Paano nilabag ni Sueselbeck ang camp regulations at batas?

Lt Col Harold Cabunoc

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Paano nilabag ni Sueselbeck ang camp regulations at batas?
Ayon sa patakaran ng kahit anong kampo-militar, kailangang may security clearance ang foreigners na gustong pumasok. Nagpilit si Sueselbeck kaya siya hinainan ng reklamo.

Marami ang nagtatanong kung paano nilabag ng Aleman na si Marc Sueselbeck ang batas ng Filipinas at mga regulasyon ng Armed Forces of the Philippines sa pagbisita sa aming kampo. 

Hindi kasi naikuwentong mabuti kung ano ang tunay na pangyayari. Pagkatapos ng aking pag-iimbestiga, naipagtagpi-tagpi ko ang mga naganap.

Bago ko simulang ikuwento ang mala-telenobelang pangyayari noong ika-22 ng Oktubre, ilalahad ko muna ang ilan sa basic regulations sa pagpasok sa kahit saang kampo ng militar. 

Kahit sinong Filipino naman ay puwedeng bumisita rito. Kailangan mo lang ipaliwanag ang iyong pakay at magpakita ka ng pruweba ng iyong katauhan. Mas maiging meron kang kakilalang sundalo. 

Camp regulations

Ang pinakamahalaga sa camp regulations na dapat intindihin ng bawat bisita ay iyong patungkol sa security protocols. Ito ay ang mga bagay o lugar o aksyon na ipinagbabawal sa mga bisita. 

Narito ang mga halimbawa ng camp regulations:

1. Security protocols. Bawal pumasok sa mga lugar na “off-limits” o “restricted” areas. Ang mga halimbawa nito ay ang barracks, supply room, ammo depot, military stockade, at mga opisinang gumagawa ng mga sensitibong trabaho na may implikasyon sa national security. Ooops, interesado ka ba rito? Siguro kung espiya ka o talagang laking tsismoso!

2. Observe speed limit. Kung kaskasero o race car driver ka, sorry ka na lang, di mo ito puwedeng gawin sa kampo. Tandaan mo, 40kph lang ang maximum speed dito. Kung magdi-jogging ka lang naman, puwede naman siguro kahit 100kph pa ang gagawin mo basta’t wala kang maaagrabyado!

3. No smoking areas. Health conscious din kami sa kampo. Merong mga lugar kung saan bawal manigarilyo. Kagaya ko na hindi nagsusunog ng baga, bawal ang paninigarilyo sa aking opisina. Humanap kayo ng lugar na kayo lang ang makakalanghap ng usok nyo. Sa inyo na lang iyan, di ba?

4. No parking areas. Siyempre, i-park mo dapat ang sasakyan mo sa designated parking areas. Basa-basa rin ng parking signs kung may time. Kung gusto mong ma-tow ng Military Police (MP) o malagyan ng kadena ang sasakyan mo, i-try mong i-park sa kanto-kanto ang iyong sasakyan. 

Car pass

Dito sa Camp Aguinaldo, nagbibigay ng decal/sticker ang Camp Commander sa mga indibidwal kagaya ng mga sundalo at mga kaanak o piling kakilala nila. Kapag merong sticker, nakakapasok sa loob ng kampo basta sumunod sa regulasyong kagaya nito:

  • Roll down windows
  • Patayin ang head lights
  • Pailawin ang cabin light kung gabi
  • Ipasilip sa guwardiya ang loob ng sasakyan 

(Mas maganda kung mag-smile ka rin at gumalang sa gwardya!)

Kung wala kang sticker, kailangang dumaan sa Gate 6 malapit sa 20th Avenue at doon humingi ng car pass sa MP. Para makakuha ng car pass, kailangang I-justify ang pagbisita at mas maiging merong prior coordination sa bibisitahing opisina o tao para siya na mismo sasalubong sa iyo. Kailangan mong iwan ang iyong driver’s license sa guwardiya.

Foreign nationals

Kung ikaw naman ay foreign national, I am sorry po, pero hindi ka kaagad makakapasok sa kampo. 

Una, kailangan mo ng security clearance. Mabigat ang requirement sa security clearance. Iko-coordinate pa ito sa embassy mo. Bakeeet? Siyempre, di namin kayo kakilala! Malay mo nga naman kung ikaw ay terorista o kaya’y involved sa transnational crimes kagaya ng drug trafficking o human trafficking? Baka miyembro ka pala ng teroristang ISIS?  

Sa madaling salita, hindi ka makakapasok agad sa kampo kung ikaw ay foreigner. Baka aabutin ng 1 week or 2 ang prosesong iyan. Sorry ha? Regulasyon eh.  

Art of deception

Marami ang nagtatanong kung paano nakapasok si Sueselbeck, Laude family, at Attorney Harry Roque sa aming kampo noong hapon ng Oktubre 22. 

Actually, pinagbawalan na silang pumasok sa Gate 3 sa may EDSA dahil nakita ng guwardiya ang Caucasian na si Sueselbeck. Siyempre, alam ng guwardiya na hindi ito puwedeng papasukin kung walang security clearance.

Jennifer Laude's German fiance Marc Sueselbeck pushes Technical Sergeant Mariano Pamittan

Ang ginawa nila, lumipat sila sa Gate 6 at gumamit ng bagong taktika sa pagpasok. Itinago nila si Sueselbeck sa likuran ng sasakyan. Nilinlang nila ang guard na ang pupuntahan ay ang Public Affairs Office na aking opisina. Dahil pampubliko ang aking opisina, very convenient itong gagamitin na alibi sa pagbisita. Hindi na sila makakaulit.

Dahil nabigyan sila ng car pass, nakapasok sila sa kampo at nakakita ng pagkakataon na isakatuparan ang maitim na balak. As expected, hindi sila pumunta sa Public Affairs Office. Sa halip ay dumerecho sa MDB-SEB Facility kung saan nakatira si Pfc Joseph Scott Pemberton, ang pangunahing suspek sa pagpatay kay Jeffrey Laude a.k.a. Jennifer. 

Actually, batid namin na pupunta ang grupo nila Sueselbeck. Nagsabi ang isa kong kaibigan sa media na nagtitext ang grupo nina Laude na nag-iimbita sa kanilang planong “pagkalampag” sa “kulungan” ni Pemberton.

Ang problema, hindi kakilala ng guards ang pamilya at kung anong sasakyan. Dahil sa kakulangan sa oras, hindi na nakapagkalap ng dagdag na impormasyong kagaya ng pictures para sila ay maharang sa gate kapag namukhaan. Sa paniniwala ng aming legal advisers, ito ay paglabag sa Presidential Decree 1227 na nagbabawal sa pagpasok sa military base nang walang permiso. Alam din namin na maraming palusot dito.

Dahil nakapasok na sila at nandoon ang maraming TV at radio reporters, isinakatuparan nila ang puwersahang pagpasok sa unang gate ng compound. Palagay ko mga 3 pm na iyon (di ko sure ang exact time). 

Di kalaunan, inakyat ni Marilou Laude at Marc Sueselbeck ang perimeter fence. Itinulak ni Sueselbeck nang malakas ang guwardiya na kumausap sa kanya. Tila nadibdiban ng higanteng Aleman ang aming sundalo. Ito ay direct assault on a person on authority. Mas pinili nito ang maging mahinahon at mapagkumbaba. Alam niya na nakatutok ang lahat ng camera. Ginamit niya ang kanyang isip.

Nasa loob na sila Sueselbeck nang makarating ako sa lugar pagkatapos na makatanggap ng tawag tungkol sa intrusion nila doon. 

Kinausap ko si Marilou at pinaalalahanan na violation ang ginawa nila: “Kung bahay mo pinasok ng tao sa pamamagitan ng pag-akyat ng wall, matutuwa ka ba?” 

Ipinaliwanag ko sa kanila na wala sa aming level of influence ang pagbukas sa MDB-SEB Facility para ipakita sa kanila si Pemberton. Hello! How I wish lang. Actually, gusto rin naming makamit ng mga Laude ang hustisya eh. Siyempre, nakakagalit ang namamatayan. Filipino rin naman kami at nakakaramdam ng lungkot ng namamatayang kababayan.

Ang problema, di ba’t US government ang may custody ayon sa VFA? Dagdag pa riyan, suspek din iyon at meron din siyang karapatan. In short, “rule of law” lang dapat obserbahan. Alam ito ng mga abogado! Rule of law….Rule of law!

Pagkatapos kong magsalita, tila nahimasmasan si Marilou nang kaunti ngunit determinado siya sa on-camera na aksyon. Ayaw nilang kusang lumabas. 

“Kung ayaw ‘nyong lumabas d’yan, kayo ay ipapaaresto at ilagay sa kulungan ng sundalo!”

Sinigawan ako ni Attorney Roque: “Ahhh, ikaw ba ang Spokesperson ng US Armed Forces?” Marami siyang sinabing masasakit na pananalita. Di ko na pinatulan.

Pati mga kapatid sa media ay naiinis sa nangyari, lalo na sa pambabastos sa aming sundalo na si Tsg Pamittan. Kinausap ko sila na dahan-dahang lisanin ang lugar. Sumama sa akin sina Kuya Bing Formento at ilang taga-Defense Press Corps. 

Nang dumating si BGen Arthur Ang, kinausap niya ang grupo. Nasigawan at napahiya din si General Ang, ngunit siya rin ay nagpakumbaba at kinausap sila nang mahinahon. Mga alas-singko na noon nang pumayag ang grupo na sumama sila sa opisina ni BGeneral Ang. 

Ang mga pangyayaring ito ang dahilan kung bakit ipinag-uutos ni AFP Chief General Gregorio Pio Catapang Jr ang paghahain ng reklamo laban kay Sueselbeck sa Bureau of Immigration at maging sa German embassy. 

Naniniwala kasi ang AFP na dapat sumunod ang foreign nationals sa lahat ng batas at regulasyon ng bansang kanilang binibisita. Ang mga violations ni Sueselbeck ay posibleng basehan para siya ay madeklarang “undesirable alien” at hindi na makakabalik sa Filipinas. – Rappler.com

(Cabunoc is the spokesperson of the Armed Forces of the Philippines. This was first published in his blog. We are reprinting it with his permission.)

 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!