Indonesia

PANOORIN: Pagbasa ni Aiza Seguerra ng ‘Litel Mis Pilipings’ ni Jim Pascual Agustin

Rappler.com
Sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika, binigkas ni Aiza Seguerra ang isang tulang isinulat ni Jim Pascual Agustin

Sumikat na child star si Aiza Seguerra matapos maging runner-up sa Little Miss Philippines contest ng Eat Bulaga noong 1987.

Naging bida na siya sa maraming pelikula at programa sa telebisyon. Pumasok din siya sa larangan ng musika.

Umamin siyang lesbian noong 2007, hanggang kilalanin ang sarili bilang transgender man.

Noong 2014, nagpakasal siya sa dating beauty queen at aktres na si Liza Diño.

Para sa Buwan ng Wika, inimbitahan ng Rappler si Aiza Seguerra — na katatalaga lamang bilang tagapangulo ng National Youth Commission — para bigkasin ang tulang “Litel Mis Pilipings” ni Jim Pascual Agustin. – Rappler.com

Manikang walang susi

o baterya

pero sige nang sige

ang bira

 

Simula. Lakad na parang modelo

ng gamot sa nagsusugat na paa,

may dalang bulaklak

na plastik

o lana,

ginagabayan ng kababatang

lakad-bangkay.

 

Tigil. Porma. Ngiti.

 

Lakad. Lakad. Ingat

sa di-pantay

na entablado

at mga pakong nakausli.

 

Lapit sa mayk.

Tili:

Gudapter nun!

Ay em X pram X!

Ay em X yirs ol!

Sabi po ng matanda!

Nasa bata ang kinabukasan!

Ng bansa!

Ay tengkyu!

 

Bow.

Hingal. Lakad uli. Hinto.

Pormang estatwa

na kinakati ang baywang.

Pasok ang iba pa.

Parehong pormula.

 

— Komersyal ng mga kunwa-gamot pambata —

 

Talent porsyon.

 

Kendeng ni Madonna.

Layka birdyin!

 

Tula tungkol sa kapusaan.

Tri Litel Kitengs!

 

Aktin ni Sisa.

Basilyo! Crispin! Nasaan na kayo?!

 

Etsetera. Estera. Etsetera.

 

— Komersyal ng mga kunwa-pagkaing pambata —

 

Kwestyon en anser.

 

Bihis-pigurin sa tuktok ng keyk

pangkasal kasama 

ang kababata.

 

Akyat sa kahon.

 

Pagtatawanan nila ang nakapamburol

hanggang umiyak

at paalisin.

 

Bunot ng tanong. Kiss muna.

Anong gusto mong maging?

(Kailan ka rereglahin?)

May kapatid ka bang maganda?

(Kailan ka rereglahin?)

anong oras puwedeng pikapin?

(Kailan ka rereglahin?)

 

Kiss uli. Tengkyu. Welkam. Rotonda. Maynila.

Pilipings.

 

Baba ng kahon. Lakad. Hingal.

Hinto.

Pormang estatwa

na kinakati ang baywang.

 

Hintay. Hintay. Hintay.

 

EN DA WINER IS

Kontestang Namber X!

Plakadong palakpakan!

 

Pilit na ngiti. Klos ap.

Ngiti.

Ngiti.

 

— Komersyal ng sanitari napkin, export quality — 

BOW>