TRANSCRIPT: Cardinal Tagle’s homily on Good Friday 2018

Rappler.com

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

TRANSCRIPT: Cardinal Tagle’s homily on Good Friday 2018
'Papayagan ba natin ipako sa krus si Hesus? O baka meron tayong ibang poprotektahan na hari? Ano 'yung hari na isasalba natin?'

MANILA, Philippines – Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle delivered a homily on Good Friday, March 30, about a moral choice besetting Christians to this day: Will they save Jesus from crucifixion, or protect the “kings” of this world?

Tagle wiped his tears several times during his homily on Friday, as he recounted stories such as the time he, while stuck in an airport, overheard overseas Filipino workers (OFWs) who longed to see their families. 

This comes after Tagle on Palm Sunday, March 25, warned against arrogant and violent “kings,” and after the cardinal on Holy Thursday, March 29, turned his eyes on the plight of OFWs and refugees.

Below is the transcript of Tagle’s homily on Good Friday 2018:

Mga minamahal na kapatid sa pananampalataya, dumating na naman tayo sa isang Biyernes Santo, isa sa pinakabanal na araw sa taon. Subalit ito rin ang isa sa mga araw na nakapanghihina. Nakakabagabag ng kalooban at puso. Lahat tayo ay dapat nagtatanong, bakit nangyari ito? Papaanong ang isang napakabuting tao – kahit na nga hindi pa siya kinikilalang Anak ng Diyos, mabuti siyang tao – bakit siya sumapit sa ganitong kamatayan?

Ang paglalahad ayon kay San Juan ng mga pangyayari patungo sa kanyang pagkapako sa krus at kamatayan, ay parang isang drama. At kung babasahin natin nang taimtim – hindi nagmamadali, kundi pumapasok tayo sa nangyayari – siguro may mga bahagi na ang puso natin magsasabi, “Pedro, sabihin mo ang totoo. Magtulong kayo palayain si Hesus para hindi matuloy ang paghuhusga at ang pagpapako.”

Siguro ‘yung iba sa atin, kakausapin si Pilato. “Pilato, wala ka naman palang nakikitang kasalanan. Huwag kang pumayag.” May bahagi ng isip at puso natin, parang gustong baguhin, kung kaya lang natin, ang daloy ng kuwento. At siguro alam natin sa puso natin, kaya naman sana ni Pilato, kaya naman sana ni Pedro, kaya naman ni Hudas. Subalit naganap ang naganap.

Ang isang bahagi na talagang nakakapanghina sa akin ay noong inilabas ni Pilato si Hesus, iniharap sa mga tao, at ang sabi, “Narito ang inyong hari!” At ang sigaw ng mga tao, “Patayin siya! Ipako siya sa krus!” Nagtanong muli si Pilato. Kumbaga, huling pagkakataon. “Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari? Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari?” Pinagdedesisyon ang mga tao. “Huling tanong: Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari?” Ang sagot ng mga tao, “Wala kaming hari kundi ang Cesar! Hindi iyan ang aming hari!”

“Ang Cesar ang aming hari. Huwag ‘nyong ipapako si Cesar! ‘Yang si Hesus, hindi namin hari ‘yan! Puwede siyang ipako sa krus.”

Ang desisyon ng mga tao ay ito: Sino ba ang tunay naming hari? Sino ang hari na aming poprotektahan? Ang pinili nila, ang Cesar. “Ang Cesar ay alagaan, ang Cesar ay protektahan. Itong si Hesus, hindi namin kinikilala ‘yang hari, kaya maaari na siyang patayin. Hindi ‘nyo kami puwedeng paratanganan na pinapatay namin ang hari, kasi pinrotektahan namin ang kinikilala naming hari – ang Cesar.”

Tinatanong tayo ngayon muli: Ipapako ba sa krus si Hesus? Papayagan ba natin ipako sa krus si Hesus? O baka meron tayong ibang poprotektahan na hari? Ano ‘yung hari na isasalba natin?

“‘Di bale nang mawala si Hesus, huwag lang itong haring ito. Hesus, kung ikaw ay ikukumpara ko dito sa ibang hari, sorry ha, mawala ka na, huwag lang itong aking hari.” Itong tanong ni Pilato ay umaalingawngaw pa hanggang sa ating panahon. Araw-araw tinatanong tayo ni Pilato – ipapako ko ba sa krus si Hesus? Araw-araw sumasagot tayo. Sino ang pinipili nating ipapatay? Si Hesus o ang ibang pinipili nating hari?

Nakalulungkot. Ipinagpalit si Hesus. Pero ito ang napakaganda sa kuwento. Kailanman, si Hesus paulit-ulit na pinagpapalit. Pinagpalit na siya sa tatlumpung pilak. Pinagpalit siya ni Pedro para sa sarili niyang kaligtasan. Pinagpalit siya ng bayan para kay Cesar. Pero sa lahat ng ‘yan, hindi tayo pinagpalit ni Hesus.

Kahit siya’y nasasaktan, ang pinipili pa rin niya, tayo. Kahit siya’y kinutya: “Kung ikaw ang tunay na Mesiyas, iligtas mo ang iyong sarili!” Pero pumili siya. Hindi sarili niya ang ililigtas niya. Ililigtas niya tayo. Wala na siyang ibang pinipili kundi tayo – ang ating kabutihan.

Kaya nasabi sa Unang Pagbasa, pati ‘yung dusa na tayo ang dapat pumapasan, pinasan niya. Bakit? Pinili niya tayo. Siya ang ating Punong Pari, na wala nang ginawa kundi unawain tayo, sabi sa Ikalawang Pagbasa. Niyakap ang lahat para sa atin. Hindi tayo ipagpapalit kahit na siya’y patayin.

Subalit ang tao, ipagpapalit siya.

Ito po ang patuloy na panawagan sa atin hindi lamang kapag Biyernes Santo, kundi sa pang-araw-araw na buhay. Si Hesus, tapat sa atin. Tayo ba’y magiging tapat lagi sa kanya?

TOP PRELATE. Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle leads the Good Friday service at the Manila Cathedral on March 30, 2018. Photo by Angie de Silva/Rappler

Ilang buwan lamang po ang nakararaan, nakadalo ako sa isang miting ng Catholic Biblical Federation na ginawa sa Vietnam. Mayroong mag-asawa na nagbigay ng pagsaksi o testimony. Sabi nila, sabi nu’ng babae, eight years ago, nadiskubre niya, nagdadalang-tao na naman siya. May tatlo na siyang anak. Kaya nu’ng nalaman niyang buntis siya, namroblema raw siya. Iniisip niya, “Tsk, gastos na naman! Eto nga, itong tatlo, papasok na sa eskwelahan, marami nang gastos, meron na namang isa.” Ang naiisip niya, “Pera eh. Ang bahay namin, maliit. Dagdag na naman dapat ng kuwarto.” Lahat ‘yan, iniisip niya. Tapos lumabas, “Mamili ka. Puwede mo namang ipa-abort. Para wala ka nang problema sa pera, sa bahay, abort mo ‘yang bata.”

Um-attend daw sila ng Bible sharing. Paulit-ulit silang um-attend. Pero malapit-lapit na silang magdesisyon ipa-abort ang bata. Pero hindi rin naman daw sila tumigil ka-a-attend ng Bible sharing, hanggang isang araw, silang mag-asawa raw ay nag-usap at ang sabi, “Ano, itutuloy na ba natin ang abortion?” Pareho raw silang nagsabi: “Ano ang sinasabi ng budhi mo? Anong pipiliin mo? Na meron tayong pera na nase-save, na hindi tayo gagastos para sa bagong kuwarto, o itong ating anak?”

Namili sila. Itutuloy ang pagbubuntis. At pagkatapos nilang ikuwento ‘yon, naku palakpakan kami, kasi akala namin itinuloy ang abortion. Tapos tinawag nila onstage ‘yung bata. Eight years old na. Cute na cute. Mataba (laughs). Kaming nanonood, sabi namin, “Isang desisyon meant life or death for that girl.”

Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari?

Minsan ang tanong diyan ay, ipagpapalit mo ba ang buhay ng taong ito para sa mga Cesar ng convenience, pera, at “wala nang problema”?

Ilang taon din po ang nakararaan, meron akong nakausap na nagtatrabaho sa audit. Meron siyang nadiskubre na mga anomalya. Kaya lang ‘yung report niya, babangga siya sa mga matataas, matatayog, makapangyarihan. Kinausap niya ‘yung asawa niya. Sabi ng asawa niya, “Tama na ‘yang ikaw ay nagpapakamesiyas! Tama na ‘yan! Tanggapin mo na, na tayo ay mahina. Wala tayong kalaban-laban diyan.”

Kapag siya minsan ay inaabot ng takot, sabi nga niya sa asawa raw niya, “Tama ka.” Pero binabagabag siya ng kanyang konsensya. “Hindi tama ‘yung ginagawa nila eh. Bakit ako ang ngayon magdurusa? Ginagawa ko nga ‘yung tama kong gawin eh, pero bakit ako ang mapapahamak?” Kaya bagama’t galit ang asawa niya, itinuloy niya ang pag-report. At tama si mister. Sinimulan na ang mga threat sa buhay nila.

Tapos po, kinausap siya ng isang nasasakdal. Sabi raw sa kanya, “Madali lang naman ‘yan eh. Huwag ka lang uma-attend ng hearing, at kapag hindi ka a-attend ng hearing nang sunud-sunod, eh di mada-drop na siguro ‘yung case. O kaya bigyan na lang kita ng donation. Half a million.” Nagkataon po, ang nanay niya, nasa ospital. Kailangan niya ng pera.

Nag-iisip daw siya: “Para sa nanay ko, tatanggapin ko na ito.” Pero litong lito raw siya, pumunta siya sa Blessed Sacrament. Iyak daw siya nang iyak. Nu’ng nakita niya ‘yung krus ni Hesus, naalala niya, “Ikaw nga pala’y ibinenta. Ibebenta ko ba ang nanay ko?” Hindi niya tinanggap ang half a million. Pero hindi niya binenta ang buhay ng kanyang ina.

‘Yan ang tanong. Ipapako ko ba si Hesus?

Panghuli po, ilang taon din po ang nakararaan, ako’y pauwi sa Pilipinas galing Rome. Pagdating ko sa airport sa Rome, binigay ko ‘yung passport at ‘yung tiket ko. Sabi nu’ng tao du’n sa tiket sa airlines, “Sir, wala ang pangalan mo sa mga pasahero.” Aba, bakit, ‘ka ko, eh may tiket ako? Sabi n iya, “‘Yun nga po ang misteryo eh. Valid ang tiket ‘nyo pero wala ang pangalan ‘nyo sa mga pasahero.” “Eh paanong mangyayari?” Sabi niya, “Eh titingnan ho namin kung malalagay kayo sa waitlisted.” “Eh kailangan kong umuwi.” Tapos medyo nagpakilala ako: “Obispo ako eh. May gagawin ako sa Pilipinas. Kailangan akong umuwi.”

Sabi nila, “Eh wala ho kaming magagawa. Pa’no, wala ang pangalan ‘nyo, pero gagawan namin ng paraan.” Eh ‘di nalagay nga ako. Kasi meron pa akong stopover eh. Mula Rome papunta doon sa isang bansa na ‘yon, walang problema, maraming upuan. ‘Yung mula sa bansa na ‘yon, stopover, papuntang Maynila, doon punong puno. Kaya sabi sa akin, “Eh iwe-waitlist ho namin kayo. Pagdating ho doon, magtanong kayo.” Ang init init ng ulo ko. Kung anu-ano na ‘yung mga iniisip ko: “Idemanda ko kaya itong airline na ito.” Sila mismo, hindi nila maipaliwanag. Valid ‘yung tiket ko, tapos wala ‘yung pangalan ko, eh sila naman ang nag-isyu ng tiket. Kaya galit na galit ako.

Pagdating ko doon sa stopover, takbo ako, takbo. Doon sa counter, sabi nila, “Naku puno ho talaga. Eh titingnan namin kung kayo ay mailalagay namin.” Sabi ko, “Make sure kasama ako sa mga una ninyong priority diyan!” Umupo ho ako doon sa pre-departure area na nag-aapoy, naku galit na galit.

Eh ‘yung mga nakatabi ko, mga OFW. Nagkukuwentuhan. Hindi naman po ako nakikitsismis, kaya lang eh katabi ko eh. Eh di narinig ko. Sabi nu’ng isa, “Boss, kailan ka huling umuwi?” Sabi nu’ng isa, “Naku matagal na, kasi nag-TNT ako eh. Buti na lang nagkaroon ng amnesty. Makikita ko na uli ang pamilya ko.” ‘Yung isa, sabi, “Ako pitong taon na eh, hindi nakakauwi. Pareho tayo. Naghintay din ako ng amnesty. Ngayon ko pa lang makikita ‘yung anak na bagong panganak nu’ng umalis ako.”

Nu’ng narinig ko po, sabi ko, eto ako, wala pang isang linggong nakakaalis sa Pilipinas, galit na galit kung hindi ako makakauwi. Itong mga kapatid natin, ilang taon, nabubuhay araw-araw para sa pamilya na hindi nila nakikita. Parang napahiya ako eh (wipes tears). Sabi ko na lang sa sarili ko at sa panalangin, “Lord, unahin ‘nyo na po silang pasakayin. Kung kakaunti lang talaga ang available na upuan, unahin ‘nyo na sila. Makakapaghintay ‘yung mga iba kong trabaho. Unahin ‘nyo po sila.” (wipes tears again)

At totoo nga, nu’ng ina-announce na, “‘Yung mga waitlisted na puwedeng pumasok. Tinawag ‘yung isa. Sabi niya, ‘Uy salamat!’ Excited. Tapos tinawag din ‘yung isa. Sabi ko sa sarili ko, ‘Ikaw kasi dadasal-dasal ka pa.’ Tapos may tinawag na namang isa. Tapos tinawag ako. Ako ‘yung huli na tinawag.

Kailangan tayong sumagot. Ipapapako ba si Hesus? Sinong Cesar, sinong hari, ang iyong bubuhayin? Baka si Hesus ang ating pinapako sa krus muli. Tayo po’y tumahimik sandali, at sa atin pong pagbibigay-pugay sa krus ni Hesus, sana marinig natin ang tanong na iyan ni Pilato: Mamili ka, sino ang iyong isasalba? Sino ang iyong ipapapako sa krus?

– Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!