Problema sa kriminalidad, korapsyon ‘produkto ng kultura’ – KWF chairman

Jee Y. Geronimo

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Problema sa kriminalidad, korapsyon ‘produkto ng kultura’ – KWF chairman
'Massive reorientation and education' ang sagot, ayon sa tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino: 'Maraming durugista na mahirap.... Kailangang sagutin 'yun. Hindi puwedeng patayin lang sila o ikulong.'

MAYNILA, Pilipinas – Sa gitna ng mga pagbabagong dulot ng bagong administrasyon, ipinaalala ng Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio Almario na hindi sagot ang pagpatay upang lutasin ang mga problema sa lipunan.

“Eh kahit kasi anong problemang kaniyang linulutas, kahit criminality, or drugs, or the oligarch, alam mo, para sa akin, produkto ‘yun ng kultura. Ang lipunan kasi is culture. Kung ano ‘yung nakagisnan nung lipunan na iyon, iyon ang kanyang hitsura,” ani Almario, tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino.

Sagot ito ni Almario nang tanungin ng Rappler kung ano ang payo niya sa administrasyong Duterte. Una siyang nagsilbing tagapangulo ng komisyon noong 2013 sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Aniya, “massive reorientation [and] education” at hindi pagpatay ang kailangan upang sugpuin ang mga problema sa kriminalidad man o sa korapsyon.

“Kung puro criminality iyan, ‘yung culture na ‘yun ang namayani at natutunan. Kung ‘yan ay puro mga corrupt ang mga officials, ‘yan ang kultura…. Hindi lang p’wede patayin lahat – magpapatuloy iyan,” dagdag niya.

Pinaigti ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kampanya laban sa droga simula nang maupo siya sa puwesto.

Sa kasalukuyan, hindi bababa sa 612 suspek na sangkot sa droga ang napatay sa mga operasyon ng pulisya. Tinataya namang 576,176 ang sumuko na sa mga awtoridad.

Marami na ang nag-udyok kay Duterte na imbestigahan o ipatigil ang mga nangyayaring pagpatay na may kaugnayan sa droga. 

Hinikayat naman ni Almario hindi lamang ang pamahalaan kung hindi maging ang publiko na tumulong sa “reorientation” upang mas maintindihan nang maigi ang mga problema sa lipunan.

“Maraming durugista na mahirap, sasabihin pa sa iyo na, ‘Masarap ito dahil nakakalimot kami ng kahirapan namin.’ So, kailangang sagutin ‘yun. Hindi puwedeng patayin lang sila o ikulong,” paliwanag niya.

“Kung ang kahirapan ang problema, kailangan ayusin ‘yung kahirapan. Hindi ‘yung pagpatay lang sa kanila at pagkulong.”

Nagbago man ang administrasyon, tuloy-tuloy pa rin ang komisyon sa pagpaplanong wika na sinimulan nito noong 2013 at magpapatuloy hanggang 2020.

“Kaya ‘yung aming plano ay hindi nagbabago kasi hindi naman namin ‘yun ginawa para sa presidente, iyon ay ginawa namin para sa wika,” wika ni Almario.

“Sang-ayon sa utos sa amin ng batas, dahil ang utos ng batas ay ‘yun nga, mayroon tayong wika na Filipino ang pangalan. Pero itong wika na ito ay isang nagsisimulang wika at kinakailangan nating pagyamanin…[at] palaganapin.” – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!
Avatar photo

author

Jee Y. Geronimo

Jee is part of Rappler's Central Desk, handling most of the world, science, and environment stories on the site. She enjoys listening to podcasts and K-pop, watching Asian dramas, and running long distances. She hopes to visit Israel someday to retrace the steps of her Savior.