Mga Ulirang Guro sa Filipino, pinarangalan ng KWF

Janella Paris

This is AI generated summarization, which may have errors. For context, always refer to the full article.

Mga Ulirang Guro sa Filipino, pinarangalan ng KWF
Pitong guro mula sa iba't ibang lugar sa Pilipinas ang pinarangalan at kinilala ng Komisyon ng Wikang Filipino para sa kanilang mga kontribusyon sa pagpapayaman ng wika

MANILA, Philippines – Pitong guro ang pinarangalan ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) bilang mga Ulirang Guro sa Filipino noong ika-1 ng Oktubre.

Kabilang ang 7 guro sa 109 na alagad ng wika na naparangalan simula noong 2014. Iginagawad ng KWF ang parangal sa mga gurong nagpapamalas ng “dedikasyon at husay sa pagtuturo ng wikang Filipino.” 

Kinilala rin sila dahil sa kanilang nagawang pananaliksik sa wikang Filipino. Bukod sa pagpapayaman sa kalidad ng saliksik sa wikang FIlipino, inaasahan din ang mga Ulirang Guro na itaguyod ang mandato ng Konstitusyon ukol sa wika. 

“Nagtuturo ka ng Filipino kasi gusto mong sundin ang mandato ng konstitusyon ng Filipinas. Kayo ang pag-asa para matupad ang mandato ng ating konstitusyon,” sabi ni Virgilio Almario, tagapangulo ng KWF. (READ: Buwan ng Wika 2019 itatampok ang mga katutubong lengguwahe)

Kilalanin ang 7 gurong pinarangalan ngayong taon. 

Joshua Oyon-Oyon

Si Oyon-Oyon ay isang guro at tagapayo ng diyaryong pangkampus. Tagapayo siya ng Tinig Luzon, ang diyaryo ng Sorsogon National High School. Tagapagsanay siya ng mga manunulat nitong nagsipagwagi na sa mga timpalak sa peryodismo mula sa pandibisyon hanggang pambansang antas. 

Bukod sa pagsasanay sa mga manunulat ng diyaryong pangkampus, nakapagturo na rin siya ng malikhaing pagsulat sa mga bilanggo sa pamamagitan ng programang Alay Kapwa: Paglingap sa Anino sa Likod ng Rehas. 

Nakapagtapos si Oyon-Oyon ng Master of Education sa Filipino at ngayo’y kumukuha ng doktorado sa Sorsogon Stage College.  

Ayon sa KWF, si Oyon-Oyon ay “oragon” – nangangahulugang mahusay, matibay, o matalino sa wikang Bikol.

Payo ng gurong tubong Bikol? “Magiging buhay at aktibo ang ating mga silid aralan kung tayong mga guro ay may sapat na kaalaman sa ating wika at panitikan.”

Maria Eliza Lopez

Si Lopez ay isang propesor sa College of Teacher Education ng Mariano Marcos State University sa Ilokos Norte. Siya rin ang direktor ng Sentro ng Wika at Kultura sa naturang pamantasan. Dalawampu’t apat na taon na siyang naglilingkod bilang guro.  

Nagtapos siya ng Master in Education at doktorado sa Applied Linguistics sa mismong unibersidad kung saan siya naglilingkod ngayon.

Kasulukuyan siyang nananaliksik ukol sa kulturang Ilokano at ang pagtuturo ng wikang ito bilang mother tongue. Pinag-aralan niya rin ang paniniwalang Ilokano at mga awiting-bayan. 

Si Lopez rin ay naging awtor, editor, at koordinador ng mga aklat hinggil sa wikang Ilokano at Filipino. 

Nagtataguyod din siya ng mga proyekto tulad ng mga forum, seminar, at kumperensiya hindi lamang para sa mga mag-aaral kundi para rin sa kanyang kapwang mga guro. 

Mensahe ni Lopez: “Sana maging inspirasyon sa lahat ng mga guro sa Filipino ang Gawad Ulirang Guro na lalong paigtingin ang pagpapaunlad at pagpapayaman sa wikang Filipino.”

Rodel Guzman

Isang guro ng Isabela State University, kinilala ng KWF si Guzman sa kanyang pagtaguyod hindi lamang ng wikang Filipino kundi pati ng wikang Itawes, isa sa mga katutubong wika sa Pilipinas. 

Nagtapos si Guzman ng Master in Education sa Filipino mula sa Isabela State University, kung saan kasalukuyan siyang kumukuha ng doktorado.

Isang iskolar ng Philippine Cultural Education Program (PCEP) ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA), pinag-aaralan ni Guzman ang ponolohiya ng Itawes. Nagsasagawa rin siya ng kaukulang dokumentasyon ng wikang ito. 

Pinag-uukulan niya rin ng pansin ang aspektong pangkultura nito sa pamamagitan ng pag-aral ng kasarian at ang ritwal ng kasal ng mga Itawes.

Guro rin siya ng wikang Filipino at nangunguna sa aktibong paglahok sa mga pagtitipon hinggil sa wika at kultura hindi lamang sa Pilipinas kundi pati sa ibang bansa. 

Ayon kay Guzman, “Ang mga wika ng Filipinas ay mga puwersang nakapagbibigay sa atin ng talas ng isipan upang unawain at suriin ang ating karanasan bilang lahi at bansa.”

Julieta Cruz-Cebrero

Isa pang tagapagtaguyod ng katutubong wika sa Pilipinas si Cebrero, isang gurong nagtuturo at nananaliksik patungkol sa wikang Subanën. 

Kasalukuyang dekana ng School of Arts and Sciences ng JH Cerilles State College ng Zamboanga del Sur si Cerebro. Nagtuturo rin siya sa naturang pamantasan. Mahigit na 30 taon na siya sa pagtuturo.  

Sa kanyang saliksik na pinamagatang ” Betad Pedlegamit: Isang Pag-aaral sa mga Baryasyon ng Wikang Subanen sa Zamboanga Peninsula,”  pinag-aralan niya ang iba’t ibang katawagang pangkultura na may kaugnay sa buhay ng mga Subanën. 

Mahigit 487,000 ang nagsasalita ng naturang wika sa Zamboanga.

Nailimbag na ang kanyang mga saliksik sa mga publikasyon tulad ng Hasaan ng University of Santo Tomas at sa Asia Pacific Journal of Education, Arts and Sciences ng Lyceum of the Philippines University.

Si Cebrero ay may Master of Education mula sa Saint Columban College at doktorado mula sa Mindanao State University-Iligan.

Sharon Villaverde

Isang guro ng Lopez National High School sa Lalawigan Quezon, si Villaverde ay kilala sa pagsimula ng PUNLA o ang Pagsasanay Tungo sa Pag-unlad ng Kasanayan sa Filipino.

Layunin ng PUNLA na paunlarin ang kaalaman ng mga guro sa pananaliksik sa wikang Filipino. Sa pamamagitan ng programang ito, nais ni Villaverde na mas marami pang guro ang makapagluwal ng mga saliksik na makatutulong sa sistemang edukasyon.

Naging aktibong miyembro rin siya ng mga grupo tulad ng Pambansang Samahan ng Advokasyon sa Wikang Filipino at ng Guro at Tagapagtaguyod ng Filipino sa Quezon. 

Si Villaverde ay may Master of Education at Master of Arts sa pagtuturo ng Filipino mula sa Philippine Normal University. Nakuha naman niya ang kanyang doktorado mula sa University of Nueva Caceres sa Naga.

“Patuloy akong magbabahagi ng aking sarili sa iba, magiging instrumento upang mapalaganap pa ang pagmamahal hindi lang sa wika, sa panitikan, kurikulum, gayundin sa pagpapalaganap ng kultura at wikang katutubo,” sabi ni Villaverde. 

Rodello Pepito

Dalawampu’t isang taon nang guro ng wikang Filipino si Pepito. 

Sa loob ng 21 taon ay naging aktibo siya sa pagtataguyod ng mga organisasyong pangwika na layuning maglathala ng mga babasahin tungkol sa wika at kulturang Filipino.

Nakapagsulat na rin siya ng 2 teksbuk sa Filipino. Siya rin ay nananaliksik tungkol sa pedagohiya ng Filipino bilang pangalawang wika. 

Siya ay kasalukuyang direktor ng Sentro ng Wika at Kultura sa Bukidnon State University. 

Nagtapos si Pepito ng Bachelor of Arts, Major in Filipino sa Mindanao State University-Iligan. Nakuha niya ang kanyang Master of Arts sa Filipino sa Bukidnon State University, kung saan siya kasalukuyang nagtuturo.

Nakuha niya naman ang kanyang doktorado sa edukasyon, medyor sa Filipino Language Teaching mula as Cebu Normal University.  

“Sa kapuwa ko guro sa Filipino, ang gantimpalang tinanggap ko ay para sa inyo…. Lagi pong tandaan, magturo po tayo mula sa puso,” ang payo niya sa kanyang kapwa mga guro.

Niña Christina Zamora

Si Zamora ay isang propesor sa Philippine Normal University, kung saan naglilingkod siya hindi lamang sa mga mag-aaral kundi pati sa mga kapwa guro.

Tagapangasiwa siya ng mga programa tulad ng Tulong Dunong at Sulat-Mulat, na nagnanais magpaunlad sa kasanayan ng mga guro at mag-aaral mula sa iba’t ibang komunidad.

Siya rin ang tagapangasiwa ng proyektong Sa Pinas, Ikaw ang Ma’am/Sir o SPMIS na humihikayat sa mga overseas Filipino workers na pumasa sa Licensure Exam for Teachers na bumalik sa Pilipinas. 

Bukod sa mga proyektong ito, siya rin ay may mga nailimbag nang teksbuk at inter-aktibong modyul na ginagamit sa mga online course. 

Si Zamora ay nagtapos ng Master of Education sa Filipino sa Philippine Normal University, at ng doktorado sa Filipino mula sa University of the Philippines-Diliman. 

“Sa kasalukuyan, ang guro ng wika, partikular sa Filipino, ay kailangan magsagawa ng ekstensiyon, kung kaya kailangan niyang galugarin ang bawat sulok ng bansa upang maituro ang halaga ng sariling wika,” sabi ni Zamora. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

Summarize this article with AI

How does this make you feel?

Loading
Download the Rappler App!