2022 Philippine Elections

#PHVote Guide: Bakit kailangan ang Comelec permit para sa pangangampanya?

#PHVote Guide: Bakit kailangan ang Comelec permit para sa pangangampanya?

Janina Malinis/Rappler

(UPDATE 1) Simula Marso 16, inalis na ng Comelec ang requirement na CCC-issued permits. Dahil umano nasa Alert Level 1 at Alert Level 2 na ang karamihan ng lugar sa Filipinas, hindi na kailangan ang gaanong paghihigpit sa campaign events

MANILA, Philippines – Dahil ang 2022  ang unang kampanya at eleksiyon sa buong bansa na gaganapin sa gitna ng pandemya, naglabas ng mga bagong patakaran ang Commission on Elections (Comelec) bilang tugon sa bagong realidad na ito. 

Nasa Comelec Resolution 10732 ang mga patakaran sa pangangampanya na naglalayong maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa mga matataong lugar. 

Isa sa mga patakarang ito ay ang pagkuha ng mga kandidato o partido ng permit mula sa Commission on Elections (Comelec) para sa bawat araw na mangangampanya sila. Dagdag ito sa dati nang requirement na kumuha sila ng permit sa pamahalaang lokal kung saan gaganapin ang aktibidades nila, katulad ng mga rally.

Sa bagong permit na kailangan, mag-a-apply ang kandidato o partido sa kabubuo lamang na Comelec Campaign Committee (CCC) sa bawat lokalidad. 

UPDATE: Simula Marso 16, inalis na ng Comelec ang requirement na CCC-issued permits. Dahil umano nasa Alert Level 1 at Alert Level 2 na ang karamihan ng lugar sa Filipinas, hindi na kailangan ang gaanong paghihigpit sa campaign events. 

Ano ang Comelec Campaign Committee? 

Ang Comelec Campaign Committee (CCC) ang awtoridad na mag-aaproba ng mga gawaing pangampanya ng mga kandidato, partido, o organisasyon. Binuo ito sa bisa ng Comelec Resolution 10732 noong Nobyembre 2021.  

Mayroong CCC sa iba’t ibang antas na lokal hanggang nasyonal. Binubuo ito ng mga kinatawan ng limang ahensiya: Comelec, Department of Health, Department of the Interior and Local Government, Armed Forces of the Philippines, at ang Philippine National Police (PNP). 

(BASAHIN: FAST FACTS: Comelec committees that will issue campaign permits in 2022)

Ano-ano ang kailangan sa pagkuha ng campaign permit?

Kailangang mag-apply para sa permit ng CCC 72 na oras bago ang campaign activity. Maaaring ihatid sa CCC ang aplikasyon o kaya’t ipadala sa email. 

Kung pagkaraan ng 48 na oras ay hindi pa naglalabas ng permit ang CCC, itinuturing na aprobado na ang aplikasyon.

Sa aplikasyon sa isang permit, maaaring pagsamahin ng kandidato ang lahat ng mga gawain niya na naka-iskedyul sa isang araw. Halimbawa, kung sa iisang araw gagawin lahat, hindi kailangan ng magkakabukod na permit para sa pag-iikot sa palengke, pagtitipon sa barangay, caravan sa highway, at grand rally sa plaza.

Ang mga gawain na nasa labas ay kailangang kumuha ng bukod na permit mula sa local government unit. Ang mga event na gaganapin sa indoor venue, kailangang may patunay na may reservation na sa isang event place na may akreditasyon sa Department of Tourism. 

Ang mga in-person campaign naman ay kailangang may kumpletong listahan ng mga pangalan ng taong kasama ng kandidato sa lugar na pagdarausan ng kampanya.

Ano ang mangyayari kung hindi ka kumuha ng Comelec permit para sa mga campaign activities? 

Maaaring paghiwalayin ng Comelec ang aktibidades, o kasuhan ang kandidato ng election offense sa ilalim ng Omnibus Election Code.   

Nakalatag sa RA 10732, na ang “election offense” o paglabag sa mga batas pang-eleksiyon ay ang ang paglabag sa mga Seksyon Blg. 87, 88, at 89 ng Omnibus Election Code: 

  • Seksiyon 87 – Kailangang kumuha ng LGU permit para sa gaganaping gawain. 
  • Sinasabi ng Seksiyon 88 – Dapat magsabi sa election officer na may bagong gaganapin na rally o gawain. 
  • Seksiyon 89 – Limang oras bago ang rally, bawal nang bigyan ng kandidato, partido, o organisasyon ng pagkain o inumin ang mga dadalo. 

Ang mga gaganapin naman sa mga tinaguriang freedom park kagaya ng Luneta, o mga pribadong lugar, ay hindi na kailangang ikuha ng permit, ayon sa Public Assembly Act ng 1985 o Batas Pambansa 880. 

Ano ang mahirap sa pagkuha ng permit?

Paliwanag ng election lawyer at dating Comelec chief of staff na si Emil Marañon, kung ang hinihingi ng Comelec ay ang pag-a-apply para sa permit araw-araw, kailangang ang bawat kandidato o kampo ay may bukod na nang team na ito lang ang aasikasuhin. 

Pagkatapos ng bawat gawain, kailangang magsumite ang kandidato, partido, o organisasyon ng Affidavit of Compliance – patunay na sumunod ang kandidato sa mga patakaran ng Comelec – na nilagdaan ng isang abogado. 

Sabi ni Marañon, hindi ito patas sa mga kandidatong walang mga election lawyer na maaaring konsultahi, at mga kandidatong maaaring walang alam sa mga bagong regulasyon na ito. 

Para sa mga gawain naman na inorganisa ng mga volunteer pero hindi dadaluhan ng kandidato mismo, kailangan pa ring magsumite ng aplikasyon para sa permit. Dahil dito, ang kandidato o partido ang kailangang kumuha ng permit para sa mga volunteer, o kaya’y magbigay ng Special Power of Attorney (SPA) para sa kukuha ng permit. – Rappler.com

Batay sa Ask Your Election Lawyer: Permit dito, permit doon, na ipinalabas noong Pebrero 28, 2022.