TULA: ‘Taliba ng Bayan’ ni Rio Alma

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

TULA: ‘Taliba ng Bayan’ ni Rio Alma
Handog ng Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario sa mga babaeng frontliners sa paglaban sa COVID-19

MANILA, Philippines – Matapos ang World Poetry Day nitong Marso 21, nagsimulang mag-post sa Facebook ang Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio S. Almario ng mga tulang isinisulat niya sa panahon ng krisis sanhi ng pagkalat ng novel coronavirus. 

Inilalathala ng Rappler nang may pahintulot ng manunulat ang ilan sa kanyang COVID-19 poems, sa ilalim ng kanyang sagisag-panulat na “Rio Alma.”

 


Taliba ng Bayan

(Para sa mga babaeng frontliners)

 

Tutulaan kitá, munti kong prinsesa,
Perlas ng silangan, at walang korona;
Lingkod ka ng bayang kung maalaala
Dahil nakíta kang lugmok sa umaga.

Wala kang medalya, gawad, o parangal
Na maitatampok sa gitna ng altar;
Ngunit may dambana ang iyong larawan
Sa puso ng madlang napaglilingkuran.

Di mo naman nais na maging balita
Ang pagkalinga mo sa maraming dukha;
Ang malasákit mo’y taal na adhikang
Kapuwa’y damayan, lalo’t may pinsala.

Tunay kang taliba: Nása unang hanay
Anumang panganib ang dapat labánan;
Kalong mo ang musmos ng kinabukasan,
Akay mo’y matandang dapat mong bayaran.

Tutulaan kitá, hindi mo man hiling,
Upang ang dibdib mo’y hindi magupiling;
Tula lámang ito, ngunit kung mapansin,
Maligaya akong ikaw ay naratíng.

Rio Alma
26 Marso 2020

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!