2022 Philippine Elections

#PHVote Guides: Paano magparehistro sa ibang bansa habang may pandemya?

Michelle Abad
#PHVote Guides: Paano magparehistro sa ibang bansa habang may pandemya?
(2nd UPDATE) Kung isa kang Filipino o dual citizen, kalipikado kang maging botante sa halalang 2022 kahit nasa ibang bansa ka. Maaari ka ring magparehistro mula sa Pilipinas bago ka mag-abroad.

Mahigit sa 1.4 milyong Pilipino sa ibang bansa ang rehistrado na para makaboto sa halalan sa 2022. Sa kabila ng posibilidad na magtatagal pa ang pandemya sa iba’t ibang bahagi ng mundo, inaasahan pa rin ng Commission on Elections (Comelec) na 1.6 milyon pa ang magpaparehistrong botanteng Filipino sa abroad.

Ayon sa datos ng Comelec hanggang Mayo 19, may 1,423,941 rehistradong botante sa labas ng bansa. Mauunang bumoto ang mga Pilipino sa abroad kaysa mga kababayan sa Pilipinas. Ang panahon ng pagboto nila ay mula Abril 10 hanggang Mayo 9, 2022.

Gusto mo bang makaboto kahit malayo ka sa darating na eleksiyon? Kailangan mong malaman ang mga sumusunod.

Sino ang kalipikadong makaboto sa abroad?

Kalipikadong makaboto ang mga mamamayang Pilipino o dual citizens na magkakataong nasa ibang bansa sa 30-day voting period mula Abril 10 hanggang Mayo 9, 2022.

Dapat na 18 taong gulang na sila sa Abril 10, 2022, at dapat ay walang batas na humahadlang sa kanilang pagboto.

May mga Pilipino sa ibang bansa na hindi maaaring bumoto. Ayon sa Comelec, sila ang mga:

  • Nawalan ng Filipino citizenship
  • Nagsuko ng Filipino citizenship o nanumpa ng katapatan sa ibang bansa
  • Nahatulan ng hindi bababa sa isang taong pagkabilanggo dahil sa anumang krimen
  • Nawalan ng bait o kakayahan, ayon sa deklarasyon ng isang awtoridad sa Pilipinas o sa abroad
Hanggang kailan ako puwedeng magparehistro?

Para sa mga sumusunod na aplikasyon, ang registration period ay mula Disyembre 16, 2019, hanggang Setyembre 30, 2021:

  • Registration/Certification
  • Paglilipat ng pagkarehistro sa ibang post sa abroad (halimbawa, mula sa Hong Kong, ngayon ay sa Singapore na nakatira)
  • Paglilipat sa Filipinas ng rehistro mula sa ibang bansa 
  • Pagpapalit ng pangalan dahil sa pagpapakasal o utos ng korte, o pagwawasto ng impormasyon sa registration record
  • Reactivation of voter’s record
  • Paglipat ng tirahan

Noong Hulyo 2021, nagsimula ang Comelec na tumanggap online ng mga aplikasyong hindi nangangailangan ng live biometrics capturing, katulad ng reactivation ng pagkarehistro, o pagpapapalit ng tirahan.

Must Read

Comelec offers online services to overseas voters

Comelec offers online services to overseas voters
Ano-ano ang dokumentong kailangan?

Kung Filipino citizen ka, kailangan mo ng pasaporte ng Pilipinas. Kung walang pasaporte, kailangan mo ng sertipikasyon mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) na:

  • Sinuri ng DFA ang mga dokumentong iyong naisumite, at natagpuan nilang sapat ang mga ito para mabigyan ka ng pasaporte.
  • O, mayroon kang pasaporte, pero may katanggap-tanggap na dahilan na hindi mo ito maipakita.

Kung dual citizen ka naman, kailangan mo ng orihinal o certified true copy ng:

  • Order of Approval mula sa post na nagpapakitang nananatili o nakamtan mong muli ang Filipino citizenship
  • O, isang Identification Certificate mula sa Philippine post sa ibang bansa o mula sa Bureau of Immigration.

Kung marino o seafarer ka, kailangan mo ng:

  • Photocopy ng Seaman’s Book
  • Karagdagang dokumentong hinihingi ng Comelec

Kung mayroon ka na ng mga dokumentong ito, kailangan mong sagutan ang application form na tinatawag na OVF No. 1. Narito ang PDF mula sa website ng Comelec. Mayroon ding nakaimprentang form sa mga post sa ibang bansa. Maaari ring sagutan ang form online gamit ang iRehistro.

Hindi kasama ang mga Pilipino sa ibang bansa sa mga maaaring magparehistro gamit ang bagong app ng Comelec , ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez.

Saan puwedeng magparehistro?

Maaaring magparehistro sa kahit anong Philippine post sa ibang bansa. Kabilang dito ang mga embahada, konsulado, at designated registration centers. Nasa Comelec website ang listahan ng mga post sa iba’t ibang bansa at teritoryo.

Noong Biyernes, Hunyo 11, inanunsiyo ng Comelec na suspendido ang pagboto sa Tripoli, Libya, at Baghdad, Iraq, dahil sa kaguluhan sa mga lugar na ito.

Kung nasa Pilipinas ka sa registration period, ngunit sa ibang bansa boboto sa 2022, maaari ka ring magparehistro sa mga sumusunod na tanggapan:

  • Office for Overseas Voting (OFOV) Comelec Main – Intramuros
  • Marina Industry Authority (MARINA) – SM Manila
  • DFA Consular Office West, NCR – SM Manila
  • DFA Aseana – Aseana Business Park, Parañaque City
  • DFA Robinsons Galleria – Edsa cor. Ortigas Avenue
  • Philippine Overseas Employment Administration – Ortigas Avenue cor. Edsa

Bukas ang mga ito mula Lunes hanggang Biyernes, 8 am hanggang 5 pm. Ang DFA Consular Office West ay bukas mula Lunes hanggang Biyernes, mula 10 am hanggang 6 pm.

Inirerekomenda ng Comelec na ang mga magpaparehistro ay magdala ng sariling alcohol o hand sanitizer, at ng sarili nilang blue o black ballpen bilang pag-iingat sa COVID-19.

Ano ang proseso ng pagpaparehistro?
  1. Sagutan at isumite ang OVF No. 1 at iba pang mga dokumentong kinakailangan.
  2. Titiyakin ng empleyado ng Comelec ang iyong identidad, at patutunayan ang pagkakasama ng iyong pangalan sa National List of Registered Voters.
  3. Magbigay ng iyong biometrics o digital signature at fingerprints.
  4. Panunumpain ka ng administering officer at bibigyan ng acknowledgment receipt ng OVF No. 1.
Mayroon pa akong mga tanong. Sino ang puwede kong lapitan?

Para sa iba pang mga detalye kung saan, kailan, at paano bumoto, maaaring lumapit sa iyong embahada at konsulado. Nagpo-post din ang OFOV ng updates sa kanilang Facebook page.

Maaari ring kumontak sa OFOV sa mga sumusunod na number at e-mail:

  • OFOV: 8521-2952 or 8522-2251
  • Smart/TNT: +63-951-875-9882
  • Globe: +63-905-034-5158
  • ov.concerns@comelec.gov.ph
  • overseasvoting@comelec.gov.ph

– Rappler.com

Ang artikulong ito ay salin mula sa orihinal na Ingles, #PHVote Guides: How to register to vote overseas during a pandemic.

Michelle Abad

Michelle Abad is a researcher-writer at Rappler. Possessing the heart and soul of a feminist, she is working on specializing in women's issues in Newsbreak, Rappler's investigative arm.