‘Fotobam’ ang Salita ng Taon 2016

Jee Y. Geronimo
‘Fotobam’ ang Salita ng Taon 2016
Pinili ng mga eksperto na salita ng taon ang 'fotobam,' pandiwa na ang ibig sabihin ay sirain ang eksena sa pamamagitan ng pagsingit sa kuwadro ng kamera habang may kinukunan ng retrato

 

MAYNILA, Pilipinas – Itinanghal ang “fotobam” bilang Salita ng Taon 2016 nitong Huwebes, Oktubre 6, sa ikalawang araw ng Pambansang Kumperensiya sa Wikang Filipino na ginanap sa Diliman campus ng Unibersidad ng Pilipinas (UP).

Napili ang “fotobam” – na ipinasa ni Michael Charleston Chua – mula sa 10 salita na lumahok sa timpalak ngayong taon. 

Ang 9 pang mga salitang kasama sa timpalak: 

  • bully – ipinasa ni Ronel Laranjo
  • foundling – ipinasa ni Christine Marie Magpile
  • hugot – ipinasa ni Junilo Espiritu
  • lumad – ipinasa ni Father Albert Alejo, SJ
  • milenyal – ipinasa ni Jayson Petras
  • meme – ipinasa ni Gerard Concepcion
  • netizen – ipinasa ni Xavier Roel Alvaran
  • tukod – ipinasa ni Schedar Jocson
  • viral – ipinasa ni Joselito delos Reyes

Ang Sawikaan ay idinaraos ng Filipinas Institute of Translation (FIT) kada makalawang taon.

Ang mga sumusunod na salita ay itinanghal na Salita ng Taon sa mga nakalipas na taon: canvass (2004), jueteng/huweteng (2005), lobat (2006), miskol (2007), jejemon (2010), wangwang (2012), at selfie (2014).

Kasama ng FIT sa pagtaguyod ng Sawikaan ngayong 2016 ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), National Commission for Culture and the Arts, at Kolehiyo ng Edukasyon ng UP.

Isinasaalang-alang sa pagpili ng Salita ng Taon ang kabuluhan ng salita sa buhay ng mga Filipino, ang pagsalamin nito sa kalagayan ng lipunan, ang lalim ng saliksik ukol sa ipinasang salita, at ang paraan ng pagpresenta nito sa madla. 

Sa pagpili ng Salita ng Taon, 50% ang ibinigay ng mga hurado sa nakasulat na paliwanag ng mga nagsumite, at 50% sa presentasyon ng mga ito sa kumperensiya nitong Huwebes. 

Bukod dito, may People’s Choice din, batay sa boto ng mga dumalo sa kumperensiya. Isinulat nila sa balota ang 3 pinakagusto nilang salita, at binilang ang may pinakamaraming boto. Top 3 ang:

  • Fotobam 
  • Hugot 
  • Milenyal 

May sarili ring poll ang Rappler. Sa Facebook album para sa Salita ng Taon 2016, pinili namin ang salita na may pinakamaraming “Like.” Top 3 ang:

  • Hugot
  • Viral
  • Milenyal

Ayon sa KWF, namayani sa diskurso ng mga Filipino sa nakalipas na taon ang 10 salitang ito na “dulot ng nauusong laro at teknolohiya; naging laman ng telebisyon, mga social network at balita; o iniluwal ng sumabog na kontrobersiya sa politika at matinding kalamidad.” Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Jee Y. Geronimo

Jee is part of Rappler's Central Desk, handling most of the world, science, and environment stories on the site. She enjoys listening to podcasts and K-pop, watching Asian dramas, and running long distances. She hopes to visit Israel someday to retrace the steps of her Savior.