FULL TEXT: Mamasapano valedictorian’s speech at #HearMindanao

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

FULL TEXT: Mamasapano valedictorian’s speech at #HearMindanao
Norombai Utto, the young girl who has inspired many after the Mamasapano tragedy, says: 'Pangarap ko pong muling masilayan ang mga batang masayang naglalaro nang walang pangamba sa aming komunidad.

Editor’s note: Norombai Utto graduated from Hadji Salik National High School in Barangay Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao, as class valedictorian. On Tuesday, July 14, she gave the keynote address at Rappler and InciteGov’s #HearMindanao peace forum in Makati City.

The following is the full text of her speech: 


Magandang hapon po sa inyong lahat.

Wassalam mu allaikum warahmatullahi taalah wabaraka tuhu.

Marami po akong pangarap.

Nais ko pong maging guro. Nais ko pong maging isang magaling na guro. Hangad ko pong turuan at gabayan ang mga kabataan upang maabot nila ang kanilang mga pangarap. 

Nais ko pong makasama ulit ang aking ina na ngayon ay nagtatrabaho sa ibang bansa. Nais ko pong makasama ulit ang aking pamilya sa iisang tahanan.

Pangarap ko pong muling masilayan ang mga batang masayang naglalaro nang walang pangamba sa aming komunidad. 

Ngunit sa amin sa Mindanao, matagal na po kaming namumuhay nang walang kasiguraduhan. Maya’t maya po ay nababalot ng panganib, kaguluhan, at nagkakawatak-watak ang aming mga pamilya dulot ng paulit-ulit na paglikas tuwing may kaguluhan.

Naaalala ko po, maliit pa ako noon, karga-karga ako ni Mama habang tumatakbo kami papalayo sa aming tirahan. Halos maiwan ang tsinelas niya sa pagtakbo para lamang makapunta sa pinakaligtas na lugar. Hindi ko po alam kung magkikita pa po kami nina Papa o kung mabubuo pa ang aming pamilya. Hindi ko nauunawaan noon ang mga pangyayari. Naalala ko lang ang takot – takot na takot po kami. Hanggang sa magka-isip na ako, ako na mismo ang umaakay sa mga nakababata kong kapatid sa paglikas. Doon ko higit na naramdaman ang pangamba at ang lungkot. Doon ko lang naunawaan ang mga paghihirap na nadarama ng aming pamayanan.

Isang umaga, nitong nakaraang Enero, habang naghahanda kami ng almusal bago pumasok sa Sunday School, bigla na lang kaming nakarinig ng malalakas na putukan. Walang atubuli kaming nagtatakbo palabas ng bahay, kasama ang mga kapatid kong 16 at 14 na taong gulang. Nasaksihan ko ang gulo paglabas ng bahay – ang mga kapitbahay na nag-uunahan sa pagtakbo, mga musmos na nag-iiyakan dahil nawalay sa kanilang magulang, mga gamit na nagkalat sa daan. Tumatakbo kami nang hindi namin alam kung saan ang aming patutunguhan. Tumatakbo kami kasi gusto pa naming mabuhay. Nilingon ko ang aking kapatid at pinsan. Napakabata pa nila. Marami pa silang pangarap. 

Namulat at lumaki na po ako sa ganitong kalagayan. Ganito pa rin ba ang magiging buhay namin hanggang sa pagtanda? Ganito na lang ba palagi?

Hindi na bago sa pandinig natin ang giyera sa Mindanao, subalit marahil po ay marami sa inyo ang hindi nakakaunawa sa tunay na epekto ng kaguluhang ito sa aming mga buhay. Ang mga mamamayan ay hindi natatahimik. Ang ang aming kabuhayan ay nasasalanta. Maraming po sa amin ang hindi nakakapagtapos ng pag-aaral sanhi ng kahirapan na pinalala ng kaguluhan.

Papaano po ba naman kami uunlad kung panay paglikas ang nangyayari at naiiwan ng aming mga magulang ang kabuhayan? Maraming mga kabataan ang napipilitang lisanin ang paaralan upang maging katuwang ng aming pamilya sa paghahanapbuhay. Iisipin pa po ba namin ang pag-aaral kung walang kasiguraduhan ang aming kaligtasan, o kung may naghihintay pa bang pag-asa, kinabukasan?

Marami po sa aming kabataan ang nasasadlak sa kahirapan. Imbes na nasa eskuwelahan at nag-aaral, marami po sa amin ang nagsasaka sa bukid, maraming nag hahabal-habal at namamasada ng tricycle, mga tindero at tindera, may mga namamasukan bilang kasambahay, at naaakit mangibang-bayan at bansa. Sila po ay napipilitang mag-trabaho sa murang edad dahil sa kahirapan dala ng mga nagdaang putukan.

Lahat kami ay nagnanais na tapusin ang pag-aaral kung may pagkakataon at kalayaang mabuhay nang tahimik kasama ang aming mga mahal sa buhay. Mahirap man po ang karamihan sa amin, alam po naming uunlad din ang aming kabuhayan kapag walang kaguluhan. Kapag maganda ang buhay, masagana ang sakahan, tataas ang kakayahan ng aming mga magulang na masustentuhan ang aming pag-aaral.

Hindi man ganap na matutuldukan ang problema ng kaguluhan sa Mindanao, naniniwala akong ang BBL (Bangsamoro Basic Law) ang pinakamagandang oportunidad upang mabigyang daan ang mapayapang paraan ng pagbabago. Ito po ang nakikita kong solusyon para sa pag-unlad ng aking mga kababayan.

Sawa na po kami sa ingay ng labanan. Hirap na kaming tumakbo. Pagod na pong umiyak ang aming mga ina. Ang giyera sa Mindanao, kailanman ay hindi ko gugustuhing maranasan ito ng kapwa ko Pilipino, lalo na ng kapwa ko kabataan.

Naniniwala akong ang ating mga lider, at ang mga naghahangad ng katahimikan at kaginhawaan ng buhay, ay walang ibang ninanais kundi makita ang kabataan at susunod na salinlahi na mabuhay nang payapa, makapag-aral nang maayos, at mapaunlad ang ating bayan.

Para sa ating mga mambabatas, mga opisyal ng pamahalaan, at sa aking mga kapwa Pilipino, muli po, ito ang aking pakiusap: itigil na po natin ang giyera. Bigyan ‘nyo po kami ng pagkakataong makapasok sa aming eskuwela, makapiling ang aming pamilya, at mabuhay nang mapayapa. Bigyan ninyo po kami ng pagkakataon na maiangat ang aming komunidad mula sa kahirapan upang makapag-ambag sa pag-unlad ng bayan.   

Bilang isang kabataan, naniniwala akong dapat mabigyan ng pagkakataon ang BBL at ang prosesong pangkapayapaan.

Sa pagtataguyod ng pagbabago sa Bangsamoro, kailangan ang suporta ng iba’t ibang sektor ng lipunan. Sino ba ang hindi naghahangad ng katahimikan? Sino ba ang ayaw mabuhay nang maunlad at payapa? Hindi ba kaming mga kabataan at ang susunod na henerasyon? Karapatan namin at karapatan nating lahat na mabuhay nang matiwasay. Ito po ang inaasam naming mga kabataan sa Mindanao.  

Tulungan ninyo kaming matamasa ang kaunlaran.

Ipamana na po ninyo sa amin ang pangmatagalang kapayapaan.

Wassalam mu allaikum warahmatullahi taalah wabaraka tuhu.

Shukran, Maraming salamat po. Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!