At ang Salita ng Taon 2014… ‘Selfie’!

Michael Bueza
At ang Salita ng Taon 2014… ‘Selfie’!
Mula sa 13 salita na naging popular at naging makabuluhan sa buhay ng mga Filipino, napiling Salita ng Taon para sa 2014 ang "selfie" o pagkuha ng larawan ng sarili

MANILA, Pilipinas – Mula sa 13 salita na naging popular at naging makabuluhan sa buhay ng mga Filipino nitong nakaraang dalawang taon, napiling Salita ng Taon para sa 2014 ang “selfie” matapos ang pagsusuri ng mga dalubhasa sa wika nitong Biyernes, Setyembre 26.

Ang “selfie” ay inilahok ng manunulat na si Noel Ferrer at direktor Jose Javier Reyes sa Sawikaan, isang kumperensiyang idinaraos ng Filipinas Institute of Translation (FIT) sa University of the Philippines tuwing makalawang taon.

Para sa kanila, ang paggamit ng salitang “selfie” ay nagbibigay ng “sense of empowerment” sa mga tao na ibahagi ang kanilang “sense of aesthetics” sa iba.

Ang “selfie” ay isang litrato kung saan ang kumuha nito ay kasama mismo sa larawan. Kadalasan, smartphones na may front-facing camera ang gamit sa pagkuha ng “selfie.”

Nagagamit din ang selfies sa pagtulong sa iba, sa pagbabalita, at sa pagsulong ng isyu o movements sa social media.

Sa kabilang banda, ang selfie ay manipestasyon din ng kultura ng narsisismo, at nagiging isang “marketing ploy” ng mga kompanya, sabi ni Reyes.

Sa kanyang presentasyon, nabanggit ni Ferrer ang winika ni Bishop Ted Bacani na ang selfie ay “isang kulturang nagsusulong ng pagkamakasarili.”

Ang selfie din daw ay “pagsisikap ng pangkaraniwang tao na gayahin ang idolo nilang artista,” sabi ni Reyes.


Nagkamit ng ikalawang gantimpala ang salitang “endo” na ipinasa nina David Michael San Juan at John Kelvin Briones, habang ikatlong gantimpala naman ang salitang “Filipinas” na entry ni Dr. Rebecca Añonuevo.

Tumanggap ng P7,000 sina Ferrer at Reyes, P5,000 naman kina San Juan at Briones, habang P3,000 kay Añonuevo. May dagdag na P5,000 premyo sina Ferrer at Reyes dahil sa pagkamit ng Best Presentation.

Ang ibang nominado bilang “salita ng taon” ngayong 2014 ay “bossing”, “CCTV”, “hashtag”, “imba”, “kalakal”, “PDAF”, “peg”, “riding-in-tandem”, “storm surge”, at “whistleblower”.

“Marami sa mga nominadong salita ay bunga ng pangyayari na masyadong naapektuhan ang ating consciousness ng Internet at technology,” sabi ni Virgilio Almario, tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

“Ang ibig sabihin nito, ang mga Filipino ay nakakasunod sa kung ano ang nagiging pagsulong sa larangan ng teknolohiya, at ang ‘selfie’ ay isa lamang patunay sa pangyayaring ito,” dagdag pa niya.

Karamihan din sa mga salita sa listahan ay tumutukoy sa mga kasalukuyang pangyayari sa bansa.

LIVE BLOG: Salita ng Taon 2014

Matapos ang paggawad ng gantimpala, sabi ni Ferrer, “Sana mas maging responsable ang mga selfie natin, kasi alam natin ang lawak ng gamit ng selfie.”

‘Selfie’ of the Nation: The image of the country according to netizens

Netizens turn their mobile cameras around to take photos of faces – not their own – but of people who represent the state of various sectors

“Sana magamit natin ito para mas maging maganda ang tingin sa kasarian, may gender equality. At ito rin ay hamon sa konsepto ng kagandahan, kasi kahit sino ngayon, pwedeng mag-selfie,” dagdag niya.

Binanggit din ni Ferrer ang pagiging “empowerment medium” ng mga selfie, at ang halaga ng mga litratong ito sa pagtulong sa iba at sa pagtalakay sa isyung panlipunan.

“Puwede tayong tumulong sa mga taong nangangailangan. Puwedeng gamitin ‘yung selfie talaga para mamulat ‘yung ibang mga tao, para may call to action pagkatapos,” sabi ni Ferrer. (BASAHIN: Rappler’s ‘Selfie’ of the Nation: The image of the country according to netizens)

Nagwagi rin bilang Best Presentation ang “selfie” mula sa mga boto ng dumalo sa Sawikaan. Inawit ni Davey Langit ang “The Selfie Song” matapos ang presentasyon nina Ferrer at Reyes.

Ang huradong pumili ng “Salita ng Taon” ay binubuo ng organizers ng Sawikaan, ang Filipinas Institute of Translation, at mga imbitadong delegado.

MGA NAGWAGI. Mula kaliwa, sina Edgar Samar at Virgilio Almario kasama ang mga nagwagi: sina Noel Ferrer, David Michael San Juan, John Kelvin Briones, at Rebecca Añonuevo. Wala sa larawan si direktor Jose Javier Reyes. Michael Bueza/Rappler

Gumawa ang Rappler ng unofficial online poll para malaman kung alin sa mga nominadong salita ang karapat-dapat manalo sa mata ng mga netizen.

Sinara ang botohan ng 5.30PM sa Setyembre 26, 2014 at ang top 3 na salita ay ang sumusunod:

Panalo: Kalakal

2nd: Imba

3rd: Peg

 

Ang “Sawikaan: Salita ng Taon” ay isang patimpalak para piliin ang salitang popular o pinakalaganap ang gamit sa loob ng nakaraang isa o dalawang taon.

Isinasaalang-alang sa pagpili ang kabuluhan ng salita sa buhay ng mga Filipino, ang pagsalamin nito sa sitwasyon ng lipunan, ang lalim ng saliksik ukol sa ipinasang salita, at ang paraan ng pagprisinta nito sa madla.

Maaaring hirangin bilang “salita ng taon” ang mga bagong imbentong salita, mga salitang hiram mula sa katutubo o banyagang wika, mga lumang salita ngunit may bagong kahulugan, o mga patay na salitang muling binuhay.

Sa mga nakalipas na taon, hinirang na “salita ng taon” ang “canvass” (2004), “huweteng” (2005), “lobat” (2006), “miskol” (2007), “jejemon” (2010), at “wangwang” (2012).

Simula noong 2010, ang Sawikaan ay idinaraos kada dalawang taon ng Filipinas Institute of Translation (FIT).

Kasama ng FIT sa pagtaguyod ng Sawikaan ngayong 2014 ang KWF, National Commission for Culture and the Arts, Department of Education, Commission on Higher Education, at Kolehiyo ng Arte and Literatura ng Unibersidad ng Pilipinas. – Rappler.com

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.

author

Michael Bueza

Michael is a data curator under Rappler's Tech Team. He works on data about elections, governance, and the budget. He also follows the Philippine pro wrestling scene and the WWE. Michael is also part of the Laffler Talk podcast trio.