
MANILA, Philippines – May dalawang mukha ang giyera kontra-droga ng administrasyong Duterte, at makikita ito sa mga kuha ng mga photojournalist sa gitna ng Oplan Tokhang.
Sa isang banda, nariyan ang mukha ng gobyerno na layong puksain ang iligal na droga. Sa kabilang banda, nariyan din ang epekto ng kampanyang ito sa mga biktima at mga pamilya nila.
Ito ang pinag-aralan ni Romulo Baquiran Jr, associate professor sa College of Arts and Letters ng University of the Philippines Diliman, sa papel niyang pinamagatang, “Retorika ng Politikang Duterte sa mga Piling Potodokumentaryo ng Tokhang at EJK.”
Isa si Baquiran sa mga nagsalita sa Pangdaigdigang Kongreso sa Araling Filipinas sa Wikang Filipino mula Agosto 2 hanggang 4 sa Pambansang Museo sa Maynila. Ang kongreso ay programa ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).
Dito ipinakita ni Baquiran ang ilan sa mga retratong pinag-aralan niya – kuha ng mga photojournalist noong mga unang buwan ng programa laban sa droga ni Duterte.
“Bagamat dokumentasyon, hindi maibubukod ang sining ng pagreretrato sa pagbuo ng naratibo at diskurso sa mga retratong nalikha sa ilalim ng programang ito,” sabi ni Baquiran. (READ: Duterte: War on drugs ‘will be unrelenting’)
Dagdag pa niya, may “kontrahan ng ideolohiya” sa pagitan ng layunin ng gobyerno na puksain ang droga, at ng kinahihinatnan ng mga pinaghihinalaang nalululong o nagbebenta ng droga.
“Sa madaling sabi, isang larang ang pagbasa sa mga pagreretratong journalist sa pagbibigay-katwiran sa mga aksiyon ng programang kontra-droga habang idinidebate ng sektor na sibil ang pagggigiit ng hustisya at higit na makataong pagdulog sa problemang panlipunan,” sabi ni Baquiran.
Mula sa lente ng photojournalists
Pinakakilala sa mga retratong ginamit ni Baquiran ay ang kuha sa isang babaeng hawak ang bangkay ng kanyang asawang napatay dahil pinaghihinalaan itong gumagamit ng droga.
Ang posisyon ng mag-asawa ay tulad ng nasa Pietà ni Michelangelo.
Marami ang gumamit sa larawang ito upang tuligsain ang administrasyong Duterte. Ngunit may ilan ding nagsabing pineke o “staged” lamang ang larawan. Ang Pangulo mismo ang nagsabing parang “drama” lamang ito.
“Eh tapos nandiyan ka, nakabulagta, and you are portrayed in a broadsheet na parang Mother Mary cradling the dead cadaver of Jesus Christ. Eh ‘yan ‘yang mga ‘yan, magda-dramahan tayo dito,” sabi ng Pangulo sa kanyang unang State of the Nation Address noong 2016.
“Literary rin ang sagot ng Pangulo! Sabi niya melodrama. Rhetorical din sa isang side, rhetorical rin ang sagot – exaggeration of reality. So parang rhetoric ‘yun ng pag-downgrade,” sabi ni Baquiran.
Sa larawan na ito, inihalintulad naman ni Baquiran sa anghel ng kamatayan ang isang ahente ng Scene of the Crime Operatives habang sinusulat niya ang kanyang report sa tabi ng isang bangkay ng pinaghihinalaang drug suspect.
Parang tagpo sa entablado ang nakuhanang imahe ng photojournalist na si Alecs Ongcal, ayon kay Baquiran.
“Ito ang nakagugulat sa sandali ng kamatayan sapagkat sariwa pa ang katawan at hindi pa nagsisimula ang proseso ng pagkabulok, ng pagtawid patungo sa deskomposisyon. Kanina lamang ay buhay pa ang mga iyan ngunit sinamang palad na naging target ng lansakang pagpatay ng estado,” sabi niya.
Pinag-aralan din ni Baquiran ang ilang pang larawang kinuhanan ng mga photojournalists tulad nina Raffy Lerma, Vincent Go, at Dondi Tawatao.
Karisma ni Duterte
Ayon kay Baquiran, ang karisma ni Duterte ay patuloy na bumibighani sa sambayanang Pilipino, kahit man 7,000 na ang namamatay dahil sa kanyang kampanya laban sa droga.
“Maging ang pinakamalagim na mga retrato sa mga unang buwan ng kaniyang pagkatalaga nang simulang sagsagang maisakatuparan ang programa ay hindi sapat upang mgkaroon ng malawakang pagtanggi laban dito,” sabi niya.
Sa pinakabagong Pulse Asia survey na lumabas noong ika-17 ng Hulyo, nasa 82% ang majority approval score ng Pangulo.
Basahin ang buong teksto ng papel ni Baquiran dito:
– Rappler.com
There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.