Mga guro, maging malikhain sa pagtuturo ng Filipino

PANGASINAN, Pilipinas – Sa pagbubukas ng Buwan ng Wika ngayong Agosto, hinikayat ng mga eksperto ang lahat ng guro na gawing malikhain at kasiya-siya ang pagtuturo ng Filipino sa mga kabataan.

"Kailangang mas masaya ang pagtuturo ng Filipino ngayon. Bakit kailangang boring ang Filipino? Kailangan tayong tumuklas ng malikhaing paraan ng pagtuturo pa ng Filipino,” hamon ni Jimmy Fong, Komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong Miyerkules, Agosto 5 – ang unang araw ng Pambansang Kongreso sa Pagpaplanong Wika.

Mga 79 taon na rin ang nakalipas nang huling magkaroon ng pagpaplanong pangwika sa bansa. Ngayong taon, idinaos ang kongreso sa Lingayen, Pangasinan. 

Kagaya ni Fong na idiniing tuluy-tuloy dapat ang eksperimento sa pagtuturo ng Filipino, sinabi ni Ruth Mabanglo – isang propesor ng Filipino sa University of Hawaii – na kailangang nasa konteksto ang pagtuturo.

Ibig sabihin, dapat isinasaalang-alang ang wikang higit na ginagamit ng bata sa bahay, sa paaralan, at sa komunidad. 'Ika ni Mabanglo, kailangang bigyang pansin ang mga awtentikong kagamitan sa pagtuturo ng wika, tulad ng mga soap operas at mga diyaryo.

"Ang (effectiveness) nun, hindi siya yung ginagawa nung mga textbook writer na yun na kaagad, wala ka nang ibang choice. Ito, marami kang choices, tapos realistic kasi it was not meant for teaching, it was meant para paunlarin ang utak ng mga nagsasalita ng language," ani Mabanglo. 

Pero paano nga ba malalaman kung matagumpay ang guro sa pagtuturo ng Filipino?

Sabi ni Fong, masusukat ang tagumpay sa kung paano napatutunog ng bata ang mga alpabetong Filipino, lalo na ang mga sumusunod:

"Kaya ang hamon natin para sa lahat ay mas mahusay na pagtuturo sa Filipino. Huwag nating palagpasin ang mga maling pagpapatunog ng mga patinig at katinig," 'ika ni Fong.

Dagdag ni Mabanglo, mahalagang bigyang-diin sa pagtuturo ang pagsasalita sa Filipino, dahil pagsasalita ang paunang sukat sa kaalaman sa wika.

Pagsusuri ng guro

Minungkahi niyang dapat dumaan ang mga guro sa pagsusuri upang malaman ang kanilang antas sa pagsasalita ng Filipino. Aniya, mahalagang makaabot ang mismong guro sa "superior level" ng pagsasalita:

"Hindi makaaasang magiging mahusay na mahusay ang mag-aaral kung hindi mahusay na mahusay ang modelo – ang mga guro," 'ika ni Mabanglo. – Rappler.com

Jee Y. Geronimo

Jee is part of Rappler's Central Desk, handling most of the world, science, and environment stories on the site. She enjoys listening to podcasts and K-pop, watching Asian dramas, and running long distances. She hopes to visit Israel someday to retrace the steps of her Savior.

image