PANOORIN: Pagbasa ni John Arcilla ng ‘Pakialam’

Rappler.com
PANOORIN: Pagbasa ni John Arcilla ng ‘Pakialam’
Isinulat ni John Arcilla – higit na kilala bilang 'Heneral Luna' – ang tulang 'Pakialam' para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika

Nagsimula sa pag-arte si John Arcilla sa Tanghalang Pilipino ng Cultural Center of the Philippines noong 1990.

Sa labas ng teatro, una siyang nakilala sa kanyang linyang “Coffee na lang, dear” para sa isang commercial ng bacon.

Simula noon, nagkaroon na rin siya ng mga proyekto sa telebisyon at pelikula.

Noong 2015, ibinigay ni John ang isang di malilimutang pagganap bilang Heneral Antonio Luna sa pelikula.

Ayon sa kanya, lumaki siya sa pamilyang mahilig sa pag-arte at pagpe-perform, lalo na sa tuwing mayroon silang salo-salo.

Para sa Buwan ng Wika, isinulat at binasa ni John Arcilla ang tulang “Pakialam.” – Rappler.com

Pakialam
ni John Arcilla

Nagwawagayway ang katotohanan
Kumakaway
Lulutang-lutang sa hangin
Katabi mo minsan
Sinisinghot na ng iyong ilong, ihininga mo na at ibinuga
Bakit parang walang napapala?

Kaway nang kaway ang katotohanan
Nakatiwangwang ang realidad
Pero nakatingin ka sa isang imaheng pinanggagalingan ng iyong bersiyon ng liwanag
Hindi – hindi ang araw
Hindi ang sinag na dulot ng kamalayan

Gusto mo ang sa ilaw ng lamparang nakapagdudulot sa ‘yo ng melangkolyang panagimpan
‘Yon ang nangungusap sa iyong kaluluwa
Iyon ang nagpapasaya sa iyong paniniwala
Iyon ang aako sa iyong di natupad na pangarap
Iyon ang magdadala sa nais mong malipad na hindi mo kailangang magpawis
Ang tawa ng imahe’y
Ligaya mo na
Ang bawat bunghalit niya’y
Kalayaan mong turing
Ang alimpuyo ng hubad niyang pagwawala ay pinto ng iyong lihim

hindi mo na kailangan pang
Parausin ang sa iyo
Sapagkat daluyan na ng iyong kabuktutan ang dagundong ng kanyang kahambugan.

Kakaway-kaway ang realidad
Pero wala siyang silbi
Wala siyang pangalan
Wala itong alindog at yabang
Wala itong pakinabang
Ang totoo, ang katotohana’y daladalawa ang mukha
Maraming maskara
At maligaya tayong nagpapalipat-lipat
Nagpapalit-palit ng pigura
Kung alin ang mas kumportable
‘Yon ang dapat masaya

At masaya ang masaya
Basta’t ang totoo mo ang totoo
ang mahalaga sa ‘yo ang mahalaga

Walang pakialamanan

Iyo ang totoo mo
Akin ang akin
Malungkot ba iyon?

Hindi
Iyon ang masaya
Iyon ang masaya?
Oo iyon ang masaya!

 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.