SUMMARY
This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Sumikat na child star si Aiza Seguerra matapos maging runner-up sa Little Miss Philippines contest ng Eat Bulaga noong 1987.
Naging bida na siya sa maraming pelikula at programa sa telebisyon. Pumasok din siya sa larangan ng musika.
Umamin siyang lesbian noong 2007, hanggang kilalanin ang sarili bilang transgender man.
Noong 2014, nagpakasal siya sa dating beauty queen at aktres na si Liza Diño.
Para sa Buwan ng Wika, inimbitahan ng Rappler si Aiza Seguerra — na katatalaga lamang bilang tagapangulo ng National Youth Commission — para bigkasin ang tulang “Litel Mis Pilipings” ni Jim Pascual Agustin. – Rappler.com
Manikang walang susi
o baterya
pero sige nang sige
ang bira
Simula. Lakad na parang modelo
ng gamot sa nagsusugat na paa,
may dalang bulaklak
na plastik
o lana,
ginagabayan ng kababatang
lakad-bangkay.
Tigil. Porma. Ngiti.
Lakad. Lakad. Ingat
sa di-pantay
na entablado
at mga pakong nakausli.
Lapit sa mayk.
Tili:
Gudapter nun!
Ay em X pram X!
Ay em X yirs ol!
Sabi po ng matanda!
Nasa bata ang kinabukasan!
Ng bansa!
Ay tengkyu!
Bow.
Hingal. Lakad uli. Hinto.
Pormang estatwa
na kinakati ang baywang.
Pasok ang iba pa.
Parehong pormula.
— Komersyal ng mga kunwa-gamot pambata —
Talent porsyon.
Kendeng ni Madonna.
Layka birdyin!
Tula tungkol sa kapusaan.
Tri Litel Kitengs!
Aktin ni Sisa.
Basilyo! Crispin! Nasaan na kayo?!
Etsetera. Estera. Etsetera.
— Komersyal ng mga kunwa-pagkaing pambata —
Kwestyon en anser.
Bihis-pigurin sa tuktok ng keyk
pangkasal kasama
ang kababata.
Akyat sa kahon.
Pagtatawanan nila ang nakapamburol
hanggang umiyak
at paalisin.
Bunot ng tanong. Kiss muna.
Anong gusto mong maging?
(Kailan ka rereglahin?)
May kapatid ka bang maganda?
(Kailan ka rereglahin?)
anong oras puwedeng pikapin?
(Kailan ka rereglahin?)
Kiss uli. Tengkyu. Welkam. Rotonda. Maynila.
Pilipings.
Baba ng kahon. Lakad. Hingal.
Hinto.
Pormang estatwa
na kinakati ang baywang.
Hintay. Hintay. Hintay.
EN DA WINER IS
Kontestang Namber X!
Plakadong palakpakan!
Pilit na ngiti. Klos ap.
Ngiti.
Ngiti.
— Komersyal ng sanitari napkin, export quality —
BOW>
There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.