Rappler at ang mga serbisyong iniaalok nito ay dumaan sa halos isang taon na pagsusuri ng Comelec. Tiniyak ng mga abogado ng magkabilang panig na walang nilalabag na batas o patakaran ang kasunduan. Hindi rin ito nagbibigay ng espesyal na trato o pabor sa Rappler kompara sa ibang news organization. 

Narito ang sagot sa mga kasinungalingang ipinapakalat tungkol sa Rappler-Comelec election partnership.     

ANG SABI-SABI: Comelec ang pumili sa Rappler bilang media partner sa 2022, at eksklusibo ang pakikipagtulungan na ito.

Hindi ito totoo.

Katulad ng kinagawian ng media groups nang nagdaang mga halalan, nagsumite ang Rappler ng partnership proposal noong Pebrero 26, 2021, para muling maging media partner ng Comelec sa 2022. Nakikipagtuwangan ang Comelec sa maraming news organizations kada eleksiyon.

Ipinanukala ng Rappler ang pagsasagawa ng voter education and engagement, information dissemination, at fact-checking. Inabot nang halos isang taon bago naaprobahan ng Comelec ang proposal dahil idinaan ito sa pagsusuri ng iba’t-ibang opisina, gaya ng law department nito. 

Hindi eksklusibo ang partnership ng Comelec sa Rappler. May kaparehong kasunduan ang Comelec sa GMA broadcast network at 51 pang organisasyon. Nakipag-partner din sa Comelec ang social media app na TikTok para tulungan ang ahensiya na magpalaganap ng impormasyon kaugnay sa eleksiyon. 

“Rappler is not getting any special information, it’s not getting any special treatment, it’s not getting special information that would not be available to any other media networks,” ayon kay Comelec spokesman James Jimenez.

(Walang makukuhang espesyal na impormasyon ang Rappler. Hindi sila makakukuha ng espesyal na trato, hindi sila makakukuha ng espesyal na impormasyon na hindi ipamamahagi rin sa ibang mga media network.)

“The purpose of the agreement is to ensure that there exists a free flow of information from the Comelec to the news organizations. Again, this free flow of information is available to all networks,” sabi ng tagapagsalita ng Comelec.

(Ang layunin ng kasunduan ay siguraduhin na tuloy-tuloy ang daloy ng impormasyon mula sa Comelec patungo sa mga news organization. Inuulit ko, ang malayang pagdaloy ng impormasyon ay para sa lahat ng network.)

ANG SABI-SABI: Sa ilalim ng MOA, pinanghihimasukan ng Rappler ang kapangyarihan at karapatan ng Comelec

Kasinungalingan ito.

Ayon sa Artikulo IX-C ng 1987 Konstitusyon, ang Comelec lamang ang itinakdang magprotekta sa eleksiyon at manigurong nasusunod ang mga batas kaugnay nito. 

Nakalatag sa MOA ang mga tungkulin at limitasyon ng Rappler sa partnership na ito, na itinakda ng Comelec sang-ayon sa kapangyarihan nitong makipagtulungan sa iba’t ibang organisasyon. Sa kasunduang ito:

Magiging tagapag-ulat lamang ng bilang ng boto ang Rappler – katulad ng iba pang media. Hindi Rappler ang magbibilang at magpoproseso ng mga boto sa mga makina sa presinto, at hindi rin ito ang magpapadala ng mga bilang sa server ng Comelec.

Lahat din ng mga organisasyon ng media o news network ay may karapatan at kalayaang magbalita tungkol sa eleksiyon. Ang pagtutulungan ng Comelec at Rappler ay hindi nangangahulugang mauuna ang Rappler sa paglabas ng balita o makakukuha ito ng kumpidensiyal na impormasyon mula sa Comelec. 

ANG SABI-SABI: Maaaring makita ng Rappler ang listahan ng mga botante dahil as precinct finder

Kasinungalingan ito. 

Ilalagak sa Rappler website ang precinct finder ng Comelec. Isang tool ito na naglalabas ng numero at lugar ng presinto kung saan nakatakdang bumoto ang pangalan ng nagse-search. Katulad ng sa iba pang third-party websites na lalagakan ng precinct finder, embed code lamang ang ibibigay ng Comelec sa Rappler at hindi access sa voters’ list.

Sa precinct finder, ilalagay ng botante ang kanyang impormasyon, tulad ng pangalan, siyudad o munisipalidad, at probinsiya. Matapos maipasa ang form sa precinct finder, makikita ng botante ang numero ng kanyang presinto. 

Hindi makikita ng mga botante o mga empleyado ng Rappler ang voters’ list. Ipinapakita lamang ng precinct finder ang lugar ng botohan na nakatalaga sa pangalang inilagay sa form. Ang mga mahahalagang impormasyon ng mga botante ay pinoprotektahan pa rin ng Comelec. 

Embed code ng tool ang ibinibigay ng Comelec sa ibang websites at hindi ang impormasyon ng mga botante o ang kanilang mga boto.

“The databases will still remain within the confines of Comelec’s own servers protected, of course, by the DICT’s (Department of Information and Technology’s) firewalls,” sabi ni Jimenez ng Comelec. 

(Ang lahat ng mga database ay mananatili sa loob ng mga server ng Comelec na, siyempre ay, pinoprotektahan ng mga firewall ng DICT.) 

Ang paglalagak ng ng precinct finder ay maihahambing sa paglalagay ng bidyo ng YouTube sa iba’t ibang website. Gamit ang embed code, lalabas ang video sa third-party website, pero ang mismong video ay nananatili sa server ng YouTube. 

Ipinamahagi rin ng Comelec ang embed code para sa precinct finder sa iba’t ibang organisasyon noong mga nakaraang eleksyon. Para sa 2022, malayang makakapag-apply ang ibang organisasyon para mabigyan ng embed code mula sa Comelec.

ANG SABI-SABI: Maraming nilabag na batas ang kasunduan

Hindi totoo ito.

Walang nilabag na batas ang kasunduan ng Comelec at Rappler. Walang ipinagkaiba ang kasalukuyang MOA ng Comelec at Rappler sa mga nakaraang partnership nila. Simula pa 2013 ay partner na ng Comelec ang Rappler tuwing eleksiyon. Matapos ang halos isang taong pagsusuri sa panukala ng Rappler, inaprobahan ito ng law department at education and information department ng Comelec, pati na ng en banc na binibuo ng mga abogado.

Hindi rin maaaring maging basehan ng pagbasura sa kasunduan ang paratang na pagmamay-ari ng mga banyaga ang Rappler. Ang naturang isyu, kahit itinuring ng Court of Appeals na lutas na, ay ibinalik ng SEC sa korte. Nakabinbin sa korte ang kaso hanggang ngayon, at patuloy ang operasyon ng Rappler.

“As far as the Comelec is concerned, hindi pa tapos ang kaso. Status quo pa ’yan. So if they are able to operate now, then why should they not be considered a legitimate news organization?” sabi ni Jimenez ng Comelec. 

(Sa pananaw ng Comelec, hindi pa tapos ang kaso. Walang nabago sa kalagayan [ng Rappler]. Kung patuloy ang kanilang operasyon, bakit hindi natin sila ituturing na lehitimong news organization?)

Nilinaw din ni Jimenez na ang agreement ng Comelec at Rappler ay kagaya lamang ng agreement ng ahensiya sa iba pang media organization.

ANG SABI-SABI: Amerikano ang nagpapatakbo ng Rappler

Kasinungalingan ito.

Ang Rappler Inc. ay itinayo ng mga Pilipinong mamamahayag na dating nasa ABS-CBN at investigative magazine na Newsbreak, kasama ang mga investor mula sa dalawa pang Pilipinong kompanya. Pilipino ang lahat ng board of directors ng Rappler mula nang ito ay itinayo hanggang sa kasalukuyan.

Sina Manny Ayala ng Hatchd, Maria Ressa, Glenda Gloria, Raymund Miranda ng Dolphin Fire, at Nix Nolledo ng Xurpas Inc. – pawang mga Pilipino – ang nagsilbing founding board ng kompanya. 

Ang kasalukuyang board of directors ng Rappler Inc. ay sina Ressa, Gloria, Solita “Winnie” Monsod, Antonio La Viña, Federico Prieto, at Lucille Sering, pawang mga Pilipino. Halos 99% ng Rappler ay pagmamay-ari ng Rappler Holdings Corporation.

Noong 2015, nag-invest ang North Base Media sa Rappler sa pamamagitan ng Philippine Depositary Receipts (PDRs), isang financial instrument na nagbibigay ng kita sa namumuhunan ngunit hindi nagbibigay dito ng pagmamay-ari sa kompanya. Isa lamang ang Rappler sa media companies na nag-alok ng PDRs; ginawa rin ito ng ABS-CBN at GMA. Noong 2020, binili ng GMA ang PDRs nito na pagmamay-ari ng mga banyagang namumuhunan kahit walang nakasampang kaso sa kanila kaugnay nito.

Nag-invest din ang Omidyar Network sa Rappler noong 2015 sa pamamagitan ng PDRs. Kahit na legal na instrumento ang mga ito na kinikilala ng mga awtoridad sa Pilipinas, sinabi ng Philippine Securities and Exchange Commission (SEC) na basehan ito para ipawalang-bisa ang certificate of incorporation ng Rappler. 

Para matugunan ang isyu ng SEC, inilipat ng Omidyar ang pagmamay-ari nitong PDRs sa 14 managers ng Rappler sa pamamagitan ng isang donasyon noong 2018. Ayon sa Court of Appeals, sa tingin nito’y naayos na ng nasabing donasyon ang gusot na sinasabi ng SEC, ngunit pinangangatawanan ng SEC ang nauna nitong resolusyon. Nasa Court of Appeals pa ang reklamo ng Rappler. 

ANG SABI-SABI: Kayang gawin ng National Press Club ang mga nakasaad sa MOA 

Kulang sa konteksto ito.

Ayon sa kasunduan ng Comelec at Rappler, gagamitin ng Rappler ang malawak na kakayahan nito sa pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa halalan at sa pag-eengganyo sa publiko na makilahok at bumoto.

Kasama rito ang paggawa ng shareable infographics at educational videos, pagtatanghal ng online show at podcast, at pagsasagawa ng workshops at seminars, ayon na rin sa Comelec. Ie-embed din sa Rappler website ang Precinct Finder and Post Finder na gawa ng Comelec.

Sa pamamagitan ng partnership, tutulong din ang Rappler at iba pang news organizations na kasama sa #FactsFirstPH coalition sa Comelec sa pag-fact-check ng mga sabi-sabing kumakalat sa social media.

Walang indikasyon sa website ng National Press Club (NPC) na nakipagtulungan ito sa Comelec dati o may kakayahang maglunsad ng malawakang voters’ education campaign para sa Comelec ngayon. 

Ang NPC ay isang boluntaryong kapisanan ng mga mamahayag sa Pilipinas. Kabilang sa kanilang board of officers ay mga tagapagbalita ng iba’t ibang pahayagan at estasyon sa personal nilang kapasidad.

Matapos kuwestiyunin ng NPC kung bakit nakikipagtulungan ang Comelec sa Rappler, at matapos banggitin ni Solicitor General Calida na kaya namang gawin ng kapisanan ang ginagawa ng Rappler, nagpahayag ang NPC na hindi ito interesadong pumasok sa ano mang kasunduan sa Comelec.

Napakadalang nilang mag-post sa kanilang website. Nang isulat ang artikulong ito, ang pinakabagong balitang nakasaad sa kanilang website ay noong Hulyo 9 at Agosto 14, 2020 pa. 

Sa kanilang Facebook page, kung saan mas madalas silang mag-update, ang mga post ay bihirang magtamo ng higit sa 10 likes at halos walang komento o kumbersasyon ng mga bumibisita sa account.

– Rappler.com 

Kung may nakikita kang kahina-hinalang Facebook pages, groups, accounts, websites, artikulo, o mga larawan sa iyong network, i-send ang mga ito sa factcheck@rappler.com. Maaari ring magsumite ng mga sabi-sabi sa #FactsFirstPH tipline. Ipadala lang ang mga ito bilang message sa Facebook ng Rappler, bilang direct message sa Twitter ng Newsbreak, o bilang message sa aming Viber fact check chatbot. Sa bawat fact check, labanan natin ang pagkalat ng mali o mapanlinlang na impormasyon.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.