Filipino: ‘Pambansang wika, pero hindi wikang opisyal’

Jee Y. Geronimo
Pangunahing balakid upang maging wikang opisyal ang Filipino ang kahirapang isalin ang mga opisyal na terminolohiya na kadalasang ginagamit sa pamamalakad, pangangasiwa, at sa usaping batas

PANGASINAN, Pilipinas – Halos 3 dekada na ang nakalilipas nang iniutos ng dating pangulong Corazon Aquino na gamitin ng mga kagawaran at ahensya ng pamahalaan ang wikang Filipino sa lahat ng uri ng komunikasyon.

Iniutos din ng Atas Tagapagpaganap Blg 217 na isalin sa Filipino ang mga pangalan ng mga opisina, maging ang panunumpa sa katungkulan ng mga opisyal sa gobyerno.

Nguni’t sa kasalukuyan, inamin ni Celso Santiago Jr, assistant secretary ng Presidential Communications Operations Office, na hindi pa rin wikang opisyal ang Filipino, bagama’t tanggap na ito ng nakararami bilang pambansang wika.

“Hangga’t hindi nauunawaan ng karaniwang masa ang wika ng batas polisiya, pangagasiwa, at pamamahala, hindi natin naibibigay sa kanila ang kapangyarihang maging mga aktibong mamamayang may pakikisangkot sa pamamahala at pagpapatakbo ng bansa,” sabi ni Santiago sa mga kalahok sa Pambansang Kongreso sa Pagpaplanong Wika.

Ginanap ang kongreso noong Agosto 5-7 sa Lingayen, Pangasinan.

Masasabing opisyal ang wika kung ito ang gamit sa mga opisyal na talastasan sa pamahalaan, paliwanag ni Santiago. Aniya, sinimulan na rin kahit papaano ng kasalukuyang pamahalaan na dalasan ang paggamit ng Filipino bilang wikang opisyal:

  1. Ang paggamit ni Pangulong Benigno Aquino III ng Filipino sa karamihan ng kanyang mga talumpati na tinatalakay ang mga isyu ng lipunan. 
  2. Ang pagtatangkang gamitin ang wikang Filipino noong impeachment ng dating Punong Mahistrado Renato Corona, “bagama’t naging katawa-tawa ang ilang bahagi ng pagtatangkang ito.”
  3. Ang paggamit ng Filipino ni Communications Secretary Sonny Coloma, na siyang unang tagapag-salitang gumagamit ng Filipino sa talumpati, briefing, at pagsagot sa katanungan ng media.

“Sinikap naming gamitin ang wikang Filipino upang makaabot ang mga programa ng pamahalaan sa mas nakararami,” wika ni Santiago. 

Papel ng edukasyon

Sa kabila ng mga pagtatangkang ito, marami pa ring balakid sa pagiging opisyal na wika ang Filipino. Una rito, ayon kay Santiago, ang kahirapang isalin ang mga opisyal na terminolohiya na kadalasang ginagamit sa pamamalakad, pangangasiwa, at sa usaping batas.

“Kapansin-pansin na wikang Ingles pa rin ang siyang pangunahing wikang ginagamit ng lehislatura at hudikatura,” aniya.

Dagdag niya, mas magiging “inclusive” lang ang pamahalaan kung naiintindihan na ng ordinaryong tao ang mga batas ng bansa.

Kaya para kay Santiago, babalik at babalik pa rin ang usapin sa sektor ng edukasyon, lalo na sa kolehiyo, kung saan mas madalas pa ring naipapasa ang karunungan at kaalaman sa pamamagitan ng wikang Ingles.

Hinikayat niya ang mga guro at iba pang nasa sektor ng edukasyon na ipalaganap ang Filipino bilang wika ng pananaliksik at diskurso. (BASAHIN: Mga guro, maging malikhain sa pagtuturo ng Filipino)

“Ang wikang opisyal ay nakatali sa wikang ginagamit sa pagtuturo. Paano nga ba aasahang makipagtalastasan sa wikang Filipino kung 12 taong sinanay sa pag-aaral gamit ang wikang Ingles?”

Inudyok din ni Santiago ang susunod na pangulong ipagpatuloy ang nasimulan na ni Aquino pagdating sa wikang Filipino, at magsabatas pa ng mga polisiya upang lalong umunlad ang wikang ito.

“Ang wikang opisyal ang pangunahing magdidikta sa kapangyarihan ng isang wika at lalo itong mapaiigting sa paggamit at pagsasalin nito sa pang-araw araw.” – Rappler.com

Smiling image via Shutterstock

Jee Y. Geronimo

Jee is part of Rappler's Central Desk, handling most of the world, science, and environment stories on the site. She enjoys listening to podcasts and K-pop, watching Asian dramas, and running long distances. She hopes to visit Israel someday to retrace the steps of her Savior.