Para sa bayan: Dangal at husay

Jose Maria L. Marella

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Para sa bayan: Dangal at husay
'Dangal. Honor. Integrity. Ito ngayon ang hamon sa ating mga bagong graduates ng UP.'

Minsan sa may Kalayaan, ika nga ng Eraserheads, may isa akong kapwa freshie dormer sa first floor na kinailangang bumalik ng probinsiya dahil hindi na kinaya ng kanyang magulang na tustusan ang kanyang pag-aaral. Sa panahon na iyon ay lubha akong nagulat at nakaramdam ng matinding panghihinayang dahil ilan nga lang ba ang mapalad na pumapasa sa UPCAT at heto ang isang freshman student na isasakripisyo ang kanyang mga pangarap sa buhay dahil sa matinding kawalan.

Freshman pa lang ako noon nang ipamulat sa akin ng UP ang masaklap na katotohanan na patuloy pa ring nananaig sa ating bayan – kahirapan, korapsiyon sa pamahalaan, at kawalan ng tunay na pag-unlad. Simula noon, nag-iwan ang pangyayaring ito ng malaking hamon sa aking sarili: ang pagbutihin ang aking pag-aaral at makiambag sa pagsulong ng mga reporma sa bayan upang, balang araw, wala ng UPCAT passer ang kailangang pang bumalik ng probinsiya dahil lamang sa kawalan ng pambayad sa matrikula.

Ang kuwento ng aking kaibigan sa Kalayaan dormitory ay hindi bagong kuwento sa ating pamantasan at lalo na sa ating bayan. Ang magiting na bayaning si Apolinario Mabini, ang tinaguriang  “Utak ng Himagsikan” ay kamuntik na ring hindi makapagtapos ng kanyang pag-aaral. Bagaman at umabot na sa kanyang ika-limang taon sa kanyang kurso, hindi siya pinalad na magtapos dahil hindi kaya ng kanyang pamilya na ipunin ang halagang P29 para sa kanyang final examination fee. Inabot pa ng dalawang taon bago tuluyang nakapagtapos sa kolehiyo si Mabini dahil kinailangan niyang magbanat ng buto upang makaipon. Ang kanyang karanasang ito ang nagtulak kay Mabini upang magpursige hindi lamang para sa kanyang sarili, ngunit lalo na para sa inaasam-asam na tunay na kasarinlan at pag-unlad ng Pilipinas.

Marami din sa atin ang nakaranas sa hirap na pinagdaanan ng aking kaibigan sa Kalayaan dormitory at maging ng mapait na karanasan ni Apolinario Mabini. Naaalala niyo pa ba ang mga panahon na kailangang magtiis muna sa chocnut o mainit na monay dahil hindi pa nagpapadala ng allowance ang ating mga magulang? Naaalala niyo pa ba ang pagtitiis na maglakad sa kainitan ng araw mula AS hanggang Math o mula AS hanggang CHK, tagaktak ang pawis, para hindi na sumakay sa IKOT o TOKI? Ilang fish balls, chicken balls, at squid balls na nga ba ang ginawa nating agahan, tanghalian o kaya ay hapunan? Ilang beses ba tayong pumila sa Vinzons para makapag-apply ng STFAP, scholarship o student loan o kaya ay pumila sa OUR para sa late payment of matriculation? Paulit-ulit din natin itong naranasan, at ika nga nina Ely Buendia, ilang ulit pa ba ang uulitin?

Kung hindi mo naranasan ang mga paghihirap na ito, marahil ay mapalad ka sa iyong katayuan sa buhay. Ngunit hindi ka rin naman nakaligtas sa ilan pang mga pagsubok sa loob ng unibersidad. Ilang gabi rin ang hindi mo itinulog para mag-aral sa midterms at finals at para matapos ang iyong mga requirements. Marami rin sa atin ang naranasang mag-apply sa isang organization at pinagdaanan ang butas ng karayom bago maging ganap na miyembro nito. Marami rin sa atin ang naranasang mabigo sa pag-ibig at ma-“friend-zone.” Hindi ako kabilang dito. 

Ngunit, siguro ay naaalala niyo din ang mga hapon kung kailan pauwi na tayo at naglalakad sa Academic Oval, ramdam ang simoy ng hangin at binabalikan ang lahat ng pinagdaanan natin sa araw na iyon. Ninanamnamn natin ang munting tagumpay na isang araw na naman sa UP ang ating nalusutan; at pinaghahandaan na natin ang mga pagsubok na taglay ng kinabukasan.

Mga kapwa ko magsisipagtapos, tunay na mas matamis ang tagumpay kapag ito’y pinaghihirapan. Maliban sa mga karunungan na napulot natin sa mga libro at lectures ng ating mga propesor, hinubog din ng ating mga mapapait at mahihirap na karanasan sa UP ang ating pagkatao. Sa mga panahong iyon, higit nating nakilala ang ating mga sarili lalo na ang ating mga lakas at mga kahinaan. Sa mga panahon ding iyon, natuklasan natin kung sino ang mga tunay na kaibigan at iyong mga nagpapanggap lamang. Sa mga mabibigat ding oras na iyon ay nasubok ang ating katatagan, pilit tayong hindi sumuko dahil mas ninais nating abutin ang ating mga pangarap! At higit sa lahat, napagtanto natin kung ano ang mahahalaga sa ating buhay. Ngayong araw ng ating pagtatapos, hindi tayo mangangamba na harapin ang susunod na kabanata ng ating buhay dahil pinanday tayo ng ating mga naging karanasan dito sa UP!

Ngunit hindi lamang tungkol sa ating mga sariling tagumpay at sariling paghubog ang kahulugan ng ating pagtatapos ngayon dito sa UP. Alalahanin natin na kaya tayo tinaguriang mga Iskolar ng Bayan ay dahil bawat isa sa atin ay mapalad na tinustusan ng buwis ng bayan, buo man o bahagya. Ang pagiging national university ng UP ay nangangahulugan din na may tungkulin tayong mag-ambag sa ikabubuti ng bayan at ng kanyang mamamayan. Ito ang tradisyon ng UP na hindi natin kailanman maaaring maikala – na tayo ay pinaaral ng sambayanan at walang ibang magandang paraan upang masuklian ito kung hindi ang paglingkuran ng buong puso ang mga mamamayang Pilipino! Ngunit, alalahanin din natin na walang monopolyo ang Iskolar ng Bayan pagdating sa pagsisilbi sa sambayanan. Kasama natin sa layuning ito ang marami pang bilang ng mga magsisipagtapos ngayon sa iba’t-ibang kolehiyo at unibersidad sa buong Pilipinas.

Ito samakatuwid ang natatanging papel ng Unibersidad ng Pilipinas sa ating lipunan. Ito ay ang pagsulong sa kabutihan ng lahat, ng nakararami, at hindi sa pansariling interes o interes ng iilan lamang. Ito nga ang tinatawag nilang tatak-UP: bayan muna bago ang sarili!

Ayon kay Mabini, isa sa mga dahilan kung bakit hindi nagtagumpay ang rebolusyon ng mga Pilipino noong 1896 ay dahil na rin sa kasakiman sa yaman at kapangyarihan ng ilang mga namumunong Ilustrado. Imbes na interes ng inang-bayan ang isulong, ilan raw sa mga naging lider ng rebolusyon ang nagmalabis at nakalimutan ang layuning maabot ang inaasam-asam na tunay na kalayaan para sa Pilipinas.

Kung susuriin, napapanahon pa rin ang mensaheng ito sa atin ni Mabini. Bagaman at nagtagumpay tayo sa EDSA I at EDSA II, at ngayon nga ay patungo na tayo sa matuwid na daan, nananatiling walang tunay na pag-unlad sa Pilipinas dahil malaking bahagi pa rin ng yaman ng bansa ay sadyang kontrolado lamang ng iilan. At sa ating pamahalaan naman, nagagawa pang pag-nakawan ng ilang mga pulitiko ang kaban ng bayan. Dulot ito ng kanilang kawalan ng
pagmamalasakit sa kapakanan at interes ng mga mamamayan. Dahil na rin ito sa kawalan ng katapatan sa kanilang sinumpaang tungkulin na paglingkuran ang sambayanan.

Kanina ay nagbalik-tanaw tayo sa ilan sa ating mga mapapait ngunit makabuluhang naging karanasan bilang mga iskolar ng bayan. Sa mga panahon na nahihirapan tayo, may option tayong sumuko na lamang. Ngunit hindi natin ito pinili marahil dahil nais nating itaguyod ang ating mga pamilya o kaya’y maging mabuting halimbawa sa ating mga kapatid. May mga panahon din na naging lumpo na tayo dahil sa ating matinding pagkadismaya sa ginagalawan nating sistema, ngunit patuloy tayong lumaban para sa mas magandang hinaharap ng mga taong binibigyan natin ng halaga. Sa madaling salita, kinalimutan natin ang ating mga pansariling interes para sa kapakanan ng mga minamahal natin sa buhay. At ang karanasang ito ang siya rin sanang gumabay sa ating pagtupad ng ating tungkulin na paglingkuran ang sambayanan: ang isaalang-alang ang interes ng lahat at hindi lamang ng ating mga sarili. At humugot din tayo ng inspirasyon sa ipinakitang katatagan ni Apolinario Mabini – ang tinagurian ding “Dakilang Lumpo.” Bagaman at lumpo dahil sa kanyang polio ay tiniis ni Mabini ang sakit at hirap na dulot ng kanyang karamdaman dahil sa matinding pagmamahal niya kay inang-bayan.

Ngunit higit pa sa naisin nating magsilbi, naniniwala akong may dalawang mahahalagang aral na kailangang tumatak din sa bawat isipan ng isang UP graduate. Ito rin ang piniling mga aral ng UP College of Law, ang aking future college, partikular ang kanilang Bar Operations Commission, para sa malaking tagumpay na kanilang nakamit sa 2013 Bar Examinations. Ito din ang mga salitang matatagpuan sa cover leaf ng ating mga Blue Book. Honor and Excellence. Dangal at Husay. May magandang dahilan kung bakit nauna ang salitang dangal bago ang husay. Samakatuwid, una at higit sa lahat ay dangal. Ito sa kasamaang palad ang matagal nang nawala sa maraming bilang ng ating mga lider sa pamahalaan. Kailangan nating isulong ang accountability at transparency sa lahat ng hanay ng naninilbihan sa pamahalaan. 

Dangal. Honor. Integrity. Ito ngayon ang hamon sa ating mga bagong graduates ng UP. Ipalaganap natin ang pagsisilbi ng may karangalan sa bayan. Huwag nating kalimutan ang mahahalagang aral na natutunan natin sa loob at labas ng classrooms sa UP. At higit sa lahat, isaalang-alang natin sa bawat gawain natin ang kabutihan ng lahat, ang kabutihan ng bawat Pilipino at hindi ang pansariling interes lamang. Saan man tayo mapapunta, balik-tanawin natin ang mga aral na ito, tungo sa tapat at mahusay na pamamahala!

Maraming salamat.

Mabuhay ang Unibersidad ng Pilipinas! 

Mabuhay tayong lahat! – Rappler.com 

Jose Marella graduated summa cum laude from the University of the Philippines – Diliman. He delivered this speech during the uinversity graduation held Sunday, April 27. Like Mabini, whom the speech is devoted to, Marella also hails from Batangas, in the town of Calaca.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!