exhibits

Ang paglalakas-loob ni Heidi Mendoza

Adelle Chua

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Ang paglalakas-loob ni Heidi Mendoza

EXHIBIT. Heidi Mendoza shares her work in a solo exhibit called 'Lakas Loob.'

Photos from Heidi Mendoza's Facebook page/ Adelle Chua

'Lakas Loob,' ang exhibit ni Heidi, ay bukas sa UP College of Fine Arts hanggang Mayo 18

Bilang pampito sa walong magkakapatid mula sa mahirap na pamilya sa bayan ng Tayabas, sa lalawiang ng Quezon, sanay si Heidi Mendoza na pagkasyahin ang sarili sa mga pinagpasahan at pinaglumaang gamit ng kanyang mga nakatatandang kapatid. Damit, sapatos, gamit pang-eskuwela – hindi halos nakatikim ng kahit anong bago si Heidi. 

Ganito rin ang kwento ng mga crayola – dahil mabilis mapudpod ng mga ate at kuya ang pula, dilaw, berde, at iba pang matingkad na kulay sa kahon, naiwan ang mga madilim at halos walang-buhay na kulay sa mga bunso. Isang araw, sa klase nya sa kinder, pinagdrowing sila ng mansanas. Wala syang mahanap sa bahay kung hindi itim at brown kaya’t ang mga ito ang ginamit nya.

Nagtawanan ang klase at ang guro. Bulok daw ang mansanas ni Heidi. 

Isang taon itong dinamdam ng bata bago sya muling tumapak sa silid-aralan. At halos anim na dekada ang namagitan bago niya naipamalas ang kanyang mga ipininta sa isang exhibit sa UP College of Fine Arts.

Hindi nakapagtatakang Lakas Loob ang pangalan ng exhibit, na binuksan noong Mayo 9. 

Maingay, matapang

Bumuo ng karera sa pagkukwenta (accounting) si Mendoza. Nagtrabaho sya sa Commission on Audit (COA) pagkatapos nyang mag-aral. Unti-unti ngunit sigurado ang kanyang pag-angat sa komisyon. Hitik ang kanyang karanasan sa pagdayo sa malalayong lalawigan sa bansa, pakikipagtagisan sa mga lokal na pamunuang nagwawaldas ng kaban ng bayan, paggawa ng mga audit report na nagdedetalye ng kanilang natuklasan, maging pagpunta sa korte bilang testigo sa mga kasong naisampa laban sa mga opisyal. 

Mendoza may have bought these dresses off the rack, but the painting makes them her own. Photo by Adelle Chua

Sa loob ng maraming taon, nakabuo si Mendoza ng malalalim na pakikipagkaibigan at reputasyon bilang masigasig na tagapagkwenta ng bayan (public accountant). Minsan, masyadong masigasig – marami tuloy malalaking pangalan na nasasagasaan. Naranasan nya na ring magtago; nailagay sa alanganin ang kaligtasan ng asawa’t mga anak dahil sa mga banta sa kanilang buhay. 

Naging isa sa tatlong commissioner ng COA si Mendoza noong 2011. At, noong 2015, naitalaga sya bilang undesrecretary general for Internal Oversight Services ng United Nations. 

Dayuhang nangulila

Prestihiyoso ang posisyon ni Mendoza sa UN sa headquarters nito sa New York. Dinala nya sa ahensya ang talas ng mata at tapang na ilang dekada nyang hinulma sa COA. Tunay ngang makabuluhan ang trabaho n’ya sa UN, kung saan naibahagi n’ya ang kanyang galing. Karangalan ito para sa Pilipino. 

Pero naiwan nya sa Pilipinas ang mga mahal sa buhay: kanyang pamilya at mga kaibigan mula sa komisyon. Lubos syang nangulila. Nagkaroon sya ng depression. Lumala pa ito nang malaman nyang mayroon pala syang meningioma, isang tumor sa primary central nervous system na kadalasan ay nag-ummpisa sa utak o sa spinal cord. Ito rin ang dahilan kung bakit hirap syang makatulog, at naghagilap sya ng magagawa habang naghihintay na dapuan ng antok. 

Binalikan ni Mendoza ang paglikha gamit ang mga kulay. 

The exhibit runs until May 18. Photo by Adelle Chua

Dahil sa trabaho nya sa UN, may kaunti na syang pera at hindi na kailangang maghintay ng napaglumaang crayola ng kapatid. Kayang-kaya na ni Mendoza na pumasok sa kahit anong hobby place o tindahan ng art supplies sa New York. “Mga mamahaling pangkulay talaga ang pinagbibibili ko,” aniya. Nahumaling rin sya sa mga primera-klase at makukulay na clay. “Noon kasi, kung anu-anong colored paper lang ang nahahagilap ko dahil wala kaming pambili.”

Kitang kita sa mga unang gawa ni Mendoza ang kulimlim at lungkot. Ipinakita nya ang patay na puno sa taglamig. Lumabas ang matinding pangungulila sa tahanan at pag-aalala sa kanyang kalusugan. Muli, naglakas-loob na naman syang labanan ito. Sinadya nyang gamitin ang mga matitingkad at masasayang kulay. Nag-umpisa rin syang magregalo ng kanyang mga gawa sa malalapit na kaibigan. 

Pero dahil napaka-personal ang kanyang dahilan at wala syang pormal na pagsasanay sa pagpipinta, hindi naman nag-ambisyon nang mataas si Mendoza. “Wala sa panaginip ko na makakapag-exhibit ako.” 

‘Lampas kung lampas’

Nag-uumpisa raw si Mendoza sa pagtatapon ng kulay, pagkatapos ay hinahabol nya kung ano ang nabuo. “Pinaglalaruan ko na yung kulay, wala akong ginagayahan, hindi ko kayang mag-ulit ng isang gawa. Ayaw ko rin ng may kinokopyahan dahil nafu-frustrate akong makita na malayo yung gawa ko.’

Sumubok sya ng mga istilong kumbensyonal. “Mahilig ako sa pouring acrylic technique at random painting kaya nga minsan, ang ganda nung nagawa ko pero sayang, pangit at bungi-bunging kahoy ang ginamit ko,” sabi nya. 

“Sinubukan ko rin ang structure painting pero hindi ako masaya. Mas masaya ako sa dappling – yung tuldok-tuldok – pero sabi hindi naman daw pointillism yun. Ayoko ding gamitin ito kasi nahihiya ako at baka pagtawanan, hindi naman ako nag-aral.” 

Una nang magsasabi si Mendoza na hindi pulido ang kanyang mga gawa; walang inhibition, lampas kung lampas sa guhit, hindi makinis ang gilid ng drawing – parang iisipin mo pa kung ano ito.

“Intuitive” ang salitang nais nyang gamitin para ilarawan ang kanyang mga gawa. “Sakto ito sa akin. Walang pinipiling oras o lugar kaya from the floor to the seat cover to the curtain lahat may bahid ng pintura – pati ilong at buntot ng aso ko.

‘Swap, sustain, advocate’

Hindi ito ang unang exhibit ni Mendoza. Nagkaroon na sya ng solo exhibit sa UN Vienna International Convention Center noong 2017. Kaya nga karamihan ng mga kasama sa Lakas Loob ay mga bagong gawa lamang – taong 2022 at 2023. 

Hindi agad mga painting ang tatambad sa paningin ng sinumang papasok sa exhibit sa UP. May mga bote ng alak na pinintahan – donasyon ni Anna Lansay Bathan, kahit na nakapagpinta na rin ng mga bote si Mendoza. May tatlong gown na nakasabit, may sarili ring mga disenyo. Isa dito ay sinuot nya sa huling SONA ng dating Pangulong Benigno Aquino III. May isang pares ng sapatos, kalimbahin. May isang lumang maletang puti na pinuno na ng mga kulay. 

Shoes and a suitcase. Photo by Adelle Chua

“Madumi na kasi yung maleta na yan kaya pinintahan ko para takpan yung dumi at iba pang sira. Namimigay din ako ng mga hand-me-down na damit, pero nilalagyan ko ng painting para naiiba.” 

Tatlo ang tema ng exhibit: Swap, sustain, advocate. 

Sa Swap, maaring i-trade in sa mga may-disenyong bote sa lumang cellphone na kakargahan ng e-library na ipamimigay sa isang IP community. Pwede ring magamit ang learning resource kahit walang Internet connection. 

Sa Sustain, ipinapakitang pwedeng i-recycle ang nagamit na. Pupunta ang proceeds sa pamamahagi ng tablets, laptop at desktop sa mga IP – kasama na rin ang ilang laruan, kapote, at pambili ng pagkain. Kasali na rin ang incidental expenses – pagsasanay sa mga gurong magdevelop ng modules, pagpili at paglalapat ng video na akma sa pangangailangan. 

Sa Advocacy, gusto ni Mendoza na magpakalat ng pagkamulat ang madla tungkol sa mga isyung kinakaharap ng bayan. Napansin nya, halimbawa, na noong nakaraang eleksyon, marami ang naniniwala sa tapat na pamamahala – pero walang gustong mamuhunan dito. 

Ang “West Philippine Sea,” may kasama pang tulang isinulat nya tungkol sa pagtatanggol sa kung ano ang atin. Ang “Gunita” at “Sen Leila” ay tungkol sa karapatang pantao, kasama na ang karapatang pambabae. Ang “Si Nanay at si Inday” ay para sa mga biktima ng extra-judicial killings. Sa “One Earth, One Planet,” isinusulong nya ang responsibilidad nating pangalagaan ang ating kalikasan, ang daigdig. 

Katuwang ni Mendoza ang Sulong Dunong Project sa paghahatid ng kaalaman sa kabataan sa malalayong lugar. “Tunay ngang makapangyarihan ang sining,” sabi nya. “Hindi pala tayo yung nagbibigay. Tayo pala yung binibigyan. Ito yung pinakamalaki kong aral.” 

Hanggang Mayo 18 ang exhibit. Makikita online ang mga gawa ni Mendoza at detalye ng proyekto sa https://lakasloob.disatdev.net. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!