Libreng sine para sa senior citizens, PWDs ng Antipolo

Rappler.com
Libreng sine para sa senior citizens, PWDs ng Antipolo

ANTIPOLO_PIO

Maaari nang manuod ng libreng sine ang mga senior citizens at persons with disabilities ng Antipolo tuwing Lunes sa SM City Masinag

Isa itong opisyal na pahayag mula sa Pamahalaang Lungsod ng Antipolo.

MAYNILA, Pilipinas – Pormal nang inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo ang panonood ng libreng sine ng mga senior citizens at persons with disabilities (PWDs) tuwing Lunes sa SM City Masinag.

Dinaluhan ng mahigit 500 senior citizens at PWDs ang ginanap na Launching of Free Movie for Senior Citizens and Ceremonial Distribution of the New Senior Citizens ID nitong Agosto 17, 2015, sa sinehan ng naturang mall.

Ayon kay Unang Ginang ng Antipolo Andrea “Andeng” Ynares – maybahay ni Antipolo Mayor Jun Ynares – ang munting handog ng pamahalaang lokal para sa mga lolo at lola at PWDs sa lungsod ay layuning mabigyan ng oras na makapagpahinga sila at makapaglibang.

“Nagpapasalamat po kami sa mainit na kooperasyon ng SM City Masinag sa proyektong ito ng lungsod para sa ating mga lolo at lola. Ito po ang kauna-unahan sa kasaysayan ng Antipolo na magkakaroon ng libreng sine para sa ating mga lolo at lola at mga PWDs,” pahayag ni Ynares.

Dagdag niya: “Simula ngayon, maaari na po kayong mag-movie date linggo-linggo. Ika nga, relax-relax din ‘pag may time. At bago po matapos ang taon ay magsisimulang makatanggap ang ating mga lolo’t lola ng libreng birthday cake.” 

Matapos ang programa ay nanood ang mga lolo’t lola at PWDs ng The Love Affair na pinagbibidahan nina Richard Gutierrez, Dawn Zulueta, at Bea Alonzo sa cinema ng naturang mall.

Mula sa pagtutulungan ng Pamahalaang Lungsod at SM City Masinag ay nailunsad ang karagdagang espesyal na pribilehiyo para sa mga senior citizens at PWDs alinsunod sa Republic Act 9994. Pinagtibay pa ang kasunduang ito matapos ang paglagda ng parehong partido sa Memorandum of Agreement nitong Hulyo.

Upang makamit ang naturang pribilehiyo, kailangan lamang na ipakita ang senior citizen o PWDs ID at ang libreng movie booklet sa teller ng sinehan nang maitala ito at mabigyan ng libreng ticket. Ang panonood ng libreng sine sa SM City Masinag at Robinson’s Place Antipolo ay nakatakda tuwing araw ng Lunes lamang.

Samantala, kasalukuyang nag-iikot sa bawat barangay ang pamahalaang lokal para sa mobile registration ng mga senior citizens upang makakuha sila ng bagong Senior Citizens ID nang sa gayo’y magamit nila ang kanilang mga benepisyo at espesyal na pribilehiyo. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.