
MANILA, Pilipinas – Nagwagi ang kinatawan ng National Capital Region (NCR) sa ikatlong taunang pambansang paligsahan sa ispeling na pinamagatang “Iispel Mo!” sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman nitong Biyernes, Nobyembre 30.
Nanguna si Angel Mayhe Gueco ng Camarin D Elementary School sa Caloocan City sa 17 mag-aaral matapos niyang makakuha ng 65 puntos.
Ayon sa kanyang tagapagsanay na si Analyn Mayo, bagama’t hindi sapat ang oras nila sa pag-eensayo, hindi ito naging problema sa kanila.
“Kapag sinabi kong mag-train tayo nang ganitong oras, punta rin siya. Minsan nga kahit suspended ’yung klase, kapag sinabi ko na ‘Gel, pahatid ka kay mama mo, [mag-]train tayo,’ pupunta siya sa bahay namin.”
Nagpakita ng dedikasyon sa pag-eensayo si Gueco, pero hindi ito naging madali para sa kanya. Sabi niya, “Naging mahirap po ’yung pagte-training po namin kasi ’yung buong libro po ng KWF (Komisyon sa Wikang Filipino) binasa po namin cover-to-cover, tapos nung nalaman po namin na mayroon din po sa UP Diksiyonaryong Filipino, binasa ko rin po ’yun.”
Nakabatay sa diksiyonaryong iyon ang mga salitang ginamit sa paligsahan.
Hindi rin naging madali ang paligsahan, ayon kay Gueco. “May mga word po kasi doon na nakakalito kung ano po doon ’yung may letter e, i, o, at saka u,” tulad ng sa salitang “kompunehin.”
Nahirapan rin siyang baybayin ang mga hiram na salita na walang katumbas sa wikang Filipino.
Si Gueco ay nag-uwi ng cash prize na P35,000, medalya, tropeo, at plaka para sa kanyang rehiyon.
Ang nagwagi ng ikalawang gantimpala na si Charlize Jade Janda mula Rehiyon IV-B (Mimaropa) ay nag-uwi ng P25,000, medalya, tropeo, at plaka para sa rehiyon matapos makakuha ng 58 puntos.
Ang ikatlong gantimpala ay tinanggap ni Kriztin Riza Taburada mula Rehiyon IX (Zamboanga Peninsula), may kasamang P15,000, medalya, tropeo, at plaka para sa rehiyon matapos makakuha ng 55 puntos.
Tinanggap ni Winstle Keigh Corpuz mula Rehiyon II (Cagayan Valley), na nakakuha ng 51 puntos, ang ikaapat na gantimpala. Nag-uwi siya ng P10,000, medalya, tropeo, at plaka para rin sa rehiyon.
Ang ikalimang gantimpala ay napunta kay Shiena Julia Cala mula Rehiyon VIII (Eastern Visayas). Nag-uwi siya ng P5,000, medalya, tropeo, at plaka para sa rehiyon matapos makakuha ng 50 puntos.
Noong 2017, mula sa rehiyong Mimaropa o IV-B ang nagwagi sa “Iispel Mo!”
Makabuluhang timpalak
Ang “Iispel Mo!” ay isang paligsahan kung saan nagtatagisan ang mga mag-aaral sa Grade 6 mula sa bawat rehiyon sa bansa. Pinangungunahan ito ng KWF at Kapisanan ng mga Superbisor at Guro sa Filipino (Kasugufil).
“Ito ay timpalak na makabuluhan dahil, para sa KWF, ang ‘Iispel Mo!’ ay isang bahagi ng ating malaking kampanya para ang wikang Filipino ay maging estandardisado,” sabi ni Virgilio Almario, National Artist for Literature at tagapangulo ng KWF.
Ayon kay Almario, bagama’t ang Filipino ay ginagamit sa buong Pilipinas at itinuturing na isang lingua franca, nananatiling huli ang anyong pasulat ng pambansang wika. “Sinasalita natin ito, pero hindi natin pinagbubuti kung paano ito isusulat,” dagdag niya.
Isinasagawa ang taunang paligsahan sa pagdiriwang ng kaarawan ni Andres Bonifacio.
“Kung si [Jose] Rizal ang nagsabing dapat nating mahalin ang ating sariling wika, si Andres Bonifacio ang nagpakita kung paanong ang sariling wika ay napakaepektibo para bigkisin at pakilusin ang sambayanang Filipino tungo sa rebolusyon,” sabi ni Almario.
Sinabi din ni Almario na ang KWF, kasama ng lahat ng guro sa wikang Filipino at mga organisasyon sa wikang Filipino, ay nababahala sa naging desisyon ng Korte Suprema na tuluyang pagtanggal ng Filipino, Panitikan, at Constitution bilang “core subjects” sa kolehiyo.
“Ito ay isang napakateribleng pangyayari sa kasaysayan ng ating wika,” dagdag niya.
“Ang layunin naman namin sa Filipino para sa universities at colleges ay dahil ang kailangan natin na ang Filipino [ay] i-develop pa [upang] magamit sa mga formal discourses at sa iba’t ibang disiplina, hindi lamang sa pagtuturo ng Panitikan, kung hindi kahit sa pagtuturo ng sciences at mathematics,” sabi ni Almario.
Dagdag pa niya, ang “ideal stage” para sa ating wika ay ang magamit ito bilang wika ng karunungan. – Rappler.com
Si Gethsemani Cindy Gorospe ay isang Rappler intern.
There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.