
Ano ang mga kapangyarihang ipinagkakaloob mo, ano ang mga pananagutan at paglilingkod na dapat mong asahan kapag naghalal ka ng isang punong-bayan, pangalawang punong-bayan, at konsehal?
Punong-Bayan
Termino
- Tatlong taon simula sa tanghali ng 30 Hunyo pagkatapos ng eleksiyon
- Maaaring ihalal nang hanggang tatlong magkakasunod na termino
Mga Kalipikasyon
- Mamamayan ng Filipinas
- 21 taóng gulang pataas sa araw ng eleksiyon
- Rehistradong botante sa munisipalidad na kakandidatuhan
- Residente ng munisipalidad na kakandidatuhan nang hindi bábabâ sa isang taon bago ang eleksiyon
- Nakapagbabasá at nakapagsusulat sa Filipino o sa alinmang lokal na wika o diyalekto
Mga Kapangyarihan at Pananagutan
- Pangangasiwa ng lahat ng programa, proyekto, serbisyo, at aktibidad ng pamahalaang bayan
- Pagpapatupad ng lahat ng mga batas at ordenansa kaugnay ng pamamahala ng munisipalidad at ng paggamit ng mga pangkabuoang kapangyarihan nito
- Pagpapasimula at pagpapatindi ng pagpaparami ng mga pinagkukunang-yaman at kita
- Pagtiyak na maipagkakaloob ang mga batayang serbisyo at sapat na pasilidad
Sanggunian: Kodigo ng Lokal na Pamahalaan ng 1991
Pangalawang Punong-Bayan
Termino
- Tatlong taon simula sa tanghali ng 30 Hunyo pagkatapos ng eleksiyon
- Maaaring ihalal nang hanggang tatlong magkakasunod na termino
Mga Kalipikasyon
- Mamamayan ng Filipinas
- 21 taóng gulang pataas sa araw ng eleksiyon
- Rehistradong botante sa munisipalidad na kakandidatuhan
- Residente ng munisipalidad na kakandidatuhan nang hindi bábabâ sa isang taon bago ang eleksiyon
- Nakapagbabasá at nakapagsusulat sa Filipino o sa alinmang lokal na wika o diyalekto
Mga Kapangyarihan at Pananagutan
- Panguluhan ang sangguniang-bayan at paglagda sa lahat ng mga patunay ng mga ginastos para sa operasyon nito
- Pagtatalaga ng mga opisyal at tauhan ng sangguniang-bayan nang may eksepsiyon alinsunod sa Kodigo ng Lokal na Pamahalaan
- Paghalili sa punong-bayan sakaling permanenteng mabakante ang posisyon
- Paggamit sa mga kapangyarihan at pagtupad sa mga tungkulin at gawain ng punong-bayan sakaling mabakante nang panandalian ang posisyon
Sanggunian: Kodigo ng Lokal na Pamahalaan ng 1991
Miyembro ng Sangguniang-Bayan
- Tatlong taon simula sa tanghali ng 30 Hunyo pagkatapos ng eleksiyon
- Maaaring ihalal nang hanggang tatlong magkakasunod na termino
Mga Kalipikasyon
- Mamamayan ng Filipinas
- 18 taóng gulang pataas sa araw ng eleksiyon
- Rehistradong botante sa distrito na kakandidatuhan
- Residente ng distrito na kakandidatuhan nang hindi bábabâ sa isang taon bago ang eleksiyon
- Nakapagbabasá at nakapagsusulat sa Filipino o sa alinmang lokal na wika o diyalekto
Ang mga Bumubuo sa Sangguniang-Bayan
- Pangalawang punong-bayan na siyang nagsisilbing tagapangulo nito
- Mga regular na kasapi ng sanggunian
- Presidente ng munisipal na sangay ng Liga ng mga Barangay
- Presidente ng pambayang Pederasyon ng Sangguniang Kabataan
- Tatlong sektoral na kinatawan: 1 mula sa kababaihan, 1 mula sa mga manggagawang agrikultural o industriyal, at 1 mula sa iba pang sektor gaya ng maralitang tagalungsod, mga katutubong pamayanan, mga may kapansanan
Mga Kapangyarihan at Pananagutan
- Pag-aproba ng mga ordenansa at pagpapasá ng mga resolusyon para sa isang mahusay at mabisàng pamahalaang-bayan
- Pagpaparami ng mga pinagkukunang-yaman at kita para sa mga planong pangkaunlaran, mga layuning pamprograma, at mga priyoridad ng munisipalidad
- Pagkakaloob ng mga prangkisa, pagpapasá ng mga ordenansa na nagpapahintulot sa pagbibigay ng mga permiso o lisensiya, pagpapasá ng mga ordenansa na nagtatakda ng buwis, bayarin, at mga singilin
- Pagsasaayos ng mga aktibidad na may kinalaman sa paggamit ng lupa, mga gusali, at mga estruktura
- Pag-aproba ng mga ordenansang tumitiyak sa mahusay at mabisàng pagkakaloob ng mga batayang serbisyo at pasilidad
Sanggunian: Kodigo ng Lokal na Pamahalaan ng 1991
– Rappler.com
Isinalin ni Michael M. Coroza, PhD, ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) mula sa orihinal na Ingles ni Loreben Tuquero ng Rappler.com