MANILA, Philippines – Opisyal nang polisiya ng Marcos administration na hindi na muling sasali ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) dahil may sarili na raw tayong imbestigasyon. Ano na ba ang nagawa ng justice system ng Pilipinas?
Base mismo sa mga numerong isinumite ng Duterte administration sa ICC, kakarampot lang ang pumasok na kaso sa sistema, at bulto nito, o 302, ay bumalik sa Step 1 ng imbestigasyon. Iisa pa nga lang ang umabot na sa Step 4 o ‘yung may hatol ng korte, at ‘yan ay ang kaso ng binatilyong si Kian delos Santos na pinatay ng tatlong pulis Caloocan noong Agosto 2017.
Ang sabi ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla, malaking problema raw ang kawalan ng testigo.
Ayon sa mga eksperto ng ICC, ang hurisdiksiyon ng korte ay hindi lang nakabatay sa kung gumagana ba ang justice system ng bansa, kundi pati sa kung isasama ba sa imbestigasyon dito ang mga taong “target” ng ICC.
Kaya tanong ni dating senador Leila de Lima: Kaya ba ng kasalukuyang gobyerno na mapanagot si dating Pangulong Rodrigo Duterte?