‘Tama na’

Archbishop Socrates B. Villegas

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

‘Tama na’
'Mula sa lipunan ng mga adik, kailangan din bang tayo ay maging lipunan ng mga mamamatay-tao sa tabing daan?'

Editor’s Note: Inilabas ni Archbishop Socrates Villegas ang mensaheng ito para sa lahat ng simbahan ng Archdiocese of Lingayen-Dagupan. Inatasan niya ang mga pari ng Lingayen-Dagupan na basahin ang mensaheng ito nang buo, kapalit ng kanilang mga sermon, sa Linggo, ika-7 ng Agosto. Si Villegas din ang pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), pero sinulat niya ito bilang arsobispo ng Lingayen-Dagupan. Meron din itong English version.

Hindi ko kailangang maging obispo para sabihin ito. Hindi ko rin kailangang maging Katoliko upang mabahala sa mga pagpatay na laganap sa mga balitang ating nakikita at naririnig araw-araw tatlong beses maghapon. 

Isantabi na ninyo ang aking pagiging obispo at ang aking tungkulin sa CBCP. Tao akong nagpapakatao. Ang aking pagkatao ay nagluluksa. Hindi ako makapaniwala. Kung ito man ay isang bangungot, gisingin ‘nyo ako at pakisabi sa akin na hindi totoo ang nangyayari. Sobra na! Hindi ko na kayang sikmurain.

Tao akong nagpapakatao. Ito lamang ang sandalan ko upang tumayo ako at sabihing TAMA NA. Ang aking pagiging tao ay nasasaktan sa sakit na nararamdaman ng aking kapwa. Bahagi ng aking pagkatao ay nababawasan ng buhay sa tuwing may kapwa akong namamatay.

Sino ang makakapagsabi na ang pinatay ay may kasalanan o wala? Ang pinatay, may sala man o malinis, ay tao pa rin. Ang aking pagkatao ay nagdurugo sa tuwing ang aking kapwa tao ay pinapatay. Ang aking pagkatao ay umiiyak sa tuwing aking nakikita ang mga magulang o anak na nagluluksa sa isang mahal sa buhay na pinaslang sa gilid ng daan o itinapon sa masukal na lugar, nakatali at ginapos ng tape ang katawan.

Nagluluksa ako sapagkat may mga taong hindi nahahabag at walang habas na pumapatay sa paniniwalang nakakatulong sila sa pagpuksa ng kasamaan sa mundo. Para sa mga pinatay at pumapatay, ako ay nagluluksa. Nababawasan ang ating pagkatao kapag pumapatay tayo ng ating kapwa. Bawat tao ay aking kapatid. Ang lahat ng bagay at lahat ng tao sa paligid ko ay aking kapatid. Bawat isa magkakaugnay.

Ganito na lamang ba kadalang ang nababagabag sa mga nangyayaring pagpatay? Hindi ba nalulugmok sa putik ang sangkatauhan dahil sa mga taong uhaw sa dugo at sabik sa pagpatay ng tao? Kapag ang mga luha ay napapalitan ng  malalaking ngiti tuwing may napapatay, napapailing na lamang ako at napapatanong, “Ano na ang nangyayari sa pagkatao?”

‘Self-service justice’

Kaya pa ba nating umiyak kasama ng mga humahagulgol? Hindi na ba tayo nasasaktan sa mga patayan na umabot na sa halos isanlibo sa loob lamang ng dalawang buwan? Sa atin bang pangarap na wakasan ang drug addiction, kailangan ba nating maging bansa ng killing fields?

Sasagutin ninyo ako, “Bigyan natin ng pagkakataon ang krusada ng gobyerno laban sa illegal na droga”? Tama po, ang mga kabataan ay nangangailangan ng ligtas at makataong kapaligiran na ligtas sa kasamaang dulot ng droga. Kasama ng lahat pangarap ko rin ito. Ilayo ang mga kabataan sa pagkakalulong at maling paggamit ng droga. Ito ay isang napakagandang pangarap para sa mga kabataang mahal natin.

Kung ang droga ay pumapatay, ang pagpatay ba sa mga pinaghihinalaang mga tao ay makakaalis sa salot na dulot nito? Nabibigyan ba natin ng ligtas na tahanan ang mga kabataan, sa pagtuturo sa kanila na tama ang pagpatay, na ang pagpaslang sa mga pinaghihinalaang kriminal na hindi dumadaan sa batas ay katanggap-tanggap sa pagsugpo ng krimen at karahasan?

Mula sa lipunan ng mga adik, kailangan din bang tayo ay maging lipunan ng mga mamamatay-tao sa tabing daan? Ang batas ba na inilalagay sa sariling kamay ng mga tao ay makakapagbigay ng kaligtasan at maayos na kinabukasan? Tama ba ang self-service justice?

Boses ng konsensya

May maliit na tinig sa ating pagkatao sa bawat isa sa atin na naniniwala akong nagigimbal dahil sa mga nangyayaring patayan; ngunit ang boses na ito ay nalulunod sa mas malakas na sigaw ng paghihiganti o napapatahimik ng mga matatamis na pangako at impluwensiya ng pulitika.

Dalangin ko na ang ating pagkatao ay manumbalik. Ipinagdarasal ko na ang dangal ng ating pagkatao ay maiangat na muli upang tunay na maipagtanggol ang mga taong nabubuhay ngayon sa takot na maaring sila naman ang susunod na papatayin.

Dalangin ko na maibalik ang dangal ng ating pagkatao upang ang mga mamamatay-tao ay making sa boses ng kanilang konsensya – ang konsensyang nagbubulag-bulagan at nagkukunwaring manhid na dahil sa nagkalat na dugo sa bangketa at lansangan.

Mangingibabaw ang katwiran

Babatikusin at papatayin niyo ba ulit ako sa social media dahil sa pagsasalita kong ito?

Sa yugtong ito ng aking pagiging tao, wala na akong pakialam at hindi ninyo ako kayang takutin. Handa akong mamatay. Nasanay na ako sa mga pambabatikos, pang-aalipusta, at pagpatay sa akin sa social media. Sanay na kong patayin ako. May bahagi ng aking pagkatao na ilang beses nang namatay sa bawat pagpatay na aking natunghayan sa mga nakaraang lingo. Ano pa kaya ang papatayin sa akin?

Sa bansang lugmok sa patayan, ako ay nagluluksa. Sa kabilang buhay, ako ay magsasaya. Ang kawalang-budhi ay hindi mananaig. Mangingibabaw ang katwiran at katarungan. Pagkatao pa rin ang magwawagi sa katapusan.

Naniniwala ako. Hindi ako bibitiw sa aking paninindigan. Naninindigan ako sa pagkatao ng bawat tao.

Magkapatid tayo sa pagkatao. – Rappler.com

Para sa konteksto, basahin ang istoryang ito ng Rappler.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!