
MANILA, Philippines – Matapos ang World Poetry Day nitong Marso 21, nagsimulang mag-post sa Facebook ang Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio S. Almario ng mga tulang isinisulat niya sa panahon ng krisis sanhi ng pagkalat ng novel coronavirus.
Inilalathala ng Rappler nang may pahintulot ng manunulat ang ilan sa kanyang COVID-19 poems, sa ilalim ng kanyang sagisag-panulat na “Rio Alma.”
May Bagong Bayani ang Ating Panahon
Bathala, ibig kong magtipon ng batong
Hinango sa dagat, talampas at bulkan,
Pagdikit-dikiting tíla munting payyo
At tamnan ng aming binubuong dangal.
Sakâ aalayan ng sampaga’t abel
Sa saliw ng agung, kutibeng, at budyong;
Watawat ay libong kakaway sa hangin
Pambunyi sa ating bayani ng ngayon.
Nagbayani siláng wala ni espada,
Di nagtalumpati sa bulwaga’t parke;
Ang binabantaya’y pintig at hininga,
Tatak na panlingkod—putîng uniporme.
Sinlinis ng apoy, sinsipag ng batis,
Paglilingkod nilá’y higit sa bantayog;
Sila ang bayaning anumang panganib
Titindig hahandog búhay ma’y marupok.
Bathala, ibig kong bawat isang bato’y
Titikan ng giting nilá at pangalan:
Tumalaga siláng manggamot sa tao,
Nangasawi silá para may mabúhay.
Para sa alaala nina Dr. Raul Diaz Jara, Dr. Israel Bactol, Dr. Rose Pulido, Dr. Greg Macasaet, Dr. Marcelo Jaochico, Dr. Salvacion Gatchalian, at mga kawal pangkalusugang lumaban sa COVID-19.
Rio Alma
26 Marso 2020
There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.