Mga kabataang Ilokano, sasabak sa pagsasanay sa pagpapalusog ng haraya

The following is a press release from the Komisyon sa Wikang Filipino. 

Sasabak ang mga kabataang Ilokano sa pagsasanay sa pagpapalusog ng haraya at malikhaing pagsusulat sa gagawing Kampong Darëpdëp ngayong 20–21 Setyembre 2019 sa Palacio de Laoag Hotel, Lungsod Laoag. 

Nangangahulugang “haraya” ang salitang Ilokano na darëpdëp. Layunin ng seminar na pasiglahin ang haraya ng mga kabataang Ilokano na mag-aambag sa panitikang Ilokano sa hinaharap. 

Ang mga piling mag-aaral ay sasailalim sa mga panayam tampok ang mga premyadong manunulat na sina Dr. Luis Gatmaitan (kuwento), Junley L. Lazaga (Tula), at Adelma Salvador (Sanaysay). 

Ikikintal sa mga kabataan ang halaga ng pagsusulat sa wikang Ilokano pati na ang pagsasagawa ng mga palihan upang mapaunlad pa ang kanilang malikhaing akda. 

Itinataguyod ito ng KWF katuwang ang Dibisyon ng Lungsod Laoag ng Kagawaran ng Edukasyon sa pangunguna ni Dr. Joel B. Lopez. 

“Kailangang magising ang haraya  sa diwa ng mga kabataang Ilokano,” sabi ni Dr. Lopez. “Ang Kampong Darëpdëp ng KWF ang siyang bukang-liwayway sa masiglang paggising nito,” dagdag pa niya. 

Bilang karagdagang serbisyo, magkakaroon din ng sesyon para sa mga guro hinggil sa pagtuturo ng Ortograpiya ti Pagsasarao nga Ilokano (Ortograpiyang Ilokano) at KWF Manwal iti Naumos a Panagsurat (Manwal sa Masinop na Pagsulat). 

 “Hindi lamang táyo dapat nakatuon sa wikang Filipino, kundi pati sa iba pang mga katutubong wika ng Filipinas,” sabi ni John Enrico C. Torralba, punò ng Sangay ng Salin ng KWF. “Bahagi pa rin ito ng tungkulin ng KWF na pasiglahin at paunlarin ang ating mga katutubong wika.” 

Binabalak ng KWF na magtaguyod pa ng mga kampong sa iba pang katutubong wika. Nagpaplano na ang ahensiya para sa pagsasagawa nito para sa mga kabataang nagsusulat sa wikang Sebwano. 

Hango ang konsepto ng Kampong Darëpdëp sa itinataguyod na Kampong Balagtas ng KWF, isang pambansang kumperensiya para sa mga kabataang manunulat na nangyayari tuwing Buwan ng Panitikan sa Abril. – Rappler.com