education in the Philippines

PANOORIN: Bakit kakaunti ang sumali sa face-to-face classes sa public school sa Pasig?

PANOORIN: Bakit kakaunti ang sumali sa face-to-face classes sa public school sa Pasig?

IN-PERSON CLASSES. Pasig Central Elementary School resumes face-to-face classes on Monday, December 6, after nearly 2 years of closure

Bonz Magsambol/Rappler

Sa 40 estudyante ni Jennifer Rivares, guro sa ikalawang baitang, 14 lamang ang nakikilahok sa face-to-face classes. Tinutukan ni Rappler education reporter Bonz Magsambol ang pilot run sa sa Pasig Central Elementary School. Panoorin ang kanyang ulat.

MANILA, Philippines – Matapos ang halos dalawang taon na walang laman ang mga silid-aralan dahil sa pandemya, binuksan ng Pasig Central Elementary School ang kanilang paaralan para sa limited face-to-face classes nitong Lunes, December 6.

Isa ito sa 28 pambulikong paaralan sa Metro Manila na nadagdag sa naunang 100 pampublikong paaralan na nagsasagawa ng pilot run ng face-to-face classes simula noong Nobyembre.

Hindi naging madali para sa mga guro ng Pasig Central Elementary School na kumbinsihin ang mga magulang na payagan ang kanilang anak na sumali sa pilot run. Sa 40 estudyante ni Jennifer Rivares, guro sa ikalawang baitang, 14 lamang ang nakikilahok sa face-to-face classes.

Ayon kay Pasig Central Elementary School principal Emelita Medina, ang pagkakaroon ng bagong variant ng COVID-19 na tinatawag na Omicron ang dahilan ng nakakarami para hindi payagan ang kanilang mga anak – lalo na’t hindi pa nababakunahan ang mga batang may edad 5 hanggang 11.

Bagama’t wala pang nakikitang kaso ng naturang variant sa bansa, sinabi na ng Department of Health na maaaring makapasok rin ito sa bansa katulad na lamang ng pagpasok ng iba pang mga nakaraang “variant of concern”

Ayon sa mga paunang ulat, maaaring mas nakakahawa ang Omicron kaysa sa ibang variant ng coronavirus.

Ang hamon ngayon sa mga paaralan sa Metro Manila: Paano nila makukumbinsi ang mga magulang ng mga estudyante na ligtas na ang pagbabalik-eskuwela?

Tinutukan ni Rappler education reporter Bonz Magsambol ang pagbubukas ng face-to-face classes sa Pasig Central Elementary School. Panoorin ang kanyang ulat. – Rappler.com

Reporter: Bonz Magsambol
Producer: Nick Villavecer

Supervising Producer: Beth Frondoso
Production Specialist: Uly Pontanares