Mula sa pananaw ng isang Iglesia ni Cristo

Billy Alejandro
'Kapatid na Eduardo: Maaari po ba na sa halip na marami pa ang matiwalag at maalis sa Iglesia ay ang katiwalian ang mawala, na alam po naming hindi kayo ang gumagawa kundi ang ilang nakapaligid sa inyo?'

  

Editor’s Note: We are publishing this letter from an Iglesia member who has requested that his/her real name be withheld, given the sensitivities involved in the recent Iglesia controversies. We have however verified the source of this letter to be authentic.

 

Tulad ng maraming kaanib ngayon sa Iglesia ni Cristo, ako ay ipinanganak at inihandog sa Iglesia. Ang aking mga magulang ay kapwa namatay na masisiglang maytungkulin sa Iglesia. Kaming magkakapatid ay pinalaki nilang masisigla ring maytungkulin sa Iglesia at laging pinaaalalahanan ng tungkol sa pagiging totoo ng Iglesia at ng mga aral na itinataguyod nito.

Ako ngayon ay may asawa na at mga binata at dalaga na rin ang aking mga anak. Lahat kami ay maibibilang sa masisiglang kaanib sa Iglesia – masisigla sa sentidong wala kaming palya sa pagsamba, nagtatalaga sa pag-aabuloy, tumutulong sa iba’t ibang gawain ng Iglesia tulad ng pagmimisyon at nagsisikap na mabuhay sa kabanalan.

Nagpapasakop din kami sa Pamamahala ng Iglesia at mahal na mahal namin ang aming Tagapamahalang Pangkalahatan at sumusunod din sa mga katulong niyang namamahala sa Iglesia. Noon pa man ay yari na ang aming pasya – anuman ang mangyari, dumaan man ang matitinding pagsubok sa aming buhay at pananampalataya, ay dito na kami sa loob ng Iglesia aabutan ng kamatayan o ng Araw ng Paghuhukom sapagka’t narito ang kaligtasan.

Malimit din naming marinig sa mga pagsamba na kapag malapit na ang araw ng paghuhukom ay darating ang matitinding pagsubok sa Iglesia kaya inihanda namin ang aming mga sarili, subali’t hindi namin inakala na ganito pala kalaki ang pagsubok na darating.

Kung hirap lang sana ng buhay, o kalamidad, o panganib ay natitiyak naming hindi kami maaapektuhan. Nakapagpapalakas ng aming loob na may Pamamahala at mga ministrong katuwang nilang magmamalasakit sa amin upang makalampas sa mga pagsubok. Subali’t ano ang gagawin namin kung ang aming nababalitaan ay may mga ministro raw na sa halip na magpalakas sa aming pananampalataya at mag-akay sa kabanalan ay siyang kinasusumpungan ng mga katiwalian?

Ang totoo, ayaw namin itong paniwalaan. Nasasabi namin sa aming sarili na hindi ito maaaring mangyari sa tunay na Iglesia na may dalisay na aral. Hindi papayag ang Diyos, na Siyang may-ari sa Iglesia, na malapastangan at masira ito. Pero paano namin kukumbinsihin ang aming sarili na walang katiwalian kung may pagkakataon na kami mismo ang nakasasaksi at naaapektuhan?

Halimbawa, ako na katiwala ng isang purok sa aming lokal ay ilang ulit nang nag-abono para sa concert tickets, mga ibinebentang produkto ng Unlad, at maging ng mga ipinamamahagi para sa Lingap sa mamamayan. Salamat na lamang sa Diyos sapagka’t kahit papaano ay kumikita ako ng sapat sa aking maliit na negosyo. Pero awang-awa ako sa mga kasamahan kong maytungkulin na halos agawin sa bibig ng kanilang mga anak ang ipinang-aabono nila.

Sa kabila nito, tulad ng maraming mga kapatid, ay nagsasawalang-kibo na lang kaming pamilya sapagka’t ayaw naming sumuway sa pasya raw ng Pamamahala. Sa pagsunod at pagpapasakop kami nasanay.

Sa ngayon, masasabi kong sa kabila ng mga malulubhang nagaganap ay namamalagi kaming matatag na mga kaanib sa Iglesia ni Cristo. Alam naming ang kasalanan ng ilang tao (mga ministro at Sanggunian daw) ay hindi kasalanan ng buong Iglesia.

Balibaligtarin man ang daigdig ay hindi na mababago ang nakasulat sa Bibliya na ang tunay na Iglesia na may tunay na aral ay ang Iglesia ni Cristong aming kinaaaniban. Subali’t hindi ito nangangahulugang hindi kami lumuluha at nagdaramdam sapagka’t sa halip na malutas ang problema ay lalo pa itong lumalaki.

Marahil, dahil sa ako ay isang maytungkuling nangangalaga at nagmamahal sa mga kapatid ay naiisip ko hindi lamang ang aming sarili kundi ang milyon-milyong mga kaanib sa Iglesia. Marami sa kanila ang mga bago pa at tiyak na marami rin ang mahihina sa pananampalataya na hindi maaaring hindi maapektuhan ng kasalukuyang mga problema.

Naitatanong ko sa aking sarili, ano ang maitutulong ko para malunasan ang lumulubhang problema? Ang alam ko kasi, kapag may mabibigat kaming problema ay inilalapit namin ito sa aming ministrong destinado at sa tagapangasiwa ng aming distrito.

Kaya dumudulog po ako sa lahat ng mga ministro namin. Maawa po kayo sa amin na inyong nasasakupan. Ayaw po naming panghinaan kami ng loob at pananampalataya. Gustong-gusto po naming maligtas. Ayaw naming mawalan ng kabuluhan ang lahat ng aming pinagpagalan at mga sakripisyo. Ayaw rin po naming masira ang Iglesia na pinaghandugan ng kapatid na Felix Y Manalo ng kanyang buhay higit sa lahat ng ating Panginoong Hesukristo.

Bakit po hindi ninyo pag-isipan at pag-usapang mabuti ang ikapapayapa ng Iglesia, ang ikababalik nito sa banal at maayos na kalagayan? Ang alam ko po kasi, hindi malulutas ang anumang problema hangga’t hindi natatanggap na mayroon ngang problema. Naniniwala rin po ako na ang isang taong walang ginagawa upang makatulong sa paglutas sa problema ay nakadaragdag sa bigat ng problema.

Pilit kong pinalalakas ang aking loob at iniisip na hindi matitiis ng mga ministro, maging ng mga gumagawa ng katiwalian, na di malutas ang mga problemang ito sapagka’t sa kaibuturan ng kanilang mga puso ay mahal pa rin nila ang Iglesia at maiisip nila sa bandang huli na sila ay mga inihalal ng Diyos upang mangalaga sa amin.

Kapatid na Eduardo, sumasampalataya po ako na mahal ninyo ang Iglesia at ito ay nadama ko nang minsan ay magkapalad kami na dinalaw ninyo ang aming lokal. Mahal na mahal din po namin kayo. Maaari po ba na sa halip na marami pa ang matiwalag at maalis sa Iglesia ay ang katiwalian ang mawala, na alam po naming hindi kayo ang gumagawa kundi ang ilang nakapaligid sa inyo?

Sana po ay magkasundo-sundo na ang lahat upang pumayapa ang Iglesia. Kayo lang po ang aming malalapitan dahil baka kapag iba ay mapaghinalaan pa, kaming lumalaban ay matiwalag. Takot na po ang naghahari sa kalooban namin. Huwag po kayong papayag na ang aming pagsunod ay hindi na dahil sa pag-ibig at pananampalataya. Paniwalaan po sana ninyo kami alang-alang sa Iglesia. 

Sa mga kapatid na katulad ko ay nagugulumihanan at halos magdugo ang puso dahil sa mga nangyayari ngayon ay mamalagi po tayong lahat na matatag sa pananampalataya. Sumampalataya po tayo na kikilusin at iuudyok ng Diyos sa ating Tagapamahala ang lunas sa mga problemang ito.

Ang mga nagaganap po ngayon ang magsisilbing pagsubok kung gaano tayo katatag sa pagka-Iglesia ni Cristo at kung makapananatili tayo dito hanggang wakas. Idalangin po natin sa Ama na huwag Niyang pabayaan ang Iglesia at ihayag Niya ang totoo.

Pahabol: Hindi ko na po inilakip ang aking pangalan. Bagama’t ako po ay nakatapos ng aking pag-aaral ay hindi po ako isang manunulat. Kung naisulat ko man po ito ay sapagka’t iyon ang isinisigaw ng aking puso na dalangin ko ay marinig ng mga kinauukulan. Akin pong natitiyak, na ang inihayag ko sa sulat na ito ay siya ring damdamin ng aking mga kapatid sa pananampalataya. Dalangin ko na lang po na huwag pabayaan ng Diyos ang Kanyang bayan. – Rappler.com