Ang una kong balikbayan box

Mario Florendo

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

'Kasama sa daan-daang balikbayan box na 'pinapadala araw-araw ay ang nakakahon na ring pagtingin sa lahat ng mga Pinoy na nag-a-abroad – asensado, sosyal, at ma-pera'

Naalala ko pa noong bata pa ako, bumulaga sa akin ang isang malaking kahon pagkagising ko isang umaga. Hindi ko alam kung ano iyon, at lalong hindi ko alam kung para kanino at kanino iyon galing.

Pagkatapos ng agahan, nagtipon-tipon ang lahat sa harap ng kahon at dahan-dahan itong binuksan. Kumawala ang halimuyak na hindi ko pa naaamoy sa mga luto ni tatay, sa baby cologne na pabango ng pinsan ko, at sa sigarilyong alhambra ni lola.

Ilang minuto pa, nagsimula nang magluwal ang misteryosong kahon ng sari-saring nakamamanghang mga gamit – laruang aso na tumatambling, umiilaw na sapatos, at de-bateryang remote control na sasakyan.

Iyon ang una kong pagkakakilala sa kahon na ang tawag pala ay “balikbayan box.” Malalaman ko rin pagkatapos na galing pala ito sa Mama ko na nagtatrabaho sa Hong Kong. Marami pang kahon ang matatanggap namin pagkatapos noon, pero hindi kami magsasawang amuyin ang kakaiba nitong simoy, halukayin ang sari-sari nitong laman, at abangan ang susunod nitong pagdating.

OFW o estudyante?

Ngayong buwan, ako naman ang magpupuno ng kahon ng kung ano-ano, dahil pagkatapos ng isang taon, ako ay magbabalik-bayan. Pagkatapos ng halos isang taong pakikipagbuno sa mabilis at, minsan, nakakasawang buhay sa Tokyo, uuwi ako sa tahimik at maliit na siyudad namin sa Pangasinan.

Bitbit ko ang pakepaketeng mga tsokolate na hindi nila alam ay binili ko lamang nang mura sa Costco. May baon din akong mga lumang damit na nakuha ko nang sale sa Book-off. Isasama ko na rin ang mga natanggap kong libreng mga gamit noong nagkaroon ng free bazaar sa dorm. Hindi man mga bago o mamahaling mga produkto, alam ko na pag-aagawan at mapapakinabangan pa rin ito sa amin. Iba raw kasi ‘pag galing sa Japan, iba ‘pag galing abroad.

Gusto ko pa sanang mag-uwi nang marami. Pero ayon na rin sa bilin ng Mama ko sa Hong Kong, hindi ko kailangang gawin iyon. Hindi naman daw ako pumunta ng Japan para magtrabaho kundi para mag-aral. Gayumpaman, hindi naman iyon ang iisipin ng mga nasa amin. Ang alam nila ay andito ako sa ibang bansa, at lahat ng magbabalik-bayan – OFW, estudyante, at kahit nga ang nag-tour lang – ay inaasahang mag-uuwi ng pasalubong.

Kaya, kahit estudyante ako rito, kahit papaano, gusto kong makapagbigay ng kaunti. Ganito rin marahil ang kaisipan ng ilang kakilala kong estudyante na kahit mahirap ay pinagsasabay ang pag-aaral at pagtatrabaho. Dahil pag-uwi namin, hindi naman kami titingnan bilang mga estudyanteng nagbabalik-bayan, kundi mga Pilipinong nagbabalik-bayan.

Balikbayani

Nakakalungkot, pero minsan, ito rin ang hindi maiintindihan ng mga nasa atin. Karamihan ng mga nakakausap kong Pinoy na kakauwi lang noong nakaraang Pasko ay bumalik ng Japan na bankrupt. Kung hindi naubos sa mga pasalubong na binili at nilagay sa balikbayan box ay sa mga libre at pakain naman napagastos.

Marahil, kasama sa daan-daang balikbayan box na ‘pinapadala araw-araw ay ang tila nakakahon na ring pagtingin sa lahat ng mga Pinoy na nag-a-abroad – asensado, sosyal, at ma-pera.

Kasabay ng update ng mga litrato sa Facebook ng mga masasayang pagtitipon at magagandang lugar na pinupuntahan ay ang mga overtime sa trabaho na hindi na kailangang ipangalandakan o ang mga utang na kailangan pang bayaran.

Ngayon, mas naiintindihan ko na kung bakit ganun na lang ang pagtatanong ng Mama ko dati kung natanggap na namin ang ‘pinadala niyang balikbayan box. Hindi lang kasi mga gamit na padala ni Mama ang binubuksan namin. Kasabay naming ‘nilalabas ang mga gamit na katumbas ng pagod at hirap na pinag-inunan niya sa loob ng isa o dalawang buwang sahod.

‘Only in the Philippines’

Gayumpaman, nakakamanghang isipin na sa lahat ng bansa, katangi-tangi ang Pilipinas sa pagkakaroon ng tinatawag na kultura ng pagpapadala ng balikbayan box – mula sa panahon na lumago ang bilang ng mga OFWs noong panahon ni Marcos, hanggang sa tanggalin ang tax sa lahat ng mga pumapasok na personal goods, na halos nilalaman naman ng balikbayan box, sa bansa.

Kahit pa sa panahon ngayon ng Internet at pinabilis na paraan ng komunikasyon gamit ang smart phones, hindi pa rin nawawalan ng silbi ang balikbayan boxes. Makakausap mo man nang walang sawa ang mahal mo sa buhay sa Skype o gamit ang sandamakmak na call cards, iba pa rin ang pakiramdam ng makapagpadala (para sa OFWs) at makatanggap (para sa mga kapamilya sa Pilipinas) ng kuwadradong kahong iyon.

Ito ang unang balikbayan box na ipapadala ko. Pero hindi ito ang magiging huli. Dahil hanggang maraming mga gamit na ‘tinatapon at ‘pinapanghingi, mga Pasko at bakasyong uuwian, at nasasabik na mga kapamilya, mayroong punung-puno mga balikbayan box na ipapadala at bubuksan. – Rappler.com 

Mario Rico M. Florendo has been studying in Japan for almost 3 years under the Monbukagakusho Scholarship or the Japanese Government Scholarship. He graduated from the University of the Philippines with a degree in BA Philippine Studies. He is currently a graduating master’s student at the University of Tokyo. You can read more of his experiences as a foreign student at www.mariomflorendo.blogspot.jp

 

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!