Comelec

#PHVote Guides: Puwede bang baklasin ng Comelec ang campaign materials sa pribadong lugar?

Sofia Guanzon
#PHVote Guides: Puwede bang baklasin ng Comelec ang campaign materials sa pribadong lugar?

The Comelec conducts 'Oplan Baklas' activities on Wednesday, February 16, 2022.

(1st UPDATE) Nitong Marso 8, naglabas ng temporary restraining order ang Korte Suprema laban sa Oplan Baklas, kaya tigil din ang pagtanggal ng mga awtoridad ng campaign materials sa mga pribadong lugar

MANILA, Philippines – Kasabay ng simula ng opisyal na panahon ng pangangampanya noong Pebrero 8, ipinatupad din ng Commission on Elections (Comelec) ang Oplan Baklas, na agad naging kontrobersiyal.

Sa nasabing operasyon, binaklas ng mga awtoridad ang mga poster o tarpaulin na nakaladlad sa mga lugar hindi itinakdang display area ng Comelec, o mga materyales na pangampanya na mas malaki kaysa itinakdang sukat ng komisyon.   

Ngunit bumuhos ang mga reklamo tungkol sa Oplan Baklas dahil ang mga campaign paraphernalia na tinanggal ay nasa mga pribadong lugar. At sa naunang bugso ng operasyon, posters at tarpaulin ni Vice President Leni Robredo ang pinagbabaklas. Ang mga mural na pinaghirapan ng mga boluntaryo niya, pinatungan ng pintura ng mga awtoridad.  

UPDATE: Nitong Marso 8, naglabas ng temporary restraining order o TRO ang Korte Suprema laban sa Oplan Baklas, kaya tigil din ang pagtanggal ng mga awtoridad ng campaign materials sa mga pribadong lugar.  

Ano-ano ang materyales na pangampanya na pinahihintulutan ng Comelec?

Sa ilalim ng Seksiyon 83 ng Omnibus Election Code, ipinagbabawal ang pagtanggal o pagsira ng mga materyales sa pangagampanya na sumusunod naman sa mga panuntunan ng Comelec. 

Ayon din sa Republic Act 9006 o Fair Election Act, ang mga materyales na ginagamit sa pangangampanya – kagaya ng mga poster na gawa sa tela, papel, o karton – ay hindi maaaring lumagpas sa 2 feet by 3 feet. 

Kung gagamitin ang poster, tarpaulin, o banner na ito sa isang rally, pinahihintulutan itong umabot sa sukat na 3 feet by 8 feet. 

Ang mga regulasyong ito ay para lamang sa campaign materials na mula sa kandidato o partido, at hindi dapat sumakop sa materyales na ginastusan at ginawa ng mga pribadong mamamayan, at isinabit sa pribadong bahay, opisina, o gusali, ayon sa election lawyer na si Emil Marañon, dating chief of staff ng isang Comelec chairman.   

Ano ang sakop ng regulasyon ng Comelec, at ano ang maituturing na pribadong campaign materials? 

Ang poster at iba pang materyales na pangampanya ay maituturing na pribado kung ipinagawa o binayaran ito ng pribadong mamamayan gamit ang sariling pera. 

Dahil pribado, hindi ito dapat sakupin ng mga regulasyon ng Comelec. 

Sa ilalim ng Saligang Batas, may kalayaan sa pamamahayag (freedom of speech) ang bawat mamamayan. Kasama sa kalayaan na ito ang pagpapahayag ng paniniwalang pampulitika, katulad ng sino ang napiling kandidato. 

Kung ang campaign material ay ginawa, ipinagawa, o binayaran ng isang kandidato, sakop na ito ng mga regulasyon ng Comelec. 

Mga taga-Comelec lang ba ang puwedeng magbaklas ng campaign materials na lumabag sa mga panuntunan?

Dahil iilan lamang ang mga officer ng Comelec sa isang lokalidad, maaari nilang ipasa sa pulis o opisyal ng lokal na pamahalaan ang awtoridad sa pagbabaklas.  

Tandaan na kapag panahon ng eleksiyon, pinakamakapangyarihang ahensiya ang Comelec, at maaari nitong i-deputize ang ibang awtoridad para sa ikaaayos ng kampanya at halalan. 

Ano ang dapat gawin ng may-ari ng lugar kung dumating ang baklas team?

Ayon sa Comelec Resolusyon 10743, dapat padalhan ng babala mula sa Comelec ang may-ari ng mga materyales tatlong araw bago tanggalin ang mga ito. Binibigyan ng kalayaan ang may-ari na tanggalin ang materyales o kuwestiyunin ang babala na ito. 

Maaari lamang tanggalin ang materyales pagkalipas ng tatlong araw. 

Ayon kay Marañon, kung ikaw ay isang pribadong mamamayan na nakatangagp ng babala mula sa Comelec tungkol dito, maaari mong ipagtanggol ang sarili mo dahil karapatan mo na magpakita ng suporta para sa pinili mong kandidato. 

Kung magpipilit ang awtoridad na baklasin ang campaign materials kahit na walang naunang babala mula sa Comelec, o kung agad babaklasin kahit wala pang tatlong araw, ilegal ang ginagawa nila.

Mangolekta ng ebidensiya, kagaya ng pagkuha ng mga litrato, video, at pangalan ng mga taong nagbaklas. Makakatulong ang mga ito kung nais mong magsampa ng kaso. 

Mas makatutulong ang CCTV recording, ayon kay Marañon, dahil ipakikita nito ang buong pangyayari kung talagang hindi nga sinunod ng awtoridad ang ang legal na pamamaraan ng pagbigay ng babala. – Rappler.com 

Batay sa Ask Your Election Lawyer: Oplan Baklas na ipinalabas noong Pebrero 21, 2022.

Add a comment

Sort by

There are no comments yet. Add your comment to start the conversation.