Pagkatalsik sa SC, ano'ng maaaring gawin ni Sereno?

(Salin ni Anj Heruela ng SalinCatCat ng artikulong "After SC ousts her, what can Sereno do now?", mula sa orihinal na Ingles ni Lian Buan na unang nalathala noong Mayo 11, 2018.)

MANILA, Philippines – Matapos paboran ng Korte Suprema ang quo warranto petition na nagpawalambisa ng pagkakatalaga niya bilang Punong Mahistrado, ano ang puwedeng gawin ni Maria Lourdes Sereno?

Limang sitwasyon ang maaaring pagpilian ni Sereno, ayon kay University of the Philippines law professor Dan Gatmaytan. Karamihan sa mga ito ay nagbabadya ng krisis.

1. Tanggapin ang desisyon at lumisan

Simple, maaaring tanggapin ni Sereno ang desisyon, lisanin ang Korte Suprema, at huwag nang lumingon.

2. Umapela

Sundin ang pamamaraan ng Korte. Maaari siyang maghain ng motion for reconsideration, at habang naghihintay sa kalalabasan nito ay pag-isipan ang mga susunod niyang galaw.

"Pero kung wala siyang bagong argumento, mas malamang na balewalain ito ng Korte Suprema," sabi ni Gatmaytan.

Mananatiling Punong Mahistrado si Sereno sa habang nakaapela ang kanyang kaso, ani Gatmaytan, "pero hindi ito masaydong magtatagal."

3. Labagin ang desisyon

Maaaring gawin ni Sereno ang kasukdulan at labanan ang naging desisyon ng Korte.

"May basehan siya sa Konstitusyon. Maaari niyang sabihing tinanggal siya nang hindi ayon sa isinasaad ng Konstitusyon. Pero sa puntong praktikal, malamang ay hindi niya ito gagawin," sabi ni Gatmaytan.

Ang Korte Suprema ang maiipit sa sitwasyong ito dahil habang siya'y nakaupo, kakailanganin na rin ng Judicial and Bar Council na maghanap ng kanyang kapalit.

"Hindi mahusay na political move ito. Magmumukha siyang panggulo. Maaaring tama siya sa pananaw na moral, at kahit pa legal, pero sa praktikal, hindi matalinong hakbang ang kumapit pa sa puwesto," sabi ni law professor.

4. Igiit ng Kongreso ang kapangyarihan nito

Sa pagitan ng dalawang kapulungan, ang Senado ang mas may interes na igiit ang kapangyarihan nitong itinatalaga sa Konstitusyon na pangunahan ang impeachment. Pero ang nangyari, hindi pa naipapasa ng Kamara ng mga Representante sa Senado ang articles of impeachment. Magbabalik sa sesyon ang Kongreso sa Mayo 15.

Maaari namang igiit ng Senado ang kanyang mandato na magsilbing impeachment court. Pero sa pagkakataong ito, magbubunga na ito ng constitutional crisis.

Ayon kay Gatmaytan, puwede sanang mas maagang hinamon ng Senado ang quo warranto petition sa Korte Suprema. Ngayong natanggal na si Sereno, lumipas na rin ang pagkakataon ng Senado.

Maaaring balewalain ng Senado ang pagpapatalsik sa pamamagitan ng quo warranto. "Hindi ito lalabas na kaaya-aya, pero hindi rin naman ito ang unang pagkakataong nangyayari ang ganito, madalas na nating nasasaksihan ang ganito," sabi ni Gatmaytan.

"Kapag hindi binibigyang halaga ng ibang sangay ng gobyerno ang Korte Suprema – gaya ng nangyayari ngayon – hindi ito magandang senyales. Ibig sabihin, hindi nila kapantay ang mga korte, at ang tingin nila sa Korte Supreme ay mas mababang sangay [ng pamahalaan]. Kung ano-anong pangalan na ang itinatawag nila rito. Hindi ito nangyayari noong nakaraang sampu o limang taon," dagdag niya.

5. Aalis si Sereno ngayon, pero magbabalik para ipabaligtad ang desisyon ng Korte

"May basehan na suriin ng Korte Suprema sarili nitong desisyon. May posibilidad na baligtarin nito ang desisyon sa hinaharap," sabi ni Gatmaytan.

Nakasalalay iyan sa mga susunod na itatalaga sa Korte.

Ang tanong: nakasalalay ba kay Sereno ngayon ang pag-iwas sa mga posibleng krisis, at mapayapa na lang na lumisan?

"Kung ayaw natin magkakrisis, ang dapat mangyari ay sundin ng Korte Suprema ang batas. Hindi kay Sereno nakasalalay ang bagay na ito," ayon kay Gatmaytan. "Kung talagang mayroong isyu tungkol sa Punong Mahistrado, dapat itong resolbahin sa impeachment trial." – Rappler.com