[OPINION] Ang pagbaba mula sa tore ng akademya

Bryan Elijah Trajano, Ron Jay Dangcalan

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

[OPINION] Ang pagbaba mula sa tore ng akademya
'Hindi tuluyang lalaya ang kaisipan ng taumbayan kung nakakubli ang agham sa wikang ginagamit lamang ng iilan'

 

Higit na lumala ang masamang persepsyon ng publiko sa agham sa pagkapanalo ng mga populistang lider sa iba’t-ibang bansa sa mundo. Sa tingin ng marami, ang agham ay elitista – nakakubli sa tore ng akademya at pag-uusap ng iilan. Parang hindi malinaw ang kaugnayan nito sa pang araw-araw na buhay ng mga mamamayan. Mas lalong lumitaw ang persepsyong ito ngayong nangyari ang COVID-19. Maraming siyentista ang dismayado na hindi sila pinapakinggan ng wasto ng mga lider ng kanilang bansa. Isa na rito si Presidente Jair Bolsonaro ng Brasil na tinawag ang COVID-19 na isang maliit na trangkaso o ang Pangulong Rodrigo Duterte na kahit nagpahayag ng kumpyasa sa agham ay ipinagkatiwala ang estratehiya ng pamahalaan laban sa pandemya sa kamay ng militar. 

Marapat naman talaga ang kristisimo laban sa mga polisiyang taliwas sa agham. Subalit hindi rin dapat ipagsawalang bahala ang mga kritismo na kulang sa pakikipag-ugnay ang mga eksperto sa mga mamamayan. Totoong kumplikado na ang lenggwaheng akademiko ngunit mas napapalawak pa ang hindi pagkakaintidihan sapagkat Ingles ang ginagamit na wika sa akademya. Kaya naman ang mga diskyusyon ay limitado lamang sa iilan at hindi naibabahagi sa mga ordinaryong mamamayan. Imbes na maging instrumento ng pagkakaisa at pag-angat ng sambayanan, ang mga pamantasan pa minsan ang nagpapalala ng dibisyon sa pagitan ng mga taong marunong mag-Ingles at doon sa mga hindi. Sa lipunan ngayon, para bang ang kakayanan sa pagsasalita ng Ingles ang batayan ng katalinuhan at indikasyon ng marangyang pamumuhay. (READ: [OPINYON] Buwan ng Wika: Hindi bawal umingles, basta ayusin mo)

Hindi ibig sabihin nito’y hindi matalino ang mga Pilipino o ang galing sa pagsasalita ng Ingles ang batayan ng makabuluhang kaisipan. Alam ng mga batikang akademiko na lubog sa pagbaba sa laylayan na maraming matutunan mula sa mga tao sa pamayanan. Marami silang makabuluhang ideya na dapat ding pakinggan. Mahirap kunin ang tiwala ng mga tao sa lipunan kung mababa ang pagtingin ng maraming siyentista sa kanila. Marami kung bumaba sa komunidad ay parang sila lang ang magaling o sila ang tagapagligtas ng sambayanan mula sa dagok ng kahirapan. Hindi ito lapat sa kulturang Pilipino kung saan ang tiwala, kababaang loob at pakikisama ay mahalaga sa pakikipag-ugnayan sa kapwa. Pakiramdam din ng ibang mamamayan ay kuhanan lamang sila ng mga datos. Sa kabila ng maraming mga pag-aaral na ginawa sa kanila ay parang wala rin namang pagbabago sa antas ng kanilang buhay. Kaya hindi nakakapagtaka na mas may tiwala ang maraming Pilipino sa mga populista tulad ni Pangulong Duterte, Mocha Uson, at mga kaalyado nito dahil marunong silang makibagay at makisama sa mga ordinaryong mamamayan.

Malaking dagok ito sa isang demokratikong bansa kung saan mahalaga ang pagkakaroon ng mamamayang may kakayanang mamili gamit ang sapat na kaalaman. Ang kaalaman sa Agham Panlipunan at Makabayan ay makakatulong upang mas maging mapanuri ang mga mamamayan lalo na sa panahon ng eleksyon – kung ang mga pangako ba ng mga kandidato ay totoong makakabuti sa bansa o ito’y pawang kasinungalingan lamang? Mahalaga ang pratikal na kaalaman o “common sense” subalit marami sa mga suliranin ng mundo ay bago at kumplikado tulad ng COVID-19 at pagbabago ng klima na nangangailangan ng higit na pang-unawa mula sa agham. Hindi magkasalungat kundi magkatulong ang agham at praktikal na kaalaman sa pagpapalakas ng demokrasya at pag-unlad ng isang bayan. (READ: [OPINION] How our native languages benefit society)

Kailangan magkaroon ng intelektwalismong pampubliko sa Pilipinas kung saan naisasalin sa pang araw-araw na wika ang malalim na akademikong karunungan. Hindi ito tungkol sa isa o iilang intelektwal lamang. Kailangan itong maisa-kultura at maipalaganap. Ito ay hindi lamang boluntaryong gawain kundi obligasyon ng bawat intelektwal na maiparating ang mensahe ng agham sa kanilang kapwa. Ang multidisiplinaryong agham ay nakakahiyakayat tulad ng paggamit ng sining sa pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa agham. Subalit kung ang usapan ay sa pagitan pa rin ng mga disiplina sa akademya, ito ay gumagawa lamang ng mas maraming akademikong pag-uusap na wala pa ring makabuluhang partisipasyon ang masa.

Ang mga transdisiplinaryong agham ay isa sa mga posibleng paraan upang maiugnay ang akademya sa mga mamamayan. Sa pagtingin ng transdisiplinaryong agham, ang mga mamamayan ay hindi lamang pinagkukunan ng datos kundi kabalikat sa pagbubuo ng kaalaman. Ilan sa mga ito ang Ekolohiyang Pantao kung saan kinikilala ang papel ng mamamayan sa pagbuo ng mga konsepto tungkol sa kanilang pagkakakilanlan at pag-unawa ng mga kumplikadong suliranin sa lipunan tulad ng pandemya, pagbaha at pagbabago ng klima. Hindi lamang ito pag-aaral ng relasyon ng ugnayan ng lipunan sa kalikasan. 

Subalit ang mga ito ay hindi kayang gawin ng akademya ng mag-isa. Malaki ang papel ng midya, pamahalaan, pribadong sektor, mga komersyo, at lipunang sibil upang maisakatuparan ang mga ito. Totoong marami at kapuri-puri ang mga kolaborasyon sa pananaliksik at ekstensyon na nangyayari sa mga pamantasan na pinopondohan ng mga iba’t-ibang organisasyon. Subalit kailangang maipaunawa sa taumbayan sa wikang naiintidihan nila ang mga kaalaman mula sa mga laboratoryo, teknikal, at akademikong mga publikasyon.

Upang mangyari ito, kailangan na ma-intelektwalisa ang wikang Filipino. Tulad nga ng sabi ng batikang manunulat at kritiko na si Rosario Torres-Yu, mangyayari ito kung gagamitin ang Wikang Filipino ng mga Pilipinong intelektwal sa pagbuo ng mga kaisipan, kaalaman, at karunungan na nakabatay sa lokal na tradisyong intelektwal. Subalit mukhang hindi prayoridad ang Wikang Filipino sa ngayon. Kamakailan, ito ay tinanggal bilang kurso o sabjek sa kolehiyo sa ibang mga pamantasan sa bansa. Maling pananaw sa globalisasyon ang pagtalikod sa sariling wika. Ang totoo, habang mas lalong nauunawaan nating mga Pilipino ang ating sariling wika, mas lumalago ang ating pag-intindi sa mga kalakaran, konsepto, at pamantayan ng mundo. Maging ang pagkatuto ng ibang wika ay hindi lamang memorisasyon. Higit na mahalaga ang pang-unawa sa mga batas sa gramatika na mas mabilis matutunan gamit ang pang araw-araw na wika. Hindi pagtalikod sa pandaigdigang wika na Ingles ang pagkatuto ng Filipino. Magkatulong ang mga wikang ito upang higit na matuto at maging mapanuri ang mga Pilipino.

Malaki ang papel na ginagampanan dito ng midya. Upang masugpo ang mga kasinungalingan, short termism, at populistang naratibo, kailangang mailimbag ang mga komentaryong intelektwal sa wikang ginagamit ng masang Pilipino. Lalo na sa panahon ngayon na marami ang gumagamit ng internet, malaki ang ambag ng midya sa pagpapalaganap ng mga ideyang may saysay at makatotohanan na siyang gigising sa konsensya ng taumbayan na pinatulog ng maling impormasyon — na ang pasimuno mismo ay ang kataas-taasang sangay ng pamahalaan.

Hindi kayang baguhin ang demokrasya sa Pilipinas ng isang araw lamang, at mali rin na isipin na ang mga rekomendasyong ito lamang ang sagot sa malalim na mga problema ng lipunan. Subalit hindi tuluyang lalaya ang kaisipan ng taumbayan kung nakakubli ang agham sa wikang ginagamit lamang ng iilan. Hindi rin sapat ang intelektwal na naratibo upang baguhin ang isip ng bayang tulog sa katotohan. Kailangan ang agham ay tumagos sa puso ng mamamayan gamit ang wikang nagmula sa ating bayan. Marapat lamang na pagtibayin ang tulay ng ideya at mapagpalayang kaalaman na siyang magiging pundasyon ng bayang maunlad at may katuwiran. – Rappler.com

Si Ron Jay Dangcalan ay Ekonomistang Politikal at Katuwang na Propesor sa Departamento ng Serbisyong Panlipunang Pangkaunlaran, Kolehiyo ng Ekolihiyang Pantao, Unibersidad ng Pilipinas Los Baños. Email: rpdangcalan@up.edu.ph

Si Bryan Elijah Trajano ay mag-aaral ng MA Araling Filipino – Wika, Kultura, Midya sa Pamantasang De La Salle Maynila. Email: bryan_trajano@dlsu.edu.ph

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!