Hihiranging Makata ng Taon 2020, gagawaran ng P30,000

Rappler.com
Hihiranging Makata ng Taon 2020, gagawaran ng P30,000
PRESS RELEASE: Sa Enero 3, 2020 na ang huling araw ng pagpapasa sa timpalak

Ito ay press release mula sa Komisyon sa Wikang Filipino.

May naghihintay na P30,000 at ang karangalang matawag na Makata ng Taon 2020 sa magwawagi sa Talaang Ginto: Makata ng Taon, ang isa sa pinakamatanda at prestihiyosong timpalak ng Komisyon sa Wikang Filipino.

Kinakailangang magsumite ang mga kalahok ng isang mahabang tula na may isang daan (100) o higit pang mga taludtod, o isang koleksiyong binubuo ng sampu (10) o higit pang maiikling tula.

Malaya ang mga makata sa pagpili ng kanilang paksang may kinalaman sa mahahalagang usaping panlipunan sa kasalukuyang panahon.

May tugma at sukat dapat ang tula o mga tulang ipapasa. Hindi dapat bababa sa tudlikang antas ang tugmaan.

Nagsimula noong 1963, mga haligi na ng panulaang Filipino ang ilan sa mga nagsipagwagi sa Talaang Ginto. Kabilang sa mga nanalo na ang mga Pambansang Alagad ng Sining Cirilo F. Bautista, Bienvenido Lumbera, at Virgilio S. Almario.

Ilan pa sa mga tanyag na manunulat na sumungkit na rin ng parangal sina Ruth Elynia Mabanglo, Federico Licsi Espino, Fidel Rillo, Lamberto Antonio, Rogelio Mangahas, at Jesus Santiago.

Sa mga nagdaang edisyon ng Talaang Ginto, nasa hanay ng kabataang manunulat ang kinilala bilang Makata ng Taon. Kasama rito sina MJ Tumamac (2019), Christian Jil Benitez (2018), at Christian Ray Pilares (2016).

Si Tumamac ang unang makatang tubong Mindanao na nagwagi sa timpalak para sa kaniyang koleksiyong “Mga Mungkahi ng Pagdanas ng Dahas Mula sa Maitum.” Mula si Tumamac sa Lungsod Heneral Santos.

Sa  Enero 3, 2020 na ang huling araw ng pagpapasa sa timpalak. Maaaring makita ang buong tuntunin ng Talaang Ginto sa kwf.gov.ph. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.